Kuwento ng mga Nasunugan

Maaaring konsolasyon para sa ilang naghihirap ang trahedyang kinaharap ng napakaraming pamilyang nasunugan nitong mga nakaraang buwan. Marahil, nasa isip nilang mas mabuti na ang abang kalagayan nila kumpara sa kalunos-lunos na pinagdaraanan ngayon ng mga nawalan hindi lang ng bahay kundi ng mga naipundar.

NI DANILO ARAÑA ARAO
Konteksto / Pinoy Weekly
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VII, No. 48, January 13-19, 2008

Maaaring konsolasyon para sa ilang naghihirap ang trahedyang kinaharap ng napakaraming pamilyang nasunugan nitong mga nakaraang buwan. Marahil, nasa isip nilang mas mabuti na ang abang kalagayan nila kumpara sa kalunos-lunos na pinagdaraanan ngayon ng mga nawalan hindi lang ng bahay kundi ng mga naipundar.

Ang pinakahuling sunog na nangyari sa Baranggay San Francisco del Monte (SFDM), Lungsod Quezon ay tumagal nang halos apat na oras noong umaga ng Enero 7 (Linggo). Tinupok nito ang 50 bahay na tinirhan ng mahigit 100 pamilya.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, mabilis na kumalat ang apoy dahil ang mga bahay ay gawa sa “light materials.” Ang isang napabayaang depektibong tangke ng LPG ang dahilan diumano ng sunog na sumira sa mga ari-ariang nagkakahalaga ng P2 milyon.

Kung hahatiin ang halagang ito ayon sa tinatayang dami ng pamilyang nawalan ng bahay, lumalabas na ang karaniwang halaga (average value) ng pag-aari ng isang pamilya ay mababa pa sa P20,000. Masasabing ito ay napakaliit na halaga kung isasaisip ang mataas na presyo ng mga kagamitan sa bahay, kahit sa sabihing segunda mano ang karamihan sa mga ito.

Kung sabagay, hindi na nakakagulat na limitado lang ang mga naipundar na ari-arian ng mga nasunugan. Ang mga natupok na bahay kasi ay karaniwang pinaghahatian ng higit sa isang pamilya.

Talaga namang kahit ang opisyal na datos ay magpapatunay na nagsisiksikan na nga ang maraming tao sa Metro Manila. Ayon sa census noong 2000, ang populasyon sa Metro Manila ay umabot sa 9.9 milyon, at ang population density ay 15,617 bawat kilometro kuwadrado (square kilometer). Para sa taong 2007, tinatayang may 11.3 milyong katao (medium assumption) nang nakatira sa Metro Manila!

Pero nakakagulat na para sa pamahalaan, maliit na bilang lang ng populasyon ang masasabing naghihirap. Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na may planong tanggalin lahat ng iskuwater sa Metro Manila sa taong 2010 o kahit hanggang 2022, ang mga iskuwater ay umaabot lang sa 85,000 pamilya sa Greater Manila Area (GMA), o mga apat na porsiyento ng mahigit sa dalawang milyong pamilyang nakatira sa Metro Manila noong 2000.

Kung susuriin ang opisyal na datos ng MMDA, lumalabas na maliit na bilang lang ang mga iskuwater sa Metro Manila, at ito ay repleksiyon ng opisyal na pahayag ng Malakanyang na mababa ang insidente ng kahirapan hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

Sa pinal na resulta ng poverty incidences na nakapaloob sa 2000 Family Income and Expenditures Survey (FIES), lumalabas na 39.4 porsiyento lang ang mahihirap sa buong bansa, at 11.4 porsiyento lang sa Metro Manila.

Totoo kaya ang mga ito? Maaari mo sigurong sabihing iba ang estadistika sa nakikita ng mata. At lalong kabaligtaran ang nararamdaman ng sikmura.

Kung totoong kakaunti lang ang mahihirap sa bansa, partikular sa Metro Manila, bakit marami tayong nakikitang mga batang lansangan, taong grasa at iba pang taong namamalimos sa ating paligid? Malinaw na hindi sinasalamin ng opisyal na datos ang pambansang kalagayan.

Para sa mga nasa kapangyarihan, dapat isipin ng publikong ang mga trahedya tulad ng sunog ay mga hiwalay na insidente lamang at nangyayari sa “kakaunting mahihirap.” Tulad ng nangyaring sunog sa SFDM, madalas na sinisisi ang isang tao o pamilya na nandamay ng kanilang kapitbahay dahil sa kanilang kapabayaan o katangahan.

Pero alam nating hindi naman mangyayari ang ganitong mga trahedya kung ang mga batayang serbisyo tulad ng angkop na pabahay ay naibibigay sa mahihirap. Hindi ba’t mas malapit sa aksidente ang mga tao kung sila ay nagsisiksikan sa isang lugar at kung ang kanilang mga bahay ay gawa sa kahoy, karton at iba pang bagay na mabilis magliyab?

Kahit na sabihing ang kapabayaan ng isang tao ay maaaring magresulta sa isang malaking sunog, hindi dapat kalimutan ang mas malaking kapabayaan ng pamahalaan. Kung sabagay, paano nga naman maaasikaso ang kabutihan ng mga taong hindi nakikita sa opisyal na datos? Burado na sa estadistika noon pa man, nasunugan pa ngayon!

Ganito ang buhay ng mahihirap sa Pilipinas, lalo na ang mga iskuwater. Para sa mga nasa kapangyarihan, hindi matindi ang kahirapan. Ang anumang trahedyang kinakaharap ng mahihirap ay kasalanan ng ilang katulad nila, at walang kinalaman ang pamahalaan. Pinoy Weekly / Inilathala ng (Bulatlat.com)

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Share This Post