Usap-usapan ang mga sagot ni Janina San Miguel sa question-and-answer portion ng nakaraang Binibining Pilipinas. Hindi naman nag-a-apply sa call center si San Miguel. At kung mag-apply man ito, kasama ito sa 97 porsyento na babagsak. Kaya nga siya nag-beauty contestant ay dahil alam niya ang angkop na halaga at lugar ng kanyang katawan. Ang operative word ay “beauty” at kahit sabihin pang hindi ito skin-deep, ay ito pa rin ang pasaporte para sa realisasyon ng kanyang pangarap at ng kanyang henerasyon.
NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat
Vol. VIII, no. 7, Marso 22-29, 2008
Usap-usapan ang mga sagot ni Janina San Miguel sa question-and-answer portion ng nakaraang Binibining Pilipinas. Naka-upload ito sa You-tube at masakit itong panoorin. Heto ang transcript ng interview ng host na si Paolo Bediones:
Bediones: So you won two of the major awards, Best in Long Gown, Best in Swimsuit. Do you feel any pressure right now?
Contestant: No, I do not feel any pressure right now.
Bediones: All right, confident! Please choose a name of a judge. We have Miss Vivian Tan.
Vivian Tan: What role did your family play with you as a candidate to Binibining Pilipinas?
Contestant: Well, my family’s role for me is so important. Because der was d… deyr… dey was the one… who’s very… haha… Oh, I’m so sorry. Uhm My pamily… my family, oh my god.
Bediones (off-mike): Pwede mag-Tagalog. Sige lang, sige lang.
Contestant: Ok. I’m so sorry.
Bediones (off-mike): Okay lang ‘yan.
Contestant: I’m so sorry…I… I told you that I’m so confident. Eto, uhm, wait. Hahahaha. Uhm… Sorry guys… because this was really my first pageant ever. Because I’m only 17-years old! And ahahaa… I.. I did not expect that I came from, I came from one of TAF Ten… Mhmm… Sooo…. But I said DUT my family is the most important persons in my life. Thank you.
Nasa edad na ang bansa ng purong ideal ng katawan, wala nang usapin ng utak dahil “grace under pressure” naman talaga ang beauty contests. Kahit ano pang pagkakamali o kanipisan ng sagot, ang pagtatalon ng f at p, ang mahalaga ay confident na nakangiti pa rin ang batang contestant. Masyado nang mataas ang kahilingang beauty-and-brains sa isang bansang pinagdarahop ng pambansang pamahalaan ang pondo sa edukasyon, at winawaldas sa pangungurakot ang nalalabing pondo ng mamamayan. Mas malaking usapin kung karapat-dapat ba siyang manalong Bb. Pilipinas World, matapos nitong inaakalang karumaldumal na tugon sa interview portion. At sa mas malaliman, kung karapat-dapat ba itong maging ambassador of goodwill ng bansa?
Ang formulasyon ng dalawang isyu sa debate ay nagsasaalang-alang ng criteria ng paghuhusga at representasyon. Hindi naman liberal na demokratiko ang pagpili, nakabatay ito sa formulasyon ng angkop na representatibo sa mas malaking global na beauty pageant. Kaya nga ang nanalo ay may titulo ng kanilang magiging susunod na partisipasyon-Bb. Pilipinas Universe na sasali sa Miss Universe, Bb. Pilipinas World para sa Miss World, Bb. Pilipinas International para sa Miss International, at iba pa. Ang judges ay pumipili batay sa criteria for judging na iplinakda ng organizers ng Bb. Pilipinas. At ang organizers ay sumasapul naman sa higit pang tsansang manalo sa global na beauty pageants ng lokal na pambato.
Ang Bb. Pilipinas ay ang lokal na idioma ng bansa sa global na kumpetisyon. Tulad sa edukasyon, ang inihahandang graduates ay yaong hindi nakabatay sa pangangailangan ng lokal na industriya kundi ng global na negosyo. Kaya nga ang diskurso ng edukasyon, lalo na sa collegiate level sa negosyo, law at medisina ay sa ingles-mula textbook na ginagamit, kurikulum na ipinapatupad, diskusyon sa klase at ng exams na kinukuha ay nagpapalawig sa kultura ng pakikiramay na nakahiwalay sa lokal na saloobin at pakikitungo. Nakikiramay na lamang sa sariling pagnanais makaangat sa buhay.
Kontraktwalisasyon ang nagaganap sa Bb. Pilipinas. Kung ano ang demand sa global na market ng beauty pageants ay ganoon na rin ang isinasakatuparan. Wala nang mananalong punggok na Filipina, o masyado ring exotiko. Kailangan ay 5’8” at may Caucasian features kahit pa wala ang kaputian (whiteness). Samakatuwid, pangmodelo kahit hindi naman literal na nagmomodelo ng damit kundi ng metapisika ng kagandahan ng Bb. Pilipinas at Miss Universe, halimbawa.
Kaya ang mga nananalong Filipina sa lokal na kumpetisyon ay binibigyan ng crash-course sa bansang nakaperfekto na ng paglikha ng global na winners, ang Venezuela. Nire-redo ang national costume na nakabatay sa estetika ng Broadway kaysa sa anumang pambansang identidad, nirerepaso ang lakad at pakikitungo, at iba pa. Na kung dati ay breeding ang magbibigay nito, dahil historically naman, ang nananalo sa unang mga beauty contests, tulad ng Manila Carnival, ay galing sa alta-sosyedad na familia, at maging sa Marcos era na winners-Gloria Diaz at Aurora Pijuan ay galing sa muy bueno familia, ngayon ay hindi naman sa pumangit ang alta sosyedad kundi hindi na ito ang kalakaran para magkaroon pa ng dagdag na kapital.
0 Comments