Para sa mga magulang ng mga nagsipagtapos, higit pa sa gintong medalya ang kanilang gantimpala, lalo na kung ang mga anak nila’y tutulong sa pag-unlad hindi lang ng pamilya kundi ng buong bansa.
NI DANILO ARAÑA ARAO
Konteksto / Pinoy Weekly
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VIII, No. 9, April 6-12, 2008
May dalawang commencement exercises na dinaluhan kaming mag-asawa noong Pebrero at Marso. Nagtapos kasi ang dalawa kong pamangkin sa kolehiyo at elementarya.
Wala man silang nakuhang medalya, ibang klaseng karangalan ang naibigay nila kay Ate na nagpakahirap para makapagtapos sila. Para sa kanya, may magandang ibinunga ang halos walang tulog na pagtatrabaho para lang bayaran ang mataas na matrikula ng mga eskuwelahan nila.
Ang panganay kasi’y nagtapos sa De La Salle College of Saint Benilde sa Maynila; at ang nakababata, sa St. Scholastica’s Academy sa Marikina. Alam nating hindi biro ang matrikula’t iba pang bayarin sa mga eskuwelahang ito bagama’t napakataas ng kalidad ng edukasyong ibinibigay ng mga ito.
Malaking sakripisyo para kay Ate ang pagpapaaral sa dalawa niyang anak. Kahit na nasa ibang bansa siya, parati niyang kinukumusta ang kalagayan nila.
Gusto man niyang makapunta sa Pilipinas sa araw ng kanilang pagtatapos, nanghinayang siya sa malaking gastos sa pamasahe. Ito ang dahilan kung bakit nagkasya na lang siya sa pagbati sa mga anak niya sa pamamagitan ng telepono. Hindi man siya pisikal na nakita, narinig naman ang boses niya.
Katulad ng iba pang magulang, ginawa ni Ate ang lahat para mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak niya. Ako at ang aking asawa ay lubos na nanghinayang na hindi niya nakita ang kanyang mga anak sa matatawag na “espesyal na araw” nila. Sabihin mang puwede namang ipadala ang mga larawan, iba pa rin ang pisikal na presensiya sana ni Ate sa araw ng kanilang pagtatapos.
Naaalala ko tuloy ang sarili kong pagtatapos noong elementarya, hayskul at kolehiyo. Masaya ako noon, pero hindi lang ito dahil naroon sa aking pagtatapos ang aking mga mahal sa buhay. Ang aking kasiyahan ay masasabing napakababaw dahil nasilaw ako noon sa kinang ng mga gintong medalya.