Medalya Bilang Gantimpala

Aaminin kong ibang kasiyahan ang nadama ko kumpara sa mga tinagurian kong “ordinaryong” gradweyt. Sa loob-loob ko noon, espesyal ako dahil sa aking pagiging honor graduate. Pero ang aking kasiyahan ay may iba’t ibang antas.

Hindi po ito personal na pagyayabang kundi pagtutuwid ng isang kamalian.

First Honorable Mention (o Third Honor) “lang” ako noong nagtapos sa elementarya kaya hindi ako masyadong masaya noon. Dagdag pa rito ang sitwasyong sa dinami-dami ng mga medalyang pang-akademiko, ang nakuha ko lang na karangalan ay “Best in Religion.” Para sa akin noon, hindi ako “magaling” dahil dalawa lang ang medalya ko.

Pero hindi masukat ang aking kasiyahan noong hayskul dahil naging Valedictorian ako’t sa akin napunta ang ang karamihan sa mga medalya sa larangan ng akademiko at pamumuno sa student council. Hindi tuloy nakakagulat na abot-tainga ang ngiti ko noon. Huwag mo sana akong pagtawanan kung sa aking pagtulog sa gabi ng aking pagtatapos noong hayskul, katabi ko sa kama ang mga medalya ko!

Kahit cum laude “lang” ako noong kolehiyo, masasabing may kasiyahan din naman ako dahil nakuha ko ang karangalang “Most Outstanding Journalism Student.” Masasabi mong “bumawi” na lang ako noong nagtapos ng master’s sa isa pang unibersidad na naggawad sa akin ng gradwadong karangalang “With High Distinction” (na katapat ng summa cum laude sa antas na undergraduate.)

“Kay galing naman ng anak ko!” Ilang beses kong narinig ito sa nanay ko habang sinasabitan ako ng mga medalya. Masakit mang aminin, wala akong pagkilala sa pinagdaanan niya para lang makapagtapos ako.

Sa aking valedictory speech noong hayskul, parang pabalat-bunga lang ang aking pasasalamat sa kanya. Mas inisip ko noon ang aking personal na kagalingan at hindi ang konteksto ng aking karanasan, lalo na ang hindi-masukat na sakripisyo ng nanay ko.

Sa okasyon ng pagtatapos ng dalawa kong pamangkin, pumasok sa aking isipan ang aking kamalian. Para sa kabataan, ang pagtatapos ay dapat na okasyon para kilalanin ang mga magulang, lalo na ang mga nagbuhos ng dugo’t pawis tulad ni Ate at ng nanay namin.

Para sa mga magulang ng mga nagsipagtapos, higit pa sa gintong medalya ang kanilang gantimpala, lalo na kung ang mga anak nila’y tutulong sa pag-unlad hindi lang ng pamilya kundi ng buong bansa. Pinoy Weekly / Inilathala ng (Bulatlat.com)

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com

Share This Post