Second-Generation Mall ng Trinoma

Ang ginagawa ng Trinoma Mall ay kumilala sa pangkalahatang limitasyon ng malls: maximisasyon ng MRT at lokasyon sa bukana ng northern Metro Manila, kawalan ng luntiang espasyo sa syudad (dahil na rin sa okupasyon ng mga mall sa malalaking lupa), at pati na rin ng daluyan ng tubig. Idinagdag ito pati ang façade sa harap ng West Avenue na may light show, ang bloke ng pader ay nagbabago ng ilaw, tulad sa isang mall sa Orchard Road sa Singapore. Natural at teknolohikal ang inobasyon ng Trinoma Mall na sa pangunahin ay sinisikap ng Mall of Asia na tumbukin din.

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat
Vol. VIII, No. 9, April 6-12, 2008

Hinuhudyat ng Trinoma Mall ang ikalawang henerasyon ng malls sa bansa. Mula sa kahong walang sentro, tumungo na ang pag-unlad sa mas maligoy na kurbang may sentro. At ang sentrong atrium—na natatanaw mula sa lahat ng palapag ng mall—ay paratihang busy sa mga shopping-related na aktibidad: mula sa paghahanap ng pagkakakitaan sa job fairs, at business at franchise expos; tungo sa pagkakagastahang showcase ng appliances at gadgets na mabibiling 12 gives, 0-percent interest; at hanggang sa mga palabas na sponsored ng damit o CD store na hindi nakakagulat na may outlet din sa mall, maging ng mall tour ng mga artista para sa bagong sine at produktong ineendorso.

Kumpara sa malls ng SM at Robinson na inspired ng kahon ng sapatos—na siya namang unang negosyo ni Henry Sy (pagtitinda ng sapatos, hindi ng kahon ng sapatos), ang pinakamasigasig na nagpalawak ng kulturang mall—ang malls ng Ayala, tulad ng Glorietta at ang pinakabagong mall nila, ang Trinoma ay clover ang disenyo: magkakasalikop ang curvilinear na seksyon na nagtatagpo sa gitnang atrium. Ang Trinoma Mall ang pinakabagong high-end mall di lamang sa Metro Manila kundi na rin sa bansa. Ito ay dinevelop ng Ayala Corporation—na tulad ng kasaysayan ng gamit ng malalaking real estate sa Metro Manila, nanggaling sa pagligwak ng squatters’ community at ang kabuhayan nila sa dating “Divisoria sa EDSA”—at nakabatay ang disenyo sa prototipo ng Glorietta Mall at Greenbelt Mall, mga high-end mall sa Makati. Na ang kasaysayan ng mall development sa bansa ay kasaysayan ng karahasan at demolisyon sa hanay ng maralitang tagalunsod.

“Bulaklak” ang disenyo ng Trinoma Mall, parang baroque architecture o urban planning, curvilinear (kumpara sa mas efisienteng grid ng SM at Robinsons) ang disensyo ng interiors, ang maliliit na aisle ay lalantad sa mas malalaking aisles, at ang lahat ng aisles ay papasok sa sentro, ang atrium na parang town plaza ang gamit—dito nagpapalabas, at nagaganap ang trade exhibitions at job fairs. Ito rin ang lohika ng disenyo ng Quezon City bilang kaisa-isang planadong syudad na ang georapikong sentro ay ang Quezon Memorial Circle.

Kumbinasyon din ang Trinoma Mall ng Greenbelt at Libis dahil ginagamit ang al fresco dining at promenading space. May pocket na outdoor na parke sa tuktok ng mall na terraced na bumababa sa iba pang palapag. Mayroon ding cascading na tubig at fountain areas sa bawat palapag nitong erya ng parke. Sa bamboo grove at modernong pond area sa pinakaitaas na bukas na palapag, may hamog (fog/mist) na lumalabas sa portals para i-simulate ang Baguio o Tagaytay-country feel.

Kaya mas nakakahilong mag-malling sa Glorietta at Trinoma dahil nakakaligtaan kung saan kang seksyong nanggaling at tutungo. Ang SM, maliban sa pinakabago at pinakamalaking Mall of Asia, at sa ilang pagkakahalintulad, ang Robinson malls ay padiretso lang ang direksyon ng magkabaligtad na paroon at paritong mga maller. Para ka ngang nasa loob ng kahon ng sapatos dahil sinadyang lumikha ng pagkalito sa distinksyon ng loob at labas—at ang pribilisasyon ng nasa loob bilang mas ligtas, malinis, kaiga-igayang lunan na lumilipas lang ang natural na panahon—na makakapagtiyak ng pagkawala ng oras, pagbagsak sa mas kaasam-asam na mundo at karanasan sa shopping.

Sa Trinoma Mall, magkakaiba ang sakop ng lebel. Nakakalito ang magkahiwalay na mga parking seksyon, ng pasukan at labasan ng tao. Kailangan ng mental compass para mawari ang direksyon ng EDSA at North Avenue. Sa anumang bagong bukas na mall, paratihang may pagkalito at simulang disaster na nangyayari (pagbagsak ng kisame sa fastfood section, pagbaha ng tubig ulan sa drug store sa basement). Hindi pa siempre kabilang dito ang kasalukuyang konfigurasyon ng kapangyarihang pang-estado, ng terorismo at konsumpsyon: ang pagbomba sa Glorietta 4. Nawawala pa nga dahil hindi pa namapa ng senses ang bagong espasyo, lalo na ang bagong karanasan sa second-generation mall. Pero sa katagalan, sa familiarisasyon at ritualisasyon (regular malling) sa lugar, mawawari na ang direksyon at espasyo.

Share This Post