Kung May Katwiran, I-blog Mo

Kaya ang blogging ay nananatiling virtual na liberal na demokrasya sa pawala nito sa aktwal na lipunan. At ito ang antas ng paglahok sa virtual na aktibismo, ang katiyakan na ang tinig sa virtual na palengke ng idea ay maririnig dahil nga quiet riot lamang ito, kahit pa kahilingang operasyonalisasyon ng liberal na demokrasya ang kahilingan. Na ang pinakaparaan ng pagbabalikwas dito ay ang pagligwak sa personalidad na kayang mantsahan ang dangal bilang pribilehiyo ng alta-sosyedad, kahit pa hindi naman matitinag ang aktwal nilang yaman.

Kaya ang pinakapeligroso ang status sa nililigwak ng blog ay si Tim Yap, ang “eventologist” (ano raw?!) ng high society—dahil siya man ay may limitadong finansyal at intelektwal na kapital kumpara sa aktwal na alta-sosyedad. Siya na nagge-gatekeep sa lifestyles-of-the-rich-and-famous (Philippine edition) ay gine-gatekeep rin naman ng mismong alta-sosyedad at ang mga cottage industry na sumusuporta sa kanila (events management at public relations, halimbawa). Naalaala ko sa Singapore Daily na ni hindi man lang kilala si Yap nang atakihin nila ang usual na fashion gear na suot nito sa event sa syudad, tinukoy lang ang faux pas bilang Filipino wanna-be na tipo.

Sa blogging, ang naunang makapanghimok ng pinakamalaking publiko, ang lupon ng virtual na kalahok (kaya nga may counter ang blogs) ang siyang hari. Belated ang reaksyon ng Filipino lover, at maging ang pagpapalawak na tinutumbok ng chikatime blog. Gayunpaman, ang maaring matamasa sa anti-personalidad pero hindi ng alta-sosyedad na blogging ay ang tahimik na riot bilang ehersisyo ng liberal na demokratikong karapatan.

Sa aktwal na lipunan, sa tiyak na krisis dulot ng pagtaas ng presyo ng bilihin at pagkasaid ng supply ng bigas, ang riot ay spontanyong rekurso ng naghihikahos na lumpen na mamamayan. Aktibismo ang politikal na rekursong maaring ialok ng kilusang masa.

Kung may katwiran, imulat-pakilusin-organisahin mo! (Bulatlat.com)

Share This Post