Bawal ang Mahirap Dito

Lilikha ng hysterical panic ang administrasyon. Tulad na lamang ng reaksyon ng maraming senior na guro sa pagtapon ng putik at itlog kay General Hermogenes Esperon nang ito ay lumabas sa pinagsalitaang kwarto. Biglang naging Mr. Decorum at Ms. Moral Values ang maraming guro.

Na mapapaisip ka kung sino ang kanilang prinoprotektahan? Bakit sila ang parang tinapunan ng putik at itlog? Bakit may transference ng sama ng loob ni Esperon sa mga gurong umako nito? Hindi kaya sina Mr. and Ms. Moral Universe ay Ms. Chu-chu (sipsip) rin pala?

Ang identifikasyon sa nang-aapi bilang inaapi ay kabahagi ng rasyonalisasyon ng naghaharing uri. May nakitang “kawalan” o minus points sa politikal na pagkilos, na maling kinonekta pa sa kilusan. Anang isa, “Iyan ba ang gusto ninyong mamuno sa atin kung magtagumpay na?”

At mas matimbang itong kawalan para ang i-indict ay ang kumikilos para sa karapatang pantao. Mas lugi ang U.P. o ang imahen nito sa ginawa ng ilang progresibo. Kaya may usapan pang ipapa-expel raw ang mga ito, kailangan daw mag-sorry dahil inilagay sa hiya ang unibersidad.

Dalawa lang naman talaga ang reaksyon sa graffiti. Una ay ang total na indictment nito mula sa aktwal at representatibo ng naghaharing uri. Masama ito dahil hindi na itinuturing na sagrado ang pribadong pag-aari. Ano ang mararamdaman mo kung nakawin ang iyong cellphone o i-scratch ang iyong kotse?

Ikalawa, mula sa aktwal at representatibo ng mga inaaping mga sektor, ang amusement sa batayang lebel dahil mayroong kontra-rasyonalisasyong isinasaad ang graffiti. Pagbabalikwas ang pangunahing tema nito. At pati na rin ang inter-aktibong katangian ng graffiti.

Sa mesa sa klasrum, kapag nauupo ako habang may estudyanteng nag-uulat, binabasa ko ang mga graffiti. May sagutan pa ukol sa mga isyung hindi lubos na tinatalakay sa unibersidad. Itong kahoy na desk at kongkretong pader ang nagiging rekurso para mabigkas ang kolektibong hinanaing, at kolektibo rin itong mabasa.

Sumusulat ang isang tao ng graffiti dahil naetsapwera siya. At ang tangi niyang makakausap ay ang desk at pader. Pero siya na nagsusulat ay hindi nag-iisa. Nagsusulat siya, may media at espasyo siyang pampubliko. Ang kanyang lagay ay may kaakibat na kolektibong dumadanas din nito. Kaya ang mambabasa at tumutunghay sa graffiti ay may kolektibong posisyon na pinanggalingan. Kaya gets niya kaagad ang sinasabi ng graffiti.

Ang nagustuhan ko sa slogan na “Bawal ang mahihirap” ay ang pagsapol nito sa kasalukuyang pagdanas sa neoliberalismo ng imperialismo. Na imbis na isulat ay “Imperialismo ibagsak,” ang pagtuon ng pansin sa bawal ay pagtukoy sa kolektibong agam-agam at aspirasyon.

Aspirasyon na makapasok ang maraming mahihirap na pumasa sa UPCAT; agam-agam na nakabatay sa moral panic na paano naman “ako” kung makakapasok ang ibang mahihirap? Ang ginagawa ng slogan ay itawag-pansin sa pagbubura ng U.P. sa mahihirap bilang lehitimong kasapi ng pamayanan nito.

Pero sa kabilang banda, kailangan din ng U.P. ang mahihirap bilang paratihang kaiba (other) sa kanyang itinataguyod na gitnang uring subhetibismo. Kung walang jologs, walang pangangailangan sa SSB at iba pang para-militar na aktibidad sa kampus. Kung walang mahihirap, paano magiging exklusibo ang karanasan sa Chocolate Kiss at Cordi Café?

Sa maliit na uniberso ng U.P., kailangan ang pagmimintina sa presence ng mahihirap para maitaguyod ang kalakarang neoliberalismo. Kung walang squatter sa campus, walang dahilan kung bakit hindi mamaximisa ang idle properties para sa sarili nitong interes.  Sino ang tunay na dapat makinabang sa mga ari-arian ng U.P.?

Kung walang mahihirap na estudyante, walang patagong kabalitaktakan ang mayayamang estudyante. Sa huli, ang ipinagbabawal ay hindi rin lang mahihirap na tao, kundi ang karanasan sa kahirapan. At ito ang fantasy-ideal ng U.P., na magmukha siyang global university.

Kaya ang kontexto ng pagsulat ay tiyak na makakapagpagalit sa administrasyon na nagpapapinta ng mga lumang buildings sa academic oval. Biro mo, kapipinta pa lang ay vina-vandalize na ng graffiti! Ang pagtingin na pribadong pag-aari ang bagong-pintang bakod ang tampok na rasyonal ng administrasyon.

At dahil ang rasyonalisasyon ay pribadong pag-aari ang bakod, hindi na rin ito nahihiwalay na pagturing na pribadong pag-aari ang U.P.  Ang vina-vandalize ay ang U.P. mismo, at ang bagong representasyon na ito ay pribadong pag-aari ng administrasyong humahawak nito.

Sa pamamagitan ng graffiti, pinaluluwag, kahit sa isang maliit na lunan sa isang maliit na panahon (hanggang sa mapintahan muli ang bakod), ang paghawak ng administrasyon.  Maging ang rasyonalisasyon nitong sumasakal sa maraming nakapasok at nagigiit ng kanilang pang-uring entitlement ditto.

Sa isang sandali, pati ang administrasyon ay kailangang iutos na burahin ang matagal na nilang minamaniobrang mabura—dobleng erasure kumbaga: ang akto ng pag-gatekeep nila laban sa mahihirap, at ang akto ng pagbura nila ng graffiti na tumatawag pansin dito.  Hanggang sa iba pang sandali na muling susulpot ang graffiti sa ibang panahon at espasyo. (Bulatlat.com)

Share This Post