Kasinungalingan bilang Patotoo

Ang kasinungalingan ng estadong Arroyo ay patotoo sa mapanupil na imperialismong US. Ginagawang katanggap-tanggap ang pagmamangmang sa mamamayan. Ang kasinungalingan ay iniwawasto ng progresibong kilusan, inilalatag ang maskara ng paghuhunghang. Ang kasinungalingan ay pinapatay dahil ito ay nilalayong makamatay ng estadong Arroyo. At ang kasinungalingan ay nag-uudyok ng alternatibong pagtatanong at imahinasyon.

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat

Dismayado ang nakakinig kay Jojoc Bolante sa kanyang hearing sa Senado. Una, nag-stick ito sa kanyang script—walang anomalyang naganap sa higanteng fertilizer scam. At sa katunayan pa nga raw, malaking bahagi ng inilabas na pondo ay lehitimong na-liquidate na ng kinauukulan. Ikalawa, walang ugnay ang kaganapang scam kay Gloria Arroyo. At kung gayon, hindi ito kasama sa impeachable case laban sa pangulo.

Heto na naman tayo sa ating “Latin American nobela mode” o mga kaganapan sa panahon ng matinding Cold War at ang lantarang kasinungalingan at karahasan ng panahong ito. Sa marami sa mga nobela ng boom era ng panitikang ito, tila walang accountability—at kung gayon, governance—na nagaganap sa pagpapatupad ng mga polisiya ng imperialismong US, at ang pagbibigay ganansya sa lokal na politiko at higanteng negosyante.

At kahit pa sa post-boom era, ang nangyayaring kidnapping-for-profit; pag-ibig sa panahon ng Low Intensity Conflict (LIC), ang counter-insurgency ng US na ipinapatupad ng mga pambansang pamahalaang nag-aarmas sa vigilante groups; at ang mga postmodernong transnasyonal na kwento ay patuloy na naghuhudyat ng patuloy na karahasan at ang kasinungalingang ipinapalaganap para hindi pumutok ang tunay (real) na kaganapan. Sa mga nobela, mas mahina ang ugnay ng puppet na estado sa imperialismong US. Marami pa nga sa post-boom na panitikan ay naka-set na sa mismong US.

Sa pagsasalita ni Arroyo sa United Nations, parang hindi nakita ang paghaba ng ilong nito sa monotono ng kanyang boses. “Interfaith dialog” ang kanyang moda para matamasa ang global na kapayapaan kahit pa may pagbatikos sa gamit ng dahas sa ngalan ng “tolerance.” Bukod tangi raw ang bansa dahil dramatikong naresolba nito ang “problema sa Mindanao” sa pamamagitan ng interfaith dialog. Na ang kasinungalingan ay nagbibigay-diin at obligasyon na naman sa mismong nakikibaka ng tunay na kapayapaan sa Mindanao na pasinungalingan ang patotoo ng estado ni Arroyo.

Bakit hinahayaan kasing kumahol si Arroyo sa labas ng kural? Aral ang pagsisinungaling ni Arroyo sa edad ng neoliberalismong nagsasaad ng economic rationalization (kapayapaan para maipatupad ang pagpasok ng dayuhang kapital), tolerance (bilang depolitisisasyon sa anumang pagtatangkang mag-ugnay ng politikal na protesta), at state abandonment (mula serbisyo publiko hanggang safety net para sa gitna at abang uri hanggang sa paggamit sa fasismo sa ngalan ng pag-unlad na magtitiyak ng sistemikong pangungurakot ng faksyon ng naghaharing uri). Ang kanyang posisyon ang nagtitiyak na ang pagsisinungaling ay bahagi ng kapangyarihang magbigay-ngalan sa kasalukuyang politikal na karanasan.

Walang ibang presidente sa nauna at kasalukuyang panahon ang gumamit ng lantarang sistema ng pagsisinungaling, pagsasawalang-kibo, paghuhugas ng kamay, at pagbabaling ng responsibilidad sa iba para sa malawakang pangungurakot at pagsasawalang-bahala ng interes ng mamamayan kundi si Arroyo. Sa kasalukuyan, tila naperfekto na niya ang pabalat-bungang substansasyon ng kanyang kapangyarihan—ang pagbaluktot sa katotohanan hanggang ang kasinungalingan ay maging bagong katotohanan.

At sa dinami-rami ng problema ng mundo—ang paparating na epekto ng ekonomiyang meltdown ng Amerika at mga mauunlad na bansa—at ang pagpasa ng estado ni Arroyo sa ordinaryong mamamayan ng pasaning pang-ekonomiya, walang panahon ang mamamayan na bumalikwas sa makulay at maningning na realidad na nililikha ni Arroyo. Paano ka magproprotesta kung sa simula’t sapul pa lamang ay inakda na ang pambansang politika at ekonomiya bilang kanya-kanyang pagpupursigi para sa lagusan ng kapangyarihan?

Apat na kaso ng libel ang iniharap kay Antonio Tinio, tagapangulo ng Alliance of Concerned Teachers, ng isa sa mga tagapagtanggol ni Arroyo, si Winston Garcia ng GSIS (Government Social Insurance System). Pati ang libel ay epektibong kasangkapan ng mga pro-Arroyo na personalidad para mapatahimik ang anti-korapsyon na sentimiento ng mamamayan. Sa ibang pagkakataon, ang anti-terorismong digmaan ay gumagamit ng pagkakasong kriminal sa mga personalidad ng progresibong kilusan. Lumilipat ang mga kalansay sa iba’t ibang “mass graves” para lamang makapaghabla, at kung magpakaganito, para makapagdetenido ng mga personalidad sa di matatanyang panahon.

Ang kasinungalingan sa estadong Arroyo ay hindi simpleng pagsasabi ng totoo. Mapapalampas at mapapatawad. May latay ito dahil tinatayang epektibo itong makakapanahimik ng anumang pagtatangkang bumalikwas sa kanyang kapangyarihan. Itong pagsisinungaling ay kadugtong ng pagtatago sa retorika ng anti-terorismo ng patuloy na pagpapatupad ng politikal na pagpaslang at sapilitang pagkawala ng mga progresibong personalidad.

Kung may kapangyarihang ibahin ni Arroyo ang ngalan ng mundo ng kanyang pamomolitika, dalawa lamang ang rekurso ng progresibong kilusan. Una, ibuyanyang ang kasinungalingan bilang ampaw na katotohanan, o ang kontra-estadong diskurso ng paglalatag ng tunay sa simbolikong pambansang kaganapan. Ang kasinungalingan ang simbolikong tunay, ang realidad kung saan ang kasaysayan ng kasalukuyan ay inaakda ng estadong Arroyo. Napakat na ng politikal at ekonomiyang lagay ang mamamayan para tunghayan ang kanilang panlipunang buhay sa modang inaakda para sa kanila ni Arroyo.

At ikalawa, ang pagtataguyod na rin ng progresibong kilusang nakakapagbunsod ng pamayanan. Ang iniisip ko pa rito ay ang pamumuno ng kilusan sa politikal at ekonomiyang kagalingan ng mamamayan—kung paano ang posisyong nakalabas-pasok ay makakapagtakda ng inisyatiba tungo sa kagalingan ng mamamayan. Papatindi ang krisis pampolitika ng bansa at ng global na kapitalismo, magpapalitan ng mga presidente at administrasyon. Bukod sa aktwal na rebolusyon, ano ang rebolusyonaryong pananaw at pagkilos sa kasalukuyan? At paano maaaktwalisa ang rebolusyonaryong pagkilos sa pang-araw-araw na buhay?

Kung ang poder ng kapangyarihan ay nananatili kahit pa binibigwasan na ito ng progresibong kilusan, ano ang “in-the-meantime” o “in-the-moment” na maisasagawa at maisasakatuparan na magdudulot ng rebolusyonaryong kabutihan at kagalingan? Kailangan magkaroon ng “imahinasyon sa pagitan” na habang trinatransforma ang pakikibaka para balikwasin ang mapanupil na kaayusan, paano rin bubuo ngayon pa lamang? Na kahit pa ang estado ay maagnas sa pag-aagnas ng global na kapitalismo, ano ang imahinasyon para sa kolektibong pagkilos sa loob at labas ng aktwal na rebolusyon?

Ano ang rebolusyonaryo sa pang-araw-araw, na tiyak na hindi hiwalay sa pangmatagalang pakikibaka? Paano makakapanghimok sa rebolusyonaryong gawain ng pang-uring pagbabalikwas sa estado sa pagitan—hindi lamang pantapat na pagbabalikwas, kahit ito ang mapagpasya–ng kasinungalingan ni Arroyo, at ng mga susunod pa sa kanya? Paano gagawing hindi matatawaran ang mga buhay na unang inalay na sa bayan at kilusan sa panahong mas dumarami ang politikal na karahasan laban sa mamamayan?

Ang kasinungalingan ng estadong Arroyo ay patotoo sa mapanupil na imperialismong US. Ginagawang katanggap-tanggap ang pagmamangmang sa mamamayan. Ang kasinungalin ay iniwawasto ng progresibong kilusan, inilalatag ang maskara ng paghuhunghang. Ang kasinungalingan ay pinapatay dahil ito ay nilalayong makamatay ng estadong Arroyo. At ang kasinungalingan ay nag-uudyok ng alternatibong pagtatanong at imahinasyon. Tanging ang rebolusyon ang katotohanan.(Bulatlat.com)

Share This Post