Ang kawanggawa-mode na tugon sa malawakang kahirapan ay naperfekto mula sa aral sa trahedya ni Mang Pandoy, at sa tasitong tagumpay ng pagtulong sa pamilya ng mga bata sa Payatas. Hindi nga ba’t sa jumpstarting ng pambansang ekonomiya ni Arroyo sa edad ng global at politikal na krisis nito, namudmod ito ng P500 sa mga pamilyang hindi makalampas sa itinakdang halaga ang kanilang bill ng Meralco? O ang pamumudmod na murang bigas—na binabantayan ng armadong militar—sa hanay ng milyon-milyong mamamayang limitado ang pera para sa pagkain?
Paano nangyari ang ganitong pambansang lagay na umaasa na lamang para mabuhay sa pagsasanla ng kolektibong pangarap ng pag-unlad sa individualisadong akses sa kakilalang politiko? Ang sinasabing pinakatampok na kasalanan ni Joseph Estrada sa bayan ay ang paglako nito sa pangarap ng bayan bilang katumbas ng pangarap niya: na siya ang katawan ng pangarap ng pag-unlad. Kaya nang lumabis ang siga nitong pagma-manage sa bansa bilang kanyang sariling teritoryo, nag-aklas ang mamamayang ninakawan ng kanilang pangarap. Anong kataksilan!
Walang pangako si Arroyo na siya ang kakatawan sa pangarap ng mamamayan. Nasadlak siyang maging pangulo nang mapatalsik si Estrada, at matapos nito, kinarir niya ang paghawak sa kapangyarihan. Sa panahon ng mga krisis sa kanyang administrasyon, kasama ng serye ng korapsyon at pagsisinungaling, nagiging invisible president ito. Hindi nakikita.
Business-as-usual ang kanyang dharma sa panunungkulan. Parang wala lang, walang nangyari kaya walang paliwanag. At tanging sa SONA ito hindi magpapaliwanag kundi kakatha ng pambansang kwento nais ipaniwala sa bayan. Na kahit na maraming akusasyon at batayan ng pagkalaglag niya sa kapangyarihan, siya pa rin ang best option ng bayan sa taong darating, at kung papangarapin ni Arroyo, tulad ni Marcos, hanggang magpakailanman.
Noong lumalaki kami sa panahon ng diktaduyang Marcos, parating panakot sa amin ay si Marcos lang ang makikilala naming pangulo. Tila may katotohanan ito sa edad ng mga henerasyong lumaki at nagkamalay sa panahon ng rehimeng Arroyo. At ang complacency at pasibong asta na wala nang magagawa ang nagmumulto sa amin at sa kasalukuyang henerasyon. Panahon na para magsaya, forgets na ang problema, huwag na magpa-cry-cry, kaya join na lang kayo, let’s all have a good time.
Ang extra-challenge sa amin na napagtagumpayan ng henerasyon ko ay ang pagpapatalsik kay Marcos. At sa sumunod na henerasyon, ang kay Estrada. Ang extra-challenge sa kasalukuyang henerasyon ay kundi man mapatalsik, tiyaking ito na ang huling SONA at SONA-ta ng linlangan ni Arroyo. Bulatlat.com








0 Comments