Reality TV Bilang Aquarium

Kahit pa ang tagubilin din ng aficionados ng alagang isda, mayroon lamang magkakaternong isda. At marami sa mga imported na isda ay hindi kayang magkaroon ng kasama sa aquarium. Magpapatayan lamang ang mga ito hanggang, tunay sa reality TV, ang pinakamalakas kundi man pinakamoral na isda ang matitira sa aquarium.

Malamang itong huli ang metapora ng reality TV bilang aquarium. Distansya mode ang manonood kahit into-it siya. Mayroon akong co-teacher na umuuwi sa kanilang bahay para tunghayan ang Survivor. At kapag nagkukuwentuhan kami, kakilala niya na parang best friends niya ang kontestants dito. Parang telenovella, alam na nila ang subplots at ang alyansang nabubuo na tanging insider lang ang makakapagsabi ng mga detalye patungkol dito.

Hindi rin kakatwa na ang reality TV bilang aquarium mode ang patungkol din sa pagha-handle ni Gloria Arroyo sa affairs ng bansa. Na para lang siya may ibang mundo, at ang kanyang mundo ay hiwalay sa iniinugan natin, at sa huli, dahil hindi naman natin siya kayang i-text vote para matanggal sa serye, ipinapatanggap na lang ang ating pagiging talunan sa kontrol ng sino ang tunay na may kapangyarihan at ang wala nito.

Pinapanood natin si Arroyo na kayang sagpain ang mga kompetitor nito, na sa huli, siya ang anti-klimaktikong magtatagumpay. Pero ang hindi isinasaad ng reality TV mode niya ay ang matagumpay na serye ay nagkakaroon nang panibagong buhay. Na ang talunan ni Joseph Estrada ay nagsasaad ng kahirapang makapag-comeback nito, magkaroon ng panibagong lease sa kanyang politikal na buhay.

Kung tunay na matagumpay ang palabas ni Arroyo, may comeback ito. Na kahit siya ang pinaka-morally upright, hindi naman siya ang prettiest of the political animals (hindi siya may tindig at posturang tulad kay Imelda Marcos, halimbawa). O na kahit napagtagumpayan niya ang serye, hindi ito ang lubos na inaasahan ng manonood. May expektasyon din ang manonood na sa huli, ang kanilang iniidolo—kahit pa natalo sa mismong reality TV—ay magkakaroon ng resureksyon sa ibang format sa telebisyon.

Na kahit hindi nagtagumpay sa Starstruck si Aljur Abrenica, siya ang pinakamatagumpay naman sa kasalukuyan niyang batch. Binigyan siya ng panibagong buhay, tulad din ni Sam Milby at Zango Marudo sa Big Brother. Hindi iisang format lang ang ngalan ng tagumpay at talunan sa negosyo ng telebisyon. Kaya nga sumusugal ang dalawang higanteng media conglomerates sa bansa na lahat na lamang ng reality TV shows ay gawin star search.

Dahil sa bawat isang batch na makakalikha ng Milby, Abrenica at (sige na nga, isama na rin natin) Marudo, sulit na rin ang investment sa reality TV. Simpleng alituntunin, humayo at magparami. Kaya rin may prototipo na ang bawat shows. Sa Survivor, mga hunk at babe, pati ang mga katulong, maliban sa maybahay at jologs na tambay, may bading na rin; gayundin sa Big Brother, na kailangang may mga punto para lalo pang maka-attract ng provincial audience, lalo na yung bagong-yaman na syudad ng Cebu City, Cagayan de Oro at Davao City (kaya nga pinupuntirya rin ang mga ito bilang sityo ng audition).

Kung gayon, may template na rin ang mismong reality TV. At sa template nga na ito, hindi ibig sabihin na ang nagtagumpay ang magiging pinakamatagumpay. Na kahit nanonood lamang ng aquarium, pwede pa ring mamili sa kondisyon ng panonood at pamumuhay sa loob at labas ng realidad ng rehimeng Arroyo. (Bulatlat.com)

Share This Post