Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Kulturang Popular Kultura
Bulatlat.com
MANILA — Magtatapos na ang ika-sampung taon pagkapresidente ni Gloria Arroyo, at matatag ang kanyang kulturang kontribusyon. Kakaiba ang mga ito sa karanasan ng mga kamakailang presidente ng bansa. Ito ang pinakamasahol na kulturang kontribusyon ng anumang presidente sa kagyat na kasaysayan ng bansa. Lantaran naman ang gamit ng fasismo ng anumang rehimen pero ang kay Arroyo ang naghasik ng pinakabangkaroteng kulturang tahasang ginamit para sa politikal at ekonomiyang ganansya.
Isinilang at nagkamulat ako sa diktaduryang Marcos, na ang ihip ng hangin ay makibaka o tanggapin ang fasistang rehimen di maikubli ng megalomania ng mag-asawa. Si Corazon Aquino ay ginamit ang sariwang mandate para sa kalaunan ng panunungkulan ay ihasik ang kanyang “sword of war” laban sa insureksyon. Si Fidel Ramos, hanggang sa pumutok ang Asian crisis ng 1997, ay nabatak ang pandarambong ng nadanas na pambansang ekonomiyang ganansya. Si Joseph Estrada, na akala ay makakalusot ang ibinuyanyang namang pambababae at pagsusugal bago pa man naging pangulo, ay naghasik din ng kontra-insureksyon at nagpapasok muli ng sundalong Amerikano sa VFA (Visiting Forces Agreement).
Narito ang ipinagkaiba ni Arroyo: sinalansan ang fasismo sa iba pang politikal na pagmaniobra sa kulturang magpapatanggap sa malawakang korapsyon at kahirapan sa isang banda, at ganansyang para sa iilang higanteng negosyante pero nawaring dominanteng aspirasyon ng nakararami. Kung sa panahon nina Marcos, ang kultura ay pandispley sa kapangyarihang politikal, na inetsapwera ni Aquino, at ginawang exportable nina Ramos at Estrada, si Arroyo ay pinanghawakan ang kultura para sa sariling politikal na pagmaniobra nito.
Ito ang itinaguyod na kultura ng komoditi (commodity culture) ni Arroyo, ang higit pang konsumerismo bilang rekurso sa lumalalang krisis na nagpapribatisado sa antas ng individual ng kanya-kanyang paghagilap ng temporal na solusyon sa global na krisis ng kapitalismo at pambansang pagkabangkarote. Kahit na dinudusta, napapaniwala pa rin ang mamamayan sa individual na ahensya. Na sa wika ng Pambansang Alagad ng Sining si Bienvenido Lumbera, “kung bakit astang mayaman si Pedro Mahirap.”
Kultura ng Tunay
Pinatingkad ni Arroyo ang kultura ng buhay ng kapital—na kahit may krisis na nararanasan ang mamamayan at bansa, ang ofisyal na pagtunghay sa kapital ang siyang isinasaalang-alang. Ito ang sinasabing Tunay (Real) na pinagtutuunan ng pansin at abala ang lagay ng kapital kaysa sa lagay ng mamamayan (tunay o historical). Mauunawaan ang distinksyon sa ofisyal na anunsyo sa pambansang ekonomiya: mabuti ang lagay (policies are sound, Philippines can weather the crisis, GNP growth the best in years or to increase compared to Asian neighbors, at iba pa) bilang fokus ng Tunay, samantalang mula sa ibaba, sa batayang hanay, naghihikahos ang pang-araw-araw na buhay ng mamamayan (tunay). Kung gayon, ang kultura ng Tunay, na kawing bituka sa kasaysayan at pag-unlad ng kapital, ang siyang pinagtuunan ng pansin ni Arroyo, hindi ang tunay na kaganapan sa buhay ng kanyang mamamayan.
Kultura ng Reality TV
Reality TV ang pangunahing genre ng popular na television. Dito ay kinakasangkapan ang aktwal na buhay ng willing na kontestants—naglakbay, nag-apply, nagpa-screen, at linggo-linggong nanlalaban para manatili at magtagumpay sa kasamahan—bilang laman ng palabas. Sa isang banda, living vicariously ang reality TV: sa ibang tao (sa televisual na tauhan) binubuhay ang agam-agam ng manonood. Kaya parating ligtas, dahil hindi ang manonood ang aktwal na kumakain ng uod o tumutulay sa manipis na bakal na nakabitin sa ere. Sa kabilang banda, ang televisual na buhay ang nagiging panuntunan ng aktwal na buhay at pamumuhay: paano mag-accessorize, manligaw, ma-in love, kumilos na parang walang surveillance cameras, um-acting na parang walang nagsusubaybay.
Kay Arroyo, ang reality TV ang siyang “un-fun” moments ng kanyang administrasyon: hayagang pagsasabon sa mga ofisyal, “I am sorry” sa alegasyong pandaraya sa eleksyon, pagtawid sa baha ng Ondoy na nakasuot ng makulay na botas, at iba pa. Ang kinahinatnan ay Big Brother na nag-uutos at nagmamaniobra mula sa likuran. Kaya hindi nakikita at natutunghayan dahil ang mga alipores ang siyang humaharap, umaako ng kasalanan, at nililinaw na walang kinalaman si Arroyo. Periodiko ang kaganapan ng alingasngas, tulad sa reality TV, at ang kinakaya ng mamamayan ay ang paisa-isa lamang pagputok ng skandalo hanggang maibsan ng susunod na skandalong nagpapahupa sa mga nauna.
Kultura ng Impunity
Bakas-mode ang impunity: mula sa pinakataas-taasan tungo sa pinaka-nasa ibaba ng food chain ng politikal na kapangyarihan. Walang takot sa parusa ang nasa ibaba dahil hindi naman napaparusahan si Arroyo. Hindi nga umuusad ang anumang kaso ng impeachment sa kanya dahil sa alegasyong nabili na niya ang bulto ng boto para buhusan ng tubig ang bawat paningas. At mula sa kulturang ito ni Arroyo, nagkaroon ng lakas loob ang mga Ampatuan na magmasaker ng pinakamalaking bilang ng peryodista at mamamayan para sa ganansya sa eleksyon, 1,118 politikal na aktibista ang pinaslang sa pinakamarahas at buyanyang na paraan, nauso ang road rage, baril lang ang katapat na uri ng vigilantism, at iba pang lawlessness.
Ang cha-cha (charter change) ay parating nakaabang di lamang para manatili sa kapangyarihan si Arroyo sa parliamentaryong pamahalaan kundi para rin higit pang buksan ang pambansang ekonomiya sa lagay ng dayuhang kapital. Ang mga politiko sa ilalim ni Arroyo ay nakikinabang sa suhol na alok nito para pagtakpan ang baho ng presidente. Malalakas ang loob, kundi man nagkakaroon ng bagong lakas ng loob, dahil walang “loob” (o budhi) ang pinakamataas na posisyon sa bansa. Kaya giyerang patani ang buong bansa dahil ang mag-aayos at magpapatupad ng batas ay siya mismong lumalabag nito.