Sampung Kultura ng Sampung Taon ni Gloria Arroyo

Kultura ng Higanteng di na De-Kahong Malls

Bahagi ng vicarious living ang pag-asta na ang buhay sa bansa ay parang nasa loob na ng mall. Complex na ang magkakaugnay na struktura ng gusali na sentral ang mall. Ito ang infrastruktura ng mall. Sa UP-Ayalaland Technohub, halimbawa, ito ang centerpiece ng complex ng call center buildings. Isinasaad na dito nagtatapos ang pagtratrabaho at paghihirap sa lunan ng paggawa. Buong paligid ay parang wala sa Pilipinas, dahil outdoor na ang konsepto ng mall, ang pagpapaloob ng kalikasan sa mall infrastructure, o ang pagpapalawak sa labas ng aktwal na espasyo nito.

Kaya ang sumunod na henerasyon ng mall, maging ang renobasyon ng luma, ay tungo sa paglahok ng labas (al fresco dining, parke, fountains, tunay na halaman imbes na plastic na palm trees, natural na sunlight, at iba pa) sa infrastruktura ng mall. Ang epekto nito ay ang paglawak ng psychic na espasyo at sakop ng kulturang mall: na naglalakad pa lang sa Baywalk, Commonwealth o Libis ay magmo-malling ka na, na ibang First World na mundo ang iniinugan ang outdoor maller. At mas gusto itong “strip” kahit pa higanteng mall complex ito, kaysa sa mas malaking bahagi ng bansa na nananatiling un-malled pa rin.

Kultura ng Tarps

Ito ang manifestasyon ng politika na aspirasyong maghari magpakailanman. Ang tarp ay hindi biodegradable kahit pa ang isinasaad na anunsyo at artwork nito ay time-bound din naman. Dagdag pa rito, sa pamamagitan ng tarps at ang kapasidad na maglaman ng imahen ng patrong nagpagawa nito, nagiging tao at personalisado ang paghahatid ng serbisyo publiko. Na kung dati ay mga pangalan lang ito sa bakod ng munisipyo at eskwelahan, o sa likod ng upuan sa simbahan, ngayon ay may mukha at figura ng katawan ng taong naglaan ng yaman sa pagtataguyod ng proyekto.

Kaya lahat na lang ay tina-tarp. Nagtatangkang gawing absoluto ang bawat mensahe, katawan, proyekto at pabuya: gawing definitibo ang bukal ng pinagmulan at allegiance. At ang tarp ang siyang umaakda ng finalidad, na kahit nasisira na ang proyekto, nabubuhay pa rin ang tarp. At di tulad ng plastic, PET bottle at tetra pack na madalang magkaroon ng ikalawang buhay, ang tarp ay nagiging iba pang praktikal na bagay sa ibang yugto ng buhay nito. Trapal sa maraming pagkakataong napapasalamat ang sponsor nito sa di pagdanas ng absolutong pagkabasa o init.

Kultura ng Segunda Mano

Ito na ang patronahe ng bansang walang lubos na kapasidad na bumili ng branded pero ang aspirasyon ay nananatiling magkaroon ng brand experience. At ang range ng produkto ay hindi matatapatan: bags, sapatos at damit sa ukay-ukay na kayang makareimbento ng identidad ng tumatangkilik; Japanese furniture at tea pots, Korean chopsticks at ceramics; Banaue spare parts ng mga sasakyan; nakaw na cellphone at MP4 player; Miss Saigon at Cats sa Cultural Center of the Philippines; at iba pa. Hindi kakatwa na sa lebel ng individual ang tutok ng segunda manong produkto.

Ibig sabihin, pang-internalisa ng branded experience sa individual na antas na nagiging katanggap-tanggap ang isa naman talagang di-makatarungang karanasan—na para sa parehong oras ng trabaho, kung bakit sila ay mayroon at tayo ay wala o nakakatangkilik lamang ng segunda mano? Nananatiling kolonyal ang brand experience, o sa mas maunlad na bansa nakapakat ang pambansang pangarap ng individual na mamamayan.

Kultura ng Social Networking

Nauna na ang aktwal na networking para sa pribadong kita ng kalakhan ay liga ng kababaihan: Tupperware, Avon, Natasha, at iba pa, hanggang sa mas hardcore na pyramiding scheme para sa may labis na pera. Sa kalaunan, ang ganansya ay panlipunang kapital o ang pagkakaroon ng network ng mga kakilalang handang makinig sa anggas at asta ng individual na pamamahayag. Ang resulta—ang mga social networking na internet-based—ay ang virtual na kolektibidad at ang pagpoposturang lider ng social networker.

Sa Pilipinas, ang pagkaunlad ay mula Friendster tungo sa Multiply at ngayon ay Facebook, at sa mas iilan, ang Twitter. Ang lahat ay maari nang maging virtual na pastor, pilosopo o/at politiko. Ang lahat ay may tagasubaybay at may sinusubaybayan. Vicarious living pa rin ito, na ang mass protest at advocacy ay nagaganap sa internet community dahil nga naman mas ligtas, mas maginhawa, mas virtual ang hiling na magprotesta mula sa tapat ng computer kaysa aktwal na pumunta sa Mendiola at DAR (Department of Agrarian Reform).

Share This Post