Sampung Kultura ng Sampung Taon ni Gloria Arroyo

Kultura ng Texts

Hindi na kaila na tayo ang texting capital ng mundo. Na imbis na mangimi sa hiya—lalo na sa bansang mahirap na parang lohika rin kung bakit maraming malls dito—ay naka-chin up pa ang tikas ng mamamayan. Digitized ang informasyon ng text dulot ng aparato ng cellphone. At handang magbayad ang milyon-milyong may cellphone ng baryang halaga para sa digitized na informasyon ukol sa lokasyon, layo at distansya, pakikisangkot at pakikipagkapwa-tao.

Ang sentimiento ay na-digitized, at kung ganito, mapapagkakitaan. At para makapagpahayag ng anumang sentimiento sa kasalukuyan—pagso-sorry, pagsabi ng I Luv U, paghahanap na wer u?—kailangan nang pumaloob sa teknolohiya ng kasalukuyan. Para makapagsaad ng sentimiento, kailangan itong idaan sa filter ng digitized information na hindi libre. Tunay na nakikinabang ang higanteng telecom na kompanya, at ang kasabwat nitong gobyerno para sa ekonomiyang ganansyang patuloy na tinatamasa. Ang epekto, short-term memory spance, short-term tolerance, short-term deficiency, na maigsi ang personal na pisi para sa internalisadong bagay.

Kultura ng Latak

Pagpag ang tawag sa pagkaing kinokolekta sa basura, pinapagpag ang dumi, at muling iniluluto para kainin, kundi man ibenta. Sa isang bansang mayaman sa likas na yaman, kasama ang mamamayan, pruweba ang kultura ng latak na hindi prioridad ang mismong mamamayan sa pag-unlad. Tunay na inetsapwera ang mamamayan para paboran ang dayuhang kapitalista at ang lokal nitong kasabwat.

Ang resulta ay latak ang pinagpapasasaan ng mamamayan: dahil ang tuna sa GenSan ay ineexport, natitira ang ulo na ginagawang sinugba at sabaw, at espesyal sa mga restawrant; pati ang balat ng tuna na naiwan sa sashimi ay nagiging chicharon; ang panloob na naghitsurang bacon na ay sinusuot pa, at kung hindi na kaya, nagiging basahan; ang mag-anak nakatira sa kariton, kundi man sa ilalim ng tulay ng tren; ang basura ng Metro Manila, kabuhayan ng mga taga-Payatas at Rodriguez; at iba pa. Latak na dapat ay wala nang halaga, binibigayang-halaga para mabuhay ang napakaraming mamamayan.

Kultura ng 24/7 Reorganisasyon ng Buhay

Ang isa pa ring latak na pandaigdigang gawain ay ang call center. Ito ang sunshine industry ni Arroyo na tumulong isalba ang kanyang rehimen para mabigyan ng trabaho ang maraming kabataan, imbis na dumayo sa ibang bayan. Ang domestikong gawain ng overseas contract work ay naging lokal na domestikong trabaho. Kaya daan-daang libong manggagawa (na hindi tatanggaping pakiwari ng call center agents) ay gising na gising at nagtratrabaho sa gawi, nag-iinuman at gumigimik sa umaga, natutulog sa araw.

Ang reorganisasyon ng buhay ay pinagkakakitaan din ng negosyo: bucket beer sa gimik na lugar na bukas sa umaga, convenience store, Starbucks, buffet breakfast na lugar na nagsisimula sa hatinggabi, pati ang subkultura ng droga, unsafe sex at gadgets. Ang aproximasyon ay maghitsurang gitnang uri sa pamamagitan ng relatibong mataas na sweldo ng call center work. May nakadispley na ID na pasaporte sa gitnang uring buhay. May bading-looking na outfit (tight-fitting shirt, low-waist jeans, jacket na may hood) ang kalalakihan, habang ang kababaihang manggagawa ay lamang lang ng ilang puntos sa kanilang katapat sa SM at iba pang retail outlet sa make-up at iba pang accessory.

Ito ang mga katangian ng kultura sa ilalim ng rehimen ni Arroyo na ang epekto nga ay ang pagpapatanggap ng mito ng individual na ahensya, na may kapangyarihan ang nilalang kahit wala, sa gitna ng papatindi pang krisis sa natitirang termino nito at ng papalit sa kanya. Sampung taon na bumulusak tayo sa abang kulturang ito, at malaki ang gawain para makaahon. Kung tanging sa politikal na gawain makakaahon ang mamamayan para sa kanilang politikal na transformasyon, tanging sa politikal na pagbabago magkakaroon ang individual ng tunay na individual na pagbabago.

Share This Post