Akademya at Karapatang Pantao

Below is the speech delivered by Dean Rolando B. Tolentino of the University of the Philippines College of Mass Communications, during Bulatlatin, Bulatlat.com’s 9th anniversary forum on the role of journalists to end the culture of impunity in the Philippines. | Watch the video

Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Bulatlat.com

MANILA — Ang nosyon ng karapatang pantao ay mataas na kalidad ng kaalaman at kamulatan, na ang entry point ay sa pamamagitan ng paglahok sa mass movement o sa talakayan at diskusyon sa akademya. Gayunpaman, 16 na porsyento lamang ng mga pamilya ang may afiliasyon sa people’s organizations at NGOs. Ayon naman kay Luis Teodoro, tatlong milyon ang Left vote. Isa lamang sa sampung mag-aaral na pumasok ng elementary ang makakatapos ng kolehiyo. Nang Hunyo 2009, tinatayang ang internet penetration ay 24.5 porsyento lamang. Malaking bahagi ng pagtangkilik sa non-traditional media ay sa mga produkto pa rin ng negosyo; sa pangunahin, ang computer gaming.

Tunay na malaki ang gawain para ang karapatang pantao ay maging bahagi ng panlipunang kamulatan. Idagdag pa rito ang madalas na pagkakasangkot ng militar, paramilitary na grupo, maging ang war lords, sa paglabag ng karapatang pantao. Ang ibig sabihin nito, kahit pa show window ng isang demokratikong bansa ang pagpapatupad sa karapatang pantao, mismong ang mga koersibong aparato ng estado ang gumagamit sa karahasan—kasama ang paglabag sa karapatang pantao—para sa pagtataguyod ng tradisyonal na politikang sistema ng bansa, na ang epekto, ay nagtataguyod ng global na sistema ng kapitalismo.

Ang resulta ay ang sistemang nagpapanatili ng kamangmangan sa mamamayan, at ang media exposure ng mamamayan, ang kanilang pangunahing pinaghahalawan ng kaalaman sa mga politika at ekonomiyang isyu, na di naglalayong magluwal ng isang kritikal na nag-iisip na populasyon. “Dumb and dumber” ang resultang produkto: mga antig-damdamin pero walang sinasambit na kritikal na paninindigan ukol sa mga kinahaharap na tunay (real) na isyu.

Sa ibang pagkakataon, tinawag ko itong “showbizifikasyon” ng media na pati ang balita at iba pang format, lalo na ang laman, ay humahalaw sa kalakaran sa showbiz: bite-size pieces, popular at populist na pananaw, infotainment, at poverty porn sa gameshows at reality television. Paano aangat ang kamulatan kung hindi naman ito inaalok sa telebisyon at iba pang popular na media, paano maiisip ng media conglomorates na mag-voters education sa panahon ng eleksyon kung kalakhan naman ng taon at panahon ay ang fokus ay nasa Wowowee, Big Brother, at telenovella?

Para na ba tayong nasa loob ng Big Brother series na hindi man lang alam na nag-Ondoy disaster at Ampatuan massacre? O tulad ni Willy Revillame na nagalit at nag-emo kung bakit kailangan pang ilabas ang live coverage ng libing ni Cory Aquino habang siya ay nagsho-show? Ang media na nanghihimok sa ating viewership at ritualistikong pagtangkilik ay napagtagumpayan nang lumikha ng kanya-kanyang bubble na impenetrable sa pabigat nang pabigat na panlipunang realidad.

Dagdag pa rito, sa kalakhan, 90 porsyento ng mamamayan ay kabilang sa pinakamalaki pero pinakamahirap na ekonomiyang sangay, ang Class DE market, samantalang 10 porsyento lamang ang galing sa Class ABC. Economically at culturally disempowered ang kalakhan ng mamamayan, kaya rin sila ay politically disempowered. Walang asersyon ng karapatang pantao sa hanay ng mga nagdarahop.

Ang karagdagang bigat ng disempowerment ng mamamayan ay hindi lamang sa elitistang struktura ng akses sa edukasyon kundi pati na rin sa pangkalahatang kalidad ng tertiary education na may potensyal na makapag-ambag ng kamulatang karapatang pantao. Ilan ba ang may liberalismo ng UP, at maging sa pangunahing state university, ilan ba rito ang naglalahok ng kritikalidad sa mga programa at kurso?

Sa isang banda, ang Revitalized General Education Program (RGEP) ay mabilis na nagpatali sa formasyon ng kritikal na pag-iisip sa demand ng market. Pumasok sa bokabularyo ang salitang “uno-able” o mga kursong madaling makauno for less effort sa Peyups.com, isang egroup site. Competency sa skills sa mga profesyon ang markadong layon ng mga kurso sa UP. At bagamat may sumusulpot pa rin na mga aktibistang patuloy na nag-a-assert ng demokratikong espasyo at nagpapaalaala sa radikal na tradisyon sa UP, mas pa ang dahilan nito ay ang continuity ng daloy ng radikalismo mula sa iba’t ibang year level, pati na rin ang henerasyonal na aspekto.

At ito ang nagpapanatili sa UP na maging UP kahit pa hindi rin naman lubhang radikal ang formularyo sa mga kolehiyo, kasama na ang College of Mass Communication. Media ang pangunahing media ng globalisasyon, at hindi nauubos ang nag-a-apply sa Kolehiyo, maging sa ibang programa ng Com Arts, Mass Com, at Communication sa iba’t ibang unibersidad. At sa maliit na sektor ng mga kolehiyong ito ang target ng promosyon ng kamulatang karapatang pantao.

Hindi lamang isyu ng kompetensi ang media education. Ito ay nangangailangan ng advocacy tungo sa media literacy, at ang puwang ng karapatang pantao bilang sentro ng pagpapataas ng kamulatang panlipunan. Natutunan ang teoretikal na kaalaman sa loob ng classroom learning, maaring makagawa ng balita. Pero ang aktwal na balita ay hinahanap sa iba’t ibang lunan, at para may kompetensi, dapat ay nakaangkla sa nosyon ng karapatang pantao empowerment.

May pangangailangang bigkisin ang karapatang pantao sa iba pang gawaing akademiko, sa mga kurso sa general education at specialization. At magagawa ito kapag ang karapatang pantao ay naging agenda sa misyon ng unibersidad. Ang bind ng unibersidad ay walang pondo para sa karapatang pantao education. Naging buzz words lang ang “human rights education” nang ito ay mailagak sa 1987 Constitution, at nagpaunlad ng ilang kurso ang St. Scholastica’s College at PUP.

Hindi aksidental ang pangyayari. Si Aquino ay nagpalaganap ng “freedom charter” matapos ng karanasan sa pandarambong ng diktaduryang Marcos. Ang mga unibersidad na umalinsunod sa pangangailangan para sa karapatang pantao education ay pinamunuan ng mga progresibong individual: si Nemecio Prudente sa PUP at Mary John Mananzan ng St. Scholastica, na pawang nabuhay at nakibaka sa panahon ng diktaduryang Marcos.

Share This Post