Akademya at Karapatang Pantao

Kung gayon, ang akademya ay hindi na espasyo ng edukasyon para sa karapatang pantao. Maaring matalakay ito sa Law o Media Law, pero walang programa para sa pagpapalaganap ng tertiary education na nakabatay alinsunod sa paradigmatiko ng karapatang pantao. Sa isang banda, dulot ito ng US academe na nagbigay-definisyon sa disciplinal na human-rights education, na pati ang espesyalisadong identidad ng kababaihan, bakla, lesbiana, transsexuals at transgenders, pati ang Third World identities, ay naging autonomous subjects o may kapasidad ng self-determination batay sa partikularidad ng mga identidad.

Ang nabura ay ang batayang angklahan ng lahat ng identidad at pagkatao: na ang usaping karapatang pantao ay isang makauring usapin. Na bago humantong sa yugto ng panunupil at emansipasyon ng mga subalternong identidad, ang primordial na kutlural na pagkatao ay yaong nanggagaling sa ekonomikong lagay at interes nito.

Sa kabilang banda, kontraryo sa interest ng estado na magkaroon ng kamulatang karapatang pantao ang mamamayan may potensyal na hindi na niya mapasunod, kahit na sa fasistang panunupil nito. Tulad ng kosmetikong skema sa poverty alleviation, prioritization of education sa national budget, human resources development, at pagtataguyod ng kultura ng pananaliksik at teknolohiya, ang human-rights education ay ginagamit lang pabalat-bunga para sa eventual na lehitimasyon ng mga gobyerno, lalo na ang mga fasistang estado, sa bansa.

Walang tunay na poverty alleviation scheme dahil kapag naging gitnang uri ang mamamayan, magkakaroon ito ng ekonomiko, politikal at kultural na entitlement sa pagkamamamayan. Hindi na mabibili ang kanilang boto dahil may pera na silang pambili ng batayang pangangailangan at pati mga luho. Magkakaroon na sila ng kritikal na pagtingin sa mapang-abusong pamahalaan.

At ganito rin ang tendensiya sa human-rights education. Nasa ilalim ito ng prioridad dahil hindi rin ito ang kasalukuyang diin para sa Millenium Development Goals ng United Nations. Walang karapatang pantao sa goals na ito kundi measures of basic human existence, tulad ng education, karapatan ng kababaihan, maging ang pagkakaroon ng kalayaan sa mga sakit, tulad ng malaria at HIV, at sustainable environment.

Dagdag pa, ang thrust ay ukol pa sa global na ekonomiya (nakasaad bilang “develop a global partnership for development”), ang integrasyon ng lokal na mga pamayanan sa global na sistemang kapitalismo. Ang neoliberal na kabig ng UN goals ay ukol pa sa formulasyon ng batayang katawan at kondisyon ng paggawa sa backdrop ng global economic integration. At kung nagkaganito, ang thrust ay mula human tungo sa privatized rights, o mula sa konsiderasyon sa batayang karapatan ng isang individual tungo sa proteksyon ng kanyang pagpili.

Kaya ang asersyon at promosyon ng karapatang pantao ay wala na sa poder ng estado, kundi sa poder ng pamahalaang nagnanais, paminsan-minsan, magkaroon ng nostalgia para sa gawain at edukasyong karapatang pantao. “Para masabi lang” imbis na “dahil kinakailangan.” At kung gayon, nasa diskurso ng pabalat-bunga ang kamulatang karapatang pantao ng estado. Wala itong seryosong layon maliban sa kosmetikong pagpapaganda at lehitimasyon ng mapanupil na kondisyon ng pagkabansa.

Ang binibigyan-pribilehiyo ng estado ay ang gawaing militar. Simula pa sa panahon ng diktaduryang Marcos, na kinasangkapan ng namumuno ang militar kapalit ng mas malawakang pondo at pabor, kasama ng appointment sa cabinet rank, lahat ng sumunod na pangulo ay hindi na umigpaw sa ganitong kalakaran.

Kinailangan ni Aquino ang militar para sa kanyang administrasyong inatake ng ilang coup d etat. Si Ramos ay galing sa hanay ng militar ni Marcos, at alam niya ang pagbebeybi nito para sariling interes. Gayundin si Estrada na ang gangsterismo ay nahawa pa ng militarismo sa pakikidigma sa Mindanao. Si Arroyo ang may pinakamaraming kabineteng miyembro mula sa ranggo ng militar, at tiniyak, among other things, na ang sweldo at benefisyo ng militar ay pinakamataas sa lahat ng kawani ng pamahalaan, kasama ang guro.

Sa UP, ang NSTP (National Service Training Program) ay binabalak nang i-subcontract sa militar at iba pang ahensyang nagpapalaganap ng disaster management, relief operations, jungle survival skills at iba pa. Ang puno ng Student Affairs sa UP Los Banos ay isang personel ng militar, Lt. Col. Vivian Gonzales. At nang batuhin ng putik at itlog ang dating general Esperon sa isang forum sa Recto Hall, marami ang nakunsumi dahil hindi raw dapat ganito ang turing, kahit pa man si Esperon ang puno sa panahon ng counter-insurgency program ng Oplan Bantay Laya I at II.

Nasa labas pero nakapaloob ng akademya ang makitid na espasyo ng kamulatang karapatang pantao. Nasa forum, maging sa discussion groups, at education discussions ng estudyanteng aktibista, nasa martsa sa Mendiola at pagkilos sa DAR (Department of Agrarian Reform). Nakakahiya man sabihin bilang dekano ng isang kolehiyo sa UP pero walang lantad na programa para sa promosyon ng karapatang pantao sa unibersidad.

Kung gayon, sa pangunahin, ang human-rights education ay seryoso lamang natatalakay sa hanay ng kilusang masa at sa makikitid na espasyo ng mga aparato ng estado. Sa una, ito ay pangunahing layon; sa ikalawa, ito ay sekundaryo. At para magkaroon ng halaga ang edukasyon, kailangan na itong dagdagan ng iba pang opsyon, kasama ang informal na edukasyon: sa labas ng klasrum, sa kalsada, sa bukid at bundok.

At ito ang atas na dapat akuin ng sinumang nagnanais maging mamamahayag. Kung may itinuro ang Ampatuan massacre, hindi glamorosong trabaho ang pagiging mamamahayag. Nakamamatay ito, at kahanay ng aktibista ang pagkatao na turing ng estado ay mapanganib, kaya pinapatay. Sa pangyayari ng Ampatuan massacre, sa edad ng administrasyong Arroyo, wala nang lilim ang akademya sa mga mamamahayag.

Tanging sa kilusang masa ang masasandalan ng mamamahayag para sa kanyang karapatang pantao education, gawain at plataporma ng pagsusulat. (Bulatlat.com)

Share This Post