Major Major

Sa pamamagitan ng orkestradong panlilimi, ang pinakarighteous (na lamang, dahil nga lahat ay nakapasa na sa kanilang pambansang panuntunan ng global competitiveness) ang hinihirang bilang simbolikong reyna ng mundo, galaxy at uniberso, pero sa ilalim ng rehimen ng negosyo at kapital. Ito ang misyonaryong misyon ng negosyo at kapital, na ang pinakaumaangkop sa prototipikong modelo ang siyang nahihirang bilang karapat-dapat na mahango sa antas ng (temporal) na pinakaglobal na estado.

Kaya rin mas may katiyakan na ang mas maykaya (tulad ng naunang Miss Universe na Filipina, sina Gloria Diaz at Margie Moran) ang siyang hahapit sa modelong itinataguyod ng global na kapital. Ito o ang Miss Universe school sa Venezuela, na ang nagiging profesyunal na training center ng mga kontestant sa global na beauty contests. Na dahil sa ilang taong umulit sa kompetisyon ay mas nagiging mas bihasang manggagawa sa larangan ng paggawa at produksyon ng identitidad ng beauty contestant.

Si Venus ay nilustay ang sandali dahil naging tapat sa sarili. Hindi mas naging hayag ang performans ng pagiging beauty contestant, lalo pa’t galing sa mahirap na bansa. At di ba stereotipo rin ang pagtingin ng pagkalustay sa pagkakataon—paano walang pagdadaanang mabigat ang isang abang uri, lalo na nga iyong natutong maglakad na pangmodelo at beauty contestant sa pagrampa sa gitna ng pilapil sa bukid?

Kaya ang pagiging honest ni Venus ay nagpatingkad lamang sa proseso ng pagnanasa ng nasa ibaba tungo sa mas mataas na lagay. Wanna-be lamang at ang naratibo ng hayagang wanna-be ay makondena sa estado ng perenyal na wanna-be. Hanggang doon na lamang po at maraming salamat. Mas economically competitive ang Miss India, Venezuela at iba pang bansa sa Latin America na kung saan sampu-sampera ang naitanghal sa pagiging global na diva.

May resistance pa rin ang Miss Philippines dahil ang pagiging atrasado nito ang magtitiyak na hindi ito lubos na nakakaangkop at umaangkop sa global na dikta ng pagkababae at pagkamamamayan. Major major dahil kailangang i-mindset na so-so ang kanyang abang lagay at posisyon sa predikamento ng global na krisis ng kapitalismo sa kanyang bansa. Kundi ay magiging baliw na lamang siya sa kondisyon ng di magkandaagapay sa pambansang lagay ng krisis.

Walang pagpipilian si Venus kundi ang pagtanggap na ang kanyang buhay ay bonggang-bongga bilang imahinaryo ng survival ng abang uri at lagay sa krisis na lalo pang nag-eetsapwera sa kanila. Gayunpaman, hindi ito winning answer dahil so-so nga ang kanyang pinanggagalingan at kinahaharap na estado. Hindi siya ang maliligtas ng global na negosyo at maidadambana bilang pinakamoral sa mga natitirang pagpipilian.

Uuwi si Venus, paninindigan ang kanyang major major mode, imi-meet-and-greet si Presidente Noynoy, mag-aartista, mag-e-emcee, at tulad ng nauna sa kanya—mga fourth runner ups at mga talunan—hanggang dito na lamang at wala pang katiyakan ang “Maraming salamat powh.” (Bulatlat.com)

Share This Post

2 Comments - Write a Comment

  1. A friend that you invest in because of gifts should be purchased from you and your family. 7fr.fr http://www.7fr.fr/site_map.html/

Comments are closed.