Ang Natatanging Tula ni Alex Remollino

Ni BOBBY TUAZON

Parangal
Set. 7, 2010

Tunay na tahimik at mapagkumbaba si Ka Alex; laging nakangiti, hindi marunong magalit, at isang mapagkaibigang tao. Ngunit dumadagundong ang lalim at tatag ng boses ng kanyang pluma – bilang isang mamamahayag at makata ng bayan, at bilang aktibista. Pumanaw sya sa edad na 33 anyos subalit malayo na ang kanyang nilakbay bilang isang progresibong manunulat: Hinango nya ang kanyang mga sulatin mula sa aktibong pakikilahok sa mga kilos protesta at isyu ng mamamayan sa paraang popular, madaling maintindihan, at malawak na naipapalaganap.

Kasama si Ka Alex sa maagang bahagi ng Bulatlat bilang staff writer at pagkatapos copy editor mula 2002 hanggang 2009 nang sya ay naging istap ng Bagong Alyansang Makabayan. Naging contributor din sya sa CenPEG sa dalawang libro, ang “Subverting the people’s will” (2004) at “Moro Reader: History and Contemporary Struggles of the Bangsamoro People” na inilathala noong Agosto 2008. Ikinararangal ng CenPEG ang pagiging Fellow ni Ka Alex sa larangan ng kultura.

Kapansin-pansin ang bilis at gaan ng kanyang panulat, ang pagiging isang prolific writer (nakapaglagda sya ng mahigit 500 na tula), at ang kakayanan na magpahayag at magsuri ng kahit anong isyu mula sa karapatang pantao, Visiting Forces Agreement, manggagawa’t magbubukid, ang tungkol sa oust-GMA, media killings, gyera sibil at usapang pangkapayapaan, Bangsamoro struggle, at kultura. Napansin ko rin ang pagiging seryoso nya sa pagpapalalim sa kaalaman tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas at ng mga usapin ng pampulitikang internasyonal, bagay na nakatulong sa pagbibigay ng kaukulang konteksto sa mga artikulong kanyang inakda. Ngunit tumuldok sa aking alaala ang kanyang walang kapagurang komitment sa pagsulat ng mga tula at ang marubdob na pagbigkas ng mga tula (o poetry reading) na sumasalamin sa kagyat na mga isyu at pakikibaka ng mamamayan.

Kaya bilang mamamahayag, pinagtagpo nya ang layuning maibunyag ang katotohanan at ang paglalahad nito batay sa karanasan ng masa, sa paraang mas matingkad, malinaw ang linya, madaling maunawaan, at may diwang mapanlaban.

Wasto ang kanyang naging desisyon na piliin ang tuluy-tuloy na pagsisilbi sa “alternative press” – o pamamahayag para sa masa – bilang pagpapatuloy ng propaganda movement, kaysa sa maging burgis na manunulat ng tinawag nyang “big corporate newspaper”. Sa madaling sabi, pinili nya ang mas maunlad na larangan ng pagsusulat kaysa maging isang “mercenary writer”; pinanindigan nya na maging bahagi at nasa gitna ng kilusang pakikibaka kaysa bilang manunulat para sa isang dekadenteng lipunan at naghaharing-uri.

Ang progresibong panulat ay di lamang ukol sa pagbunyag ng katotohanan kundi ang paggamit ng katotohanan na iniluwal ng mga pakikibaka ng mamamayan upang baguhin ang lipunan. Sa pamamagitan ng pluma at pagbigkas ng tula isinalamin at ipinaglaban ni Ka Alex ang boses ng mga inaaping uri sampu ng kanilang mga lider at bayani, ang boses ng pagtuligsa sa mga isyu at higit sa lahat ang pakikibaka para sa pagbabago – na pinangungunahan ng pambansang demokratikong kilusan.

Walang pasubaling ipinagpatuloy ni Ka Alex ang kanyang pakikibaka para sa maka-mamamayang pamamahayag at pagtula na hindi inintindi ang sariling interes. Ipinagpatuloy nya ang pagsusulat sa kabila ng kanyang karamdaman. Hanggang sa huli, nanatili ang kanyang pagtitiwala sa masa, ang kanyang rebolusyonaryong sigla, at ang pagtanaw na ang pagbabago sa lipunan ay hindi malayo habang patuloy ang pakikibaka at may kahandaang magsakripisyo maging buhay man – tanda, tulad ng sinabi ni Vladimir Lenin, ng isang progresibong ispiritu.

Matatandaan ko nang nasa Bulatlat pa ako na halos tuwing Sabado ay magpapaalam si Ka Alex ng bandang alas-8 ng gabi. Batid namin na mayroon syang mahalagang pupuntahan – isa na namang poetry reading. Ka Alex, ito ang huli mong paalam, humayo ka at maraming salamat sa pag-iiwan mo ng isang natatanging tula – ang iyong maningning na buhay at pakikibaka.

Share This Post