Mabuti Pa Ang Mga Kabayo

Ni MARK ANGELES
Inilathala ng Bulatlat.com

De aircon ang mga kuwadra
sa Hacienda Luisita.

Tinuturing na kapamilya
mga kabayong pangkarera.

Habang ang mga sota
tinangkal sa pagdurusa.

Mabuti pa ang mga kabayo.

Alaga sa bitamina
ang mga kabayo sa asyenda.

May gamot na pampagana
at ehersisyo sa umaga.

Habang ang mga magsasaka
warat na ang mga bituka.

Mabuti pa ang mga kabayo.

Mabuti pa ang mga kabayo
nagbu-buhay-milyunaryo.

Habang ang mga pobresito
sila na nga’ng kayod kabayo

sila pa ang minamaltrato.
Sino’ng hindi magrereklamo—

ang aalma—sisipang kabayo?

Share This Post