Kadkadduwa

Ni MARK ANGELES

Ikalawang gabi namin sa piling
ng mga organisadong magsasaka
at ngayong gabi, isang piging
ang inorganisa—isang programang
kultural. Sa likod ng mga sanga
ng maubod na kalamansi, pahapyaw
na magpapasilip ang mga hubad
na mga paang pumapadyak,
ang mga kamao, braso, at tuhod
ng mga kabataang nagsasanay
para sa maikling pagtatanghal,
mga bahagi ng murang katawan
na mag-aanyong mga ibon, sanga,
mag-aanyong mga bundok at talampas,
mag-aanyong mga tao—magsasaka
at manggagawang-bukid tulad nila
na binabraso at tinatadyakan
hanggang sa magpasiyang bumangon,
mga aping tatanggi sa alok
na kompromiso, titindig, at mag-aaklas.


Inabutan kami ng tanghalian
sa pagbagtas sa mga pilapil
hanggang sa makarating sa bakuran
ni Ka Pilo—ang magsasakang
nag-alok ng kanyang bahay
para namin himpilan ng ilang araw.
Ilang linggo nang nabalam
ang biyahe dahil sa kanya-kanyang
atraso. At ngayon heto kami,
nagtitinikling sa mga bukirin,
lumalagos ang mga paa sa lupa
sa bawat hakbang, tinatanggap
kami ng putik—katitila lang ng ulan.
Maging ang suot kong sandalyas
ay bumigay. Nagrugit ta sakam,
biro ng anak ni Ka Pilo,
ikalawa sa magkapatid
(pinaslang ng mga guwardiya
ng asendero ang panganay).
At sabi ko, Ha? na nabigla.
Marumi na ang mga paa mo,
salin niya sa Tagalog. Ahhh..
sagot ko, Ayos lang.


May isang binatilyong nag-flag dance.
Winasiwas niya ang bandilang pula
na para bang inaaya kaming sumayaw.
At sumayaw ang aming mga kamay
sa saliw ng kanyang kumpas.
Lumipad ang bandila palibot
sa kanyang katawan na parang liyab
at sulo ang hawak niyang tungkod.
Pumapalakpak kami at umaawit
habang hinihimod siya ng apoy,
hanggang sa siya ay magningas,
hanggang sa siya ay maging ganap
na liyab, at aming pinupuri
ang likot ng apoy ng aming pagbangon
na may batang mukha at biyas—
lahat ng kasiglahan ng gayong edad
na sumisikad sa kanyang mga buto.


Narugit ti sakam…
Binubulong ko ito hanggang sa makarating
sa pintuan ng barung-barong ni Ka Pilo,
sa paanan ng kanilang hagdan,
parang isang himig. Saka, sa Ilokano,
“paa”—salitang kay lapit sa magsaka—
saklawin ang pangunahing pangangailangan
ng bahaging iyon na nakakapit
sa silong ng ating katawan: sangkalang
nagbibigay sa atin ng sentro para makatayo
tulad ng mga ugat ng puno,
para makalakad, makalukso, makatakbo:
magsaka—sudsurin ang lupa,
bungkalin ang lupa gamit ang mga paa,
bigyan ito ng puwang
para sidlan ng buto o binhi.


Nang tawagin ako para magtanghal,
tumindig ako at lumapit sa entablado,
may dala-dalang palaisipang naglalaro sa isip ko:
paano ba sisimulang ipakilala ang aking sarili?
Simulang himayin ang pinagmulan—
lunang sinilangan, trabaho ng mga magulang,
ilantad ang mga duda at dusang hinarap
at nilampasan bago pumaloob sa kilusan
hanggang sa kasalukuyan?
Tumayo ako sa kanilang harapan,
at naisip ko, nakikita nila akong kabataang
iniikutan ng uwak na tukso ng liberalismo.
Pero sila nga pala ang proletaryo.
Kaya nang hawakan ko ang mikropono,
sabi ko,


Narugit ti sakam…
Mga kasama, ito ang una kong natutunan
mula sa inyo. Narugit ti sakam…
“Marumi ang mga paa mo.”
Mula sa bukid, umuuwi kayong
marurumi ang mga paa.
May mga tinga ng lupa sa mga kuko.
May lupang dumikit sa mga talampakan
at sumiksik sa pagitan ng mga daliri.

Bago iuwi sa bahay ang mga bunga
ng inyong sinasaka,
inuuwi ninyo ang bahagi ng binungkal
para ipaalala sa inyong lahat
na binubusog ninyo ng pawis at dugo
ang lupa, na dito kayo lahat nagmula,
na ito ang magbabalik sa inyo ng biyaya.


Narugit daytoy sakak…
Marumi ang mga paa ko
nang ako ay dumating dito.
Yumapos sa akin ang lupa
at sumama sa aking paglalakad
para ipaalala sa akin ang aking sinibulan,
na ito ang nagbibigay sa akin ng sustansiya,
na babawiin ako ng alikabok balang-araw.


Lupa—masaganang handog ng daigdig
sa sangkatauhan. Mutya ng ulan.
Hindi nakapagtatakang bakuran
ng mga haragan at gahaman.
Lupa—malaya, mapagpalaya.
Kuna ng ating agmaymaysa nga biag
na dinusta at winaldas.
Ngunit hindi ba makatarungan
na tupdin ang ating hangad,
tulad ng matandang kasabihan:

No ania ti intay immula
nasken nga intay apiten.
No ania ti agpaay kadatayo
nasken nga intay subbuten.

(“Kung ano ang ating itinanim
ay dapat nating anihin.
Kung ano ang para sa atin
ay dapat nating bawiin.”)

**binasa sa Ammoyo 2010 Regional Convention ng College Editors Guild of the Philippines-Ilocos Region noong Setyembre 25, 2010

Share This Post

2 Comments - Write a Comment

  1. Awan ti problemak uray marugitan dagiti saksakak, Kakadwa…

  2. Galing talaga ang banat ng ating Igan Mark. Mapa dito, mapa facebook kaniya pa rin. Congrats. Igan.

Comments are closed.