Ang Laman ng Kahon (Ilang Tanong para kay Mareng Winnie)

Ni RICHARD GAPPI
Bulatlat.com

Winner talaga, lola ko’t Mareng Winnie

Na-sens ko sa Youtube ispits mo’t sinabi

Kaming mga gradweyt ng isteytyu at U.P.

Dapat daw may onor at exelens parati.

Dapat din daw na huwag maging sagabal

Sa daang tuwid at pag-unlad ng bayan

Dahil kung kami ay magiging pasaway

Hahantingin mo kami hanggang sa hukay.

Magtatanong lamang po kumareng ka-chat

Saan po ba kayo pumanig sa isyu ng E-VAT

Na sa amin ay dagdag pasakit at pahirap?

O nung tumiwalag itong grupong Hyatt

Dahil napansin nilang si Aling Gloria

Batbat na ng putik, dinuga ang balota?

Di ba’t si Kabayan ang pamalit sana

Pero sa korap ka pa rin nag-hosanna?

Tindig mong liberalisasyo’t free market

Hindi ba dulot sa baya’y nagkalintik-lintik?

Kung manggagawa’y taas sweldo ang giit

Chorva mo’y anik-anik ng ekonomiks?

Kung kami ay sumuway sa iyong lektsur

Kami ba’y anak-sa-labas ni Oblation?

Turo ni Oble: ano’ng takip ng dahon?

Magsuri’t magtanong, basagin ang kahon!

Hello, dinig nyo pa po ba ko Mareng Winnie?

O baka pang-unawa’y na-Hello Garci?

— Richard R. Gappi
1:29PM, Martes, 12 Oktubre 2010
Angono, Rizal, Pilipinas

(Bulatlat.com)

Share This Post