Press Statement
09 Mayo 2011
Mariin naming kinokondena ang pag-apruba ng regional wage board ng National Capital Region sa kakarampot na P22.00 dagdag sa Emergency Cost of Living Allowance (ECOLA) ng mga manggagawa. Hindi na ito nakakagulat, pero nakakangitngit pa rin.
Malayung-malayo ito sa makabuluhan o P125 across-the-board na dagdag-sahod sa buong bansa na matagal nang hinihiling ng mga manggagawa. Hindi ito magbibigay ng tunay na kagyat na ginhawa sa gitna ng pagtataasan ng presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo, lalo na ng langis. Kung tutuusin napakalayo pa nito sa nakabubuhay na sahod.
Dahil dagdag lang ito sa ECOLA, hindi sa batayang sahod ng mga manggagawa, at sa gayo’y matatanggal matapos ang ilang buwan, hindi nito kinikilala ang napakatagal nang paghihirap at kagutuman ng mga manggagawa. Hindi rin nito kinikilala na magtatagal pa ang krisis pang-ekonomiyang bumabayo ngayon sa bansa at sa mundo.
Kinokondena namin ang rehimeng Aquino, ang Department of Labor and Employment at ang regional wage boards para sa napakaliit na dagdag na ito sa ECOLA. Sa harap ng malawak na panawagan para sa dagdag-sahod sa gitna ng nagtataasang presyo, halos isang buwang pinalabas ng rehimeng Aquino na magtataas ito ng sahod – para lamang mag-apruba ng kakarampot na dagdag sa ECOLA.
Kahit sa harap ng matinding kahirapan at pambubusabos na dinaranas ng mga manggagawa, kakarampot na dagdag lang sa ECOLA ang inaprubahan ng rehimeng Aquino. Malinaw na patunay ito na tuta ang rehimeng Aquino ng malalaking kapitalistang lokal at dayuhan sa bansa. Malinaw na puro pakitang-tao, pantawid at pa-pogi lang ang kaya nitong gawin – hindi ang magpatupad ng maka-manggagawang reporma.
Kinokondena rin namin ang malalaking kapitalistang dayuhan at lokal sa bansa, na kung makapagsalita’y tila pagguho ng mundo ang magaganap kapag inaprubahan ang makabuluhang dagdag-sahod. Nagpapanggap silang umaaray gayung 15% kabawasan lang sa kanilang tubo ang P125 across-the-board na dagdag-sahod sa buong bansa kapag ipinatupad.
Muling pinapatunayan ng pasyang ito ng regional wage board na maka-kapitalistang instrumento ito para baratin ang sahod ng mga manggagawa. Hindi ito magbibigay ng makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa at dapat nang buwagin.
Kinokondena rin namin ang Trade Union Congress of the Philippines sa pakikipagsabwatan nito sa rehimen at mga kapitalista sa pagbubuslo ng panawagan ng mga manggagawa para sa makabuluhang dagdag-sahod sa mga regional wage board. Kasabwat ang TUCP ng rehimen at mga kapitalista sa pagbibigay ng walang-batayang pag-asa sa mga manggagawa at mamamayan na magkakaroon ng makabuluhang dagdag-sahod sa instrumentong ito ng mga kapitalista.
Sa huli, hindi dito magtatapos ang paglaban ng mga manggagawa at mamamayan para sa makabuluhang dagdag-sahod. Nagsisimula pa lamang kami. Sa mga susunod na araw, linggo at buwan, tuluy-tuloy kaming maglulunsad ng mga kilos-protesta para igiit sa rehimeng Aquino ang makabuluhang dagdag-sahod.
Sa partikular, igigiit namin sa Kongreso at Senado ang pagpasa sa House Bill 375 para sa P125 across-the-board na dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa buong bansa. Hindi kami titigil hangga’t hindi namin nakakamit ang ipinaglalaban naming makabuluhang dagdag-sahod. Ginagatungan lang ng P22 dagdag sa ECOLA ang nagbabagang galit ng mga manggagawa at mamamayan sa rehimeng Aquino.
Reference:
Elmer “Bong” Labog
KMU chairperson