Ni ROLAND B. TOLENTINO
May dalawang prusisyon ang pista ng Santo Nino sa Tundo. Sa Sabado, ang parada ng mga “tribo” o komunidad na grupo batay sa kalsadang tinitirhan, henerasyon, afiliasyon at sponsor. Ang sa Linggo ay ang marangal na prusisyon na ang tampok na ipinaparada ang imahen ng Santo Nino.
Ang isa sa pinakahuli tribo sa parada ay Willie’s Gym, kinabibilangan ng mga kabataang lalakeng body builder o ang hobby ang mag-gym. Madalas, nakahubad, at masikip na maong lang ang suot.
Heto ang links sa kakaibang tribo sa parada:
http://www.youtube.com/watch?v=mNQhrvcph98
Sa underclass nagmumula ang publikong displey at exhibisyon ng mga nire-repress na mga bagay, lalo na’t salungat sa gitnang uring panuntunan ng dekorum at sibilidad. Mas liberal ang cruising ng bakla, halimbawa, pati ang pag-aalaga nito ng isang binata’t pati may asawang lalake. Mas may pagtanggap sa relasyong lesbiana sa underclass na komunidad.
Ang isa pang nagawa ng “underclass” ay ang pagdadamit a la Barbie Doll sa mga imahen ng Santo Nino batay sa preferensiya ng individual, pamilya, at komunidad. Gayundin, ang relihiyosong prusisyon ay natransforma sa sekular na parada na ang pangunahing debosyonal na alay ay ang mass dancing. Kasama rito ang tribo ng mga bakla. At ngayon naman, ang nagawa sa pamamagitan ng sponsorship ng Willie’s Gym ay ang pagsasapubliko—pagsasakalye–ng macho dancing.
Ang figura ng macho dancer ay nakalunan sa sikreto bilang pribadong desisyon ng lalake na nananatili sa kanyang pribadong mundo. Hindi ibinubuyanyang ang sikreto hangga’t hindi mabisto, kinakailangan, at makukumpromiso. Ginagawa ito ng individual, kasama ang mga “kliyente,” dahil sa tingkad ng dalawang aspekto ng kapital: una, ang katawan bilang kapital at kinakapital kahit pa ito ay komoditi naman talaga na ipinagbibili sa pamilihan; at ikalawa, ang pribadong mundo ng gay bar bilang lunan ng sirkulasyon ng aktwal na kapital na ang kibot, kilos at kalakaran ay nakabatay sa intimacy na pwedeng mapasakanyang may pera.
Ang kumbinasyon ng katawan at kapital ay ang kapasidad ng kapital na makabili (kahit pa may sarili rin itong gitnang uring dekorum bilang gitnang uring karanasan ng bakla at mga babaeng tumatangkilik nito) ng pinagnanasaang katawan. Ang matipunong katawan ay napipilit na pumaloob sa intimacy na dikta ng may kapital: “pumatol,” maging lalakeng GRO (guest relations officer), magkaroon ng sponsor na bading, magkaroon ng relasyon sa bading.
Kapag ang macho dancer at ang substansya nito, ang macho dancing, ay naging publiko, ang sikreto ay nabubuyanyang. Ang katawan ay nagiging tarheta (calling card) para sa perspektiba sa hinaharap: kalahating debosyonal, kalahating literal na paniniguro sa kinabukasan. Kung ang katawan ay gumigiling na sa publiko, ito ay nagiging simulacrum na lamang ng kapital at kapitalistang kalakaran sa gay bar.
Gumigiling dahil may katawan. May katawan kaya gumigiling. At kung gayon, ang lunan ng kapital ay napalawak hindi lamang sa espasyo ng kalsada kundi sa espasyo ng kultural na imahinasyon. Ang katawang gumigiling, gumigiling na katawan ay may kultural na kapital dahil natatangi ito, lalo na sa underclass na pamayanan. Nagpapalaki ng katawan dahil may kailangang paggamitan sa katawan lampas sa paggawa sa produksyon at nakapasok sa intimacy ng leisure industry.
Ang pagsasapubliko ng sexualidad ng kabataang lalake ay paglalagay ng panibagong posibilidad sa panlipunang mobilidad. Gamit ang katawan, maari itong umangat sa buhay. At tulad ng kwento ng OCW (overseas contract worker) bilang sacrificial lamb ng pamilya, ang katawan ng kabataang lalake ay magnet para sa katubusan ng mahal sa buhay.
Ang sexualidad na nakapakat sa katawan ay ang binebenta at binibili. Lampas na ito sa gritty gay bar na eksena sa mga pelikula ni Lino Brocka. Nasa kalsada na ang katawan at ang katawang mabibili, na kung tutuusin ay hindi naman talaga nawala sa kalsada. Sa pagsisimula ng prusisyon sa hapon, ang namamawis na katawan, ang digital camera-friendly na katawan bilang spektakulo, ay nagbabadya ng panibagong yugto sa kabataang katawan ng lalakeng underclass.
Handa itong magdispley sa ngalan ng debosyon sa Santo Nino, at ito ang kanyang disimuladong pamamaraan ng pag-trespass. Pero, sa aking palagay, hindi lang ganito. Ang katawang gumigiling ay hudyat ng pagiging available nito sa kapital, mapaiba’t ibang antas ng sex work man at maging relasyon sa bakla. Ang jubilasyon ng mass na katawang nagmamacho dancing ay ang debosyon din sa kapitalismo, ang pananalig na may special offer ito.
Pingback: Philippines news: Lalakeng kabataang lingo at amp na queerness | Pinas news library