In/Flash mob sa SM at kung bakit lehitimo itong protesta

Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com

Nagawa ang hindi nagagawa sa SM, ang pinakamalaking mall franchise sa bansa: ang hayag na politikal na protesta laban sa isyu ng corporate greed nito. Wala naman gaanong natinag nang magwelga ang kanyang manggagawa (1980s at 2000s) dahil sa panunupil sa labor union nito, maging sa opresibong kontraktwalisasyon at kondisyon sa paggawa. Madali itong na-disperse, at kahit nga may welga, halos normal pa rin ang naging operasyon ng SM malls.

May dalawang flash mobs na naganap sa SM. Ang flash mob ay mabilisang pagtitipon ng mga aktibista at nagproprotesta para makapagpahayag ng kanilang saloobin, at bago makapagformasyon ang hanay ng seguridad at reinforcement ng pulisya, mabilis din itong nagbo-voluntary dispersal. Kabahagi ang flash mob ng mas malakihang “occupy” movement na naglalayong magtaguyod ng protesta sa mga institusyong sumisimbolo ng corporate greed.

Ang SM ang naging pangunahing mukha’t simbolo ng corporate greed. Marami na ang hindi natutuwa sa pangarap ni Henry Sy, founder ng SM, na magtayo ng mall nito kada 15 minutos ang distansya sa bawat isa sa Metro Manila. O ang pagsuporta ng maraming lokal na gobyerno na handang magbigay ng konsesyon sa SM para lamang magtayo ng mall sa kanilang malalayong syudad at magkaroon ng simulacrum ng modernidad.

Ang mallifikasyon ng bansa ay naibuyanyang sa kawalan konsiderasyon ng pangunahing awtor nito, ang SM, sa mga isyu ng kalikasan (ang traumatikong “balling” ng pine trees sa SM Baguio na hindi na muling magpapabuhay ng malalago sa mga puno) at simula pa sa simula, ang pangangamkam ng lupain ng maralitang tagalunsod, maging ng nakalaan para sa publikong serbisyo, tulad ng eskwelahan, kulungan at kampo, maging reclaimed area na maari namang ma-develop bilang parke.

Mukha ng corporate greed ang SM, at ito ang backfiring ng SM sa pagnanasa ng negosyo na maging intimiate na kabahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mallers nito. “We got it all for you,” ayon sa tagline ng SM at kaunti na lang adjustment ay mas nalilinaw ang tunay na agenda nito: we got it all for you in the name of profit. Isipin na lang na pwede rin itong maging pun para sa mga virtual na afinidad na ibinebenta ng stasyong Kapamilya, Kapuso at Kapatid para sa kanilang manonood: kaisa sa ngalan ng kita.

Mahalaga ang saga ng puno sa SM Baguio bilang kontrapunto sa pagkaubos ng pasensya ng mamamayang kontra sa intensibong mallifikasyon. Walang nagrereklamo sa isyu ng mga maralitang tagalunsod na dine-demolish ang kanilang tahanan–gayong walang tunay na alternatibong inihaharap hinggil sa relokasyon—para lamang magbigay-daan sa planong mall.

Tahanan at komunidad o bagong mall?

Ang nangyari, nakahanap ng simpatetikong katapat ang gitnang uring maller sa angas ng mall developers: puno at kalikasan. Hindi naman sa pagmamaliit ng isyu ng kalikasan, pero sa etika ng panlipunang prioritisasyon, tunay na mas marami pa ang aangat. Gayunpaman, sa gitnang uring maller at protester, lalo na sa lokalidad ng pagkapamayanan (tulad ng natives sa Baguio na may alaala ng syudad na hindi pa ito syudad, na may pine forest at wala pang overdevelopment), pumutok ang isyu ng labis na pagnanasang umunlad.

Ang pagnanasa ng labis na pag-unlad ay kakambal ng labis na kita. Nalinaw ito sa SM Baguio, na marahil dahil sa napakalimitadong lupain sa syudad ay kahit pa wala nang matirang pine tree ay kayang mangyari ito sa ngalan ng pangangailangang magpalawak pa. Ang ginawang network ng SM ay siya ring ginagawang network ng protesta: sa SM North at Megamall nangyari ang flash mobs, bukod pa sa protesta sa mismong SM Baguio.

Samakatuwid, gamit ang idioma ng pag-unlad ng SM, binabaligtad ito ng mga nagproprotesta para pumaimbabaw ang retorika’t politika ng kanilang protesta: tama na ang corporate greed. O tama na ang corporate greed ng SM mall, na nagsasaad na kailangan nang ireimbento ang karanasang mall, na hindi lubos na familiar at familial sa kanyang mallers.

Pero sa ngayon, ang resulta ng flash mobs sa SM ay ang parehong katawan ng maller ay kaya ring magpaloob ng kontraryong identidad: ang naproprotesta. At namimilipit siguro sa inis ang SM dahil siya ang umakda ng dalawang entidad sa iisang mga katawan. Tunay na “we got it all for you.” (https://www.bulatlat.com)

Share This Post