APECO: Isang bangungot sa mamamayan ng Casiguran, Aurora (1)

Special Report:
Unang bahagi ng isang ulat bunga ng pagsasaliksik na nilahukan ng Kalikasan PNE tungkol sa iba’t-ibang epekto ng APECO sa mga komunidad sa Aurora.
kalibutan
KALIBUTAN
By CLEMENTE BAUTISTA

AURORA – Bigla, may malakas na hiyawan at palakpakan na gumulat sa akin sa gitna ng pagkikipag-usap ko sa mga Agta o Dumagat ng Sitio Disigisaw, Barangay San Ildelfonso, Casiguran, ang peninsula ng probinsya ng Aurora na nakaharap sa Karagatan ng Pasipiko. Nagtaka ako sa biglang pagdiriwang ng mga katutubo, para bang mga manunuod na nanalo ang koponan sa isang championship game ng basketball sa, o napatumba ng suntok ni Pacquiao ang kanyang kalaban.

‘Yun pala, magkasunod na lumutang sa dagat ang dalawang malasugi (blue marlin) tanaw mula sa aming kinakatayuan. Senyales na nakahuli ang bitag na kawil (fishing hook) na gamit ng mga katutubo sa pangingisda. Isang biyaya — magandang huli mula sa Casiguran Bay!

Pangunahing kabuhayan ng mga Agta sa Peninsula ng Casiguran ang pamamalakaya o pangingisda. Dito nila kinukuha ang pagkain at panggastos sa araw-araw. Mahirap at simpleng namumuhay ang mga Agta dito.

Nanganganib mapalayas at mawalan ng kabuhayan ang mga Agta tulad ng dinaranas ng mga magsasaka na itinaboy ng APECO o Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority. Ang APECO ay isang institusyon ng gobyerno likha ng Republic Act 9490 na naglalayong ibahin ang silbi at ‘paunlarin’ ang halos 13,000 ektarya ng palayan, kagubatan, baybaying dagat at komunidad ng mga magsasaka, mangingisda at katutubo sa limang baranggay ng Dibet, Esteves, Cozo, Culat at San Ildelfonso ng Casiguran, Aurora.


(Map of Apeco / bulatlat.com)

Ang proyekto ay itinataguyod ng dinastiyang Angara, Aurora Provincial government, at ng administrasyong Aquino. Hangad ng mga tagapagtaguyod ng APECO na gawin itong enklabo ng eko-turismo, economic processing zones, at trading port sa Aurora. Pangunahing hinihikayat nito ang mga pribado at dayuhang korporasyon na mamuhunan sa nasabing proyekto.

Kapalit nito, pinalilikas ang libu-libong pamilya, kinakamkam ang mga lupain, natatanggalan ng kabuhayan, nasisira ang kapaligiran, at nilalabag ang karapatang pantao ng mga mamamayan ng Casiguran.

Kaunlaran para kanino, sa katutubo o sa mga Angara?

Ani Victor “Ka Vic” Abajon, isang lider Agta ng katutubong organisasyong SAKBIBI, “Ang kahulugan ng kaunlaran para sa amin ay malayang pag-aari namin ng mga lupain, karagatan na pinakikinabangan ng lahat at walang sinasagasaan. Ngunit ang kaunlaran na iginigiit ng gobyerno sa amin ay kaunlaran na marami ang masasagasaan at iilan lamang ang nakikinabang, tulad ng pamilya ng mga Angara.”

Sa pagpasok ng APECO, hinihikayat ang mga katutubo na iwanan ang kanilang komunidad sa dalampasigan at tumulong sa pagpapaunlad ng eko-turismo sa Casiguran. Humigit kumulang nasa 200 pamilya ng mga Agta ang naninirahan sa Bgy. San Ildelfonso, Cozo at Culat na bumubuo ng Peninsula ng Casiguran.

Pamilya ng Agta sa Sitio Disigisiw (Photo courtesy of C. Bautista/ bulatlat.com)
Pamilya ng Agta sa Sitio Disigisiw (Photo courtesy of C. Bautista/ bulatlat.com)

Mula Enero hanggang Agosto sa bawat taon ang panahon ng pangingisda sa Casiguran Bay. Sa Sitio Disigisiw, hindi bababa sa 200 kilo ng malasugi, na karaniwang tumitimbang ng 15 – 70 kilo bawat isa, ang nahuhuli ng mga Agta sa isang araw. Ang Sitio Disigisaw na binubuo ng lampas 50 pamilya ay isa sa pitong komunidad ng mga Agta na nasa peninsula ng Casiguran.

Bukod sa pangingisda, pinagkukunan din ng mga katutubo ng pagkain at produkto ang mga sakahan at kagubatan ng Peninsula. Masagana pa ang gubat sa Casiguran sa mga likas-yaman tulad ng halamang gamot, uhay o rattan, baboy damo, pagkain, at iba’t-ibang klaseng puno.

Sa plano ng APECO, bibigyan ng trabaho bilang construction workers, tourist guides at entertainers ang mga lokal. Malaking kaibahan ito sa kaalaman at tradisyunal nilang hanapbuhay. Gayundin, nagsimula ang management ng APECO na magtayo ng resettlement area na may labinlimang bahay sa kagubatan ng Sitio Disigisaw upang tipunin at ilipat sa iisang lugar ang mga katutubo. Tinanggihan ito ng mga Agta. Nasira ng bagyong Labuyo noong Agosto 2013 at nabubulok na lang ngayon ang mga itinayong bahay.

Sabi ng mga katutubo, walang konsultasyon at pagpapaalam na ginawa ang APECO tungkol sa resettlement project. Hindi rin isinaalang-alang na kaya sa tabing dagat naninirahan ang mga katutubo ay dahil pangingisda ang pangunahin nilang hanapbuhay. Gayundin, hindi rin angkop ang disenyo ng resettlement area at bahayan sa karaniwang pamumuhay ng mga Agta roon.

Relocation site sa loob ng kagubatan para sa mga katutubong Dumagat at Agta (Photo courtesy of C. Bautista / Bulatlat.com)
Relocation site sa loob ng kagubatan para sa mga katutubong Dumagat at Agta (Photo courtesy of C. Bautista / Bulatlat.com)

Malinaw na tutol sa APECO ang mga Agta sa Casiguran. Sabi ni Ka Vic, “Papaano magiging para sa kapakanan namin ang APECO? Kung ang simpleng konsultasyon at pagpapaalam sa amin ay hindi nila magawa, siguradong hindi namin maasahan na magiging mabuti ito para sa aming komunidad.”

Dambuhalang proyekto, malawakang pangangamkam

Sa Baranggay Esteves at Dibet, sasakupin ng APECO ang 496 ektarya ng mga sakahan at baybaying dagat. Sa kasalukuyan, lampas 200 ektarya na ng mga sakahan at baybaying dagat ang binago ang paggamit sa lupa. May mga itinayong air strip, relocation site, hotels, administration building, concrete roads. Lahat nito ay binakuran at gwardyado 24-oras araw-araw. Mga 28 pamilya ng magsasaka at mangingisda ang pinaalis sa pagtatayo pa lamang ng airstrip.

Gayundin, daan-daang ektarya pa ang nais kamkamin ng APECO. Isa ang sakahan ni Adarlina Constantino, 79 taong gulang. Noong 1968, dumating sila sa Bgy. Esteves, Casiguran na dating prontera. Hinawan nila ng ilang taon ang noo’y kagubatan para taniman ng palay at iba pa. Nang malinis at mapaunlad nila ito bilang sakahan, gusto nang angkinin ng dating Mayor Esteves ang kanilang lupain at patituluhan para maging pribado nilang pag-aari noong dekada 70. Binigo nila ito sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos.

Sa loob ng mga programang reporma sa lupa ng gobyerno na Comprehensive Agrarian Reform Program with Extension and Reforms (CARPER), hindi nabigyan ng titulo ang mga magsasaka gaya ni Ka Erlinda kahit sila ang nagsisikap na paunlarin ang mga lupain sa Aurora. Ngayon naman, inaangkin ng APECO ang kanilang sakahan dahil ito raw ay pag-aari ng gobyerno. Pagpapatunay ito na hungkag at huwad ang mga repormang agraryo ng gobyerno.

“Pagkatapos namin linangin at pagyamanin ang mga lupaing ito sa pamamagitan ng aming pagod at pawis, gusto nilang agawin. Bakit imbes na ibigay sa amin ang titulo ng lupa, gusto pang kunin ng gobyerno at ibigay sa APECO at mga Angara? Karapatan namin na magsaka, mamuhay dito. Ipaglalaban namin ito,” ani Ka Adarlina.

Binibili ng APECO sa mga magsasaka ang kanilang lupain sa halagang P19,000 hanggang P60,000 kada ektarya. Marami na ang napipilitang magbenta ng kanilang lupa dahil sa panloloko ng mga panginoong maylupa at panggigipit ng tauhan ng gobyerno.

Daan-daang ektarya ng lupain sa Bgy. Esteves at Dibet ang kinakamkam ng malalaking panginoong maylupa (Photo courtesy of C. Bautista / Bulatlat.com)
Daan-daang ektarya ng lupain sa Bgy. Esteves at Dibet ang kinakamkam ng malalaking panginoong maylupa (Photo courtesy of C. Bautista / Bulatlat.com)

Ito ang hinaharap ng mag-asawang Antonio at Tessie Angara. Pinipilit ng APECO na bilhin ang kanilang sakahan na ipinamana pa sa kanila ng kanilang magulang. Tulad sa karanasan ni Ka Erlinda, hinawan at pinaunlad ni Ka Antonio ang dating gubat upang gawing sakahan mula pa noong 1970’s.

Nabili na ng APECO ang maraming sakahan at kabahayan malapit sa lugar ng mag-asawa. Ganumpaman, nananatiling matibay ang posisyon ni Ka Antonio at Tessie na huwag ibenta ang kanilang lupa. Pero dumadanas ang mag-asawa ng mas matinding kahirapan at presyur. Ang kanilang sakahan ay isang beses na lamang nilang taniman kaysa dati na dalawang beses kada taon. Dulot ito ng pagkasira ng malapit na irigasyon at ng pagbaha tuwing tag-ulan dahil sa ginawang pagtambak ng lupa sa mga katabing sakahan upang gawing resettlement area ng APECO. “Mahirap na nga ang buhay namin, lalo pa nila kaming pinahihirapan,” dagdag ni Ka Tessie.

Dahil sapilitang dumalang ang pagtatanim nila, nabawasan ng malaki ang kinikita nila sa pagsasaka. Dagdag pa sa kanilang pasakit ang matinding pag-aalala sa banta na pwersahang makuha o kaya ay mapilitan silang ibenta ang kanilang lupa sa APECO.

Magara ang mga bahay sa resttlement area ng APECO kumpara sa mga bahay kubo at barong-barong ng mga magsasaka at mangingisda sa Casiguran. Sinasabi ng APECO na ibibigay nila ito sa mga maapektuhan ng kanilang proyekto at pagbabayarin lamang ng PHP600.00 kada buwan ang titirang pamilya.

Mga bahay sa loob ng resettlement area sa Bgy. Esteves (Photo courtesy of C. Bautista / Bulatlat.com)
Mga bahay sa loob ng resettlement area sa Bgy. Esteves (Photo courtesy of C. Bautista / Bulatlat.com)

Subalit nangangamba ang mga mamamayan ng APECO na mapapaalis din sila kung papayag sila. Bukod sa mawawalan sila ng kabuhayan, hindi rin nila kakayanin na magbayad ng renta kada buwan.

“Kung ang 100 hanggang 200 piso na singil sa kuryente kada buwan ay hindi namin mabayaran dahil kapos ang aming kita at kami ay napuputulan ng kuryente, paano pa ang 600 piso lalo na kung wala na kaming sakahan na pagkukunan ng kita?” tanong ni Ka Tessie. (Itutuloy)

Si Clemente Bautista ang national coordinator ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE).

Share This Post