Manggagawa ng Tsinelas

kentex_havana3_withflowers_may152015

Ni ROMMEL PIPOY LINATOC

Kayo ay nangarap magkaroon ng pagkain
Pagbuo ng Tsinelas, inyong sininsin
Sa karampot na sahod, pinagkasya ng buong lugod
Kalam ng sikmura, tinumbasan ng sipag at tiyaga
Habang nakaabang ang malaking pinsala

Ang amoy ng goma ay pabangong nilanghap
Galaw ng makina, malaking tubo sa kapitalista
Inyong hinahabol ang bilang na itinakda
Upang magawa libo-libong sapin sa paa
Katawan at buhay ninyo ang isinanla

Kung mayroong salita na hihigit sa katarungan
Maglalakad ang mga tsinelas, isisigaw ito sa lansangan
Gigising ito ng mga kampana, isasampal sa natutulog na balana
Mapudpod man ang sakong, hindi kami titigil sa panawagan
Aalingawngaw ay hustisya para sa buhay na nawalan

Lumuluha ang Tadhana sa nangyari sa inyo.
Hindi kapalaran ang sinapit ninyo
Kapabayaan at kasakiman ng iilan, umabo sa inyong kamalayan
Pausukan ang mga nagtuturuan, singilin sa kanilang kahungkagan
Papanagutin ang sistemang sumunog sa inyong katawan.

Si Rommel Pipoy Linatoc ay isang ecumenical development worker,guro, manaliksik, mandudula, at Migrante
(https://www.bulatlat.com)

Share This Post