Buhay na buhay ang pakikibakang kontra-mina sa Mindanao

 'Operasyon Pinta' sa kilos-protesta noong December 2013 Lakbayan para sa kalikasan, katarungan at karapatang pantao sa rehiyon ng Socksargen. (Larawan ni E. Bautista/Bulatlat.com)
‘Operasyon Pinta’ sa kilos-protesta noong December 2013 Lakbayan para sa kalikasan, katarungan at karapatang pantao sa rehiyon ng Socksargen. (Larawan ni E. Bautista/Bulatlat.com)

KALIBUTAN
Ni CLEMENTE BAUTISTA

kalibutan

Buhay na buhay—at nagtatagumpay—ang pakikibakang masa laban sa malakihang pagmimina sa Mindanao.

Sa pagpasok ng buwan ng Mayo, matagumpay na isinabatas ng Davao City Council ang lokal na ordinansang nagbabawal ng malakihang pagmimina sa kanilang lungsod. Naging matunog sa buong bansa ang hakbanging ito ng Lungsod ng Davao upang mapreserba ang kanilang likas-yaman at mapangalagaan ang kanilang kapaligiran laban sa operasyon ng mga korporasyon sa pagmimina.

Isa ang Davao City government sa 20 pamprobinsya at panlungsod na pamahalaan na nagpatupad ng pagbawal sa pagpasok ng malakihang pagmimina sa kanilang lugar. (Tingnan ang Table sa baba). Ang mga maka-kalikasang ordinansang tulad nito ay binunga ng malakas na pagkilos ng mga mamamayan sa lokalidad, partikular ng mga komunidad na direktang maaapektuhan ng pagmimina.

Isa pang ehemplo ng matagumpay na paglaban sa mga mapanira at mandarambong na proyekto ay ang kampanya laban sa $5.9 bilyong Tampakan Gold-Copper Mining Project sa boundary ng South Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at Davao del Sur.

kalibutan list LGU mining ban
Mula noong 1992 nang pumasok sa South Cotabato ang Western Mining Corporation, ang naunang may-ari ng proyekto, nabigo silang umpisahan ang komersyal na operasyon ng pagmimina. Nagpapalit-palit ng may-ari ito hanggang ang Glencore, ang pang-apat na pinakamalaking kumpanya ng pagmimina sa mundo, ang kasalukuyan nang nagmamay-ari ng Tampakan Mining Project, kasapakat ang lokal na kumpanyang Sagittarius Mines Inc.

Nagsimula ang laban nang magkaisa ang mga katutubong B’laan na huwag pahintulutan ang minahan sa kanilang lupaing ninuno. Karugtong nito, nakiisa ang mga magsasaka na mawawalan ng mga lupaing sakahan dahil sa proyekto. Gayundin, nakabig ang mga taong simbahan, propesyunal at kabataan na lumahok sa paglaban dahil na rin sa masamang epekto ng proyekto sa kalikasan, kalusugan at kultura.

Sama-sama silang nagpetisyon sa pambansang gobyerno. Nagsampa sila ng kaso sa Korte Suprema, ngunit binigo. Nagprotesta ang libo-libong mamamayan sa lansangan upang tutulan ang proyekto. Naantig ang lokal na probinsya ng South Cotabato, at nagpasa ito ng Environmental Code na pinagbabawal ang open-pit mining na teknolohiya sa kanilang probinsya. Naging balakid din ito sa pagtuloy ng Glencore-SMI.

Sa kabila nito, matigas ang ulo at nagpupumilit ang Glencore-SMI. Bingi at bulag ang pambansang gobyerno sa pagtutol at paglaban ng mamamayan. Binigyan pa rin ang Tampakan Project ng mga permiso ni Pres. Noynoy Aquino at ng DENR. Dagdag pa dito, binuhos ang maraming militar at paramilitary sa mga komunidad na apektado ng pagmimina upang patahimikin, takutin at ultimo dahasin ang mga lumalaban na katutubo at magsasaka. Marami na rin ang mga pinatay na katutubo at maka-kalikasan na nanguna sa kampanya.

Ngunit hindi nagpatinag ang mga mamamayan. Papataas ang antas ng pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan, lupain at kabuhayan. Nagdeklara ng ‘Pangayaw’ o tradisyunal na armadong pagdepensa ang mga katutubo. Sinuportahan ng New People’s Army ang pagkikibaka ng mga mamamayan laban sa Tampakan project at naging sunod-sunod ang aksyong pamparusa nila sa Glencore-SMI mula noong 2008.

Bagamat hindi pa rin inaatras ng Glencore-SMI ang balak na pagmimina, kasalukuyang nakatigil ang Tampakan Mining Project. Mahigit dalawang dekada na ang pagtatangka ng Glencore-SMI subalit bigo silang dambungin ang likas-yaman at sirain ang kapaligiran sa Mindanao.

Patuloy ang mga bantang panganib at karahasan ng mga dayuhang korporasyon ng pagmimina at ang mga lokal na kumprador nila sa Mindanao: nagkaroon ng serye ng pag-‘bakwit’ ang mga komunidad ng Lumad sa mga rehiyon ng CARAGA at Southern Mindanao dahil sa militarisasyong panghawan ng mga minero; noong ika-30 ng Abril lamang, dinakip si John Calaba, opisyal ng katutubong organisasyong Kisasabanay Dulangan Manobo (KIDUMA) na tumututol sa pagmina’t pagtroso sa Sultan Kudarat, ng mga pwersang panseguridad ng proyektong pagtotroso at pagmimina ng kumpanyang DMCI.

Sa gitna nito, patuloy na dumadagundong ang kilusang mamamayan. Maningning ang ating pakikibakang masa para sa kalikasan sa Mindanao—tiyak, kahit saan mang dako ng bansa. Hangga’t mahigpit ang pagkakaisa’t paninindigan ng mga mamamayan, patuloy ang ating pakikibaka—tiyak ang ating tagumpay!

Si Clemente Bautista ang national coordinator ng Kalikasan – People’s Network for the Environment.(https://www.bulatlat.com)

Share This Post