Paghahanda sa ekspansyon ng plantasyon ng palm oil sa Pilipinas

Pangalawa sa dalawang-bahaging artikulo tungkol sa plantasyon ng palm oil
Unang bahagi: Ang nakalalasong usok at ang plantasyon ng palm oil sa Indonesia

Ni CLEMENTE BAUTISTA
kalibutan

Sa Pilipinas, pareho rin ang tinatahak ng gobyerno sa pagpapalaganap ng palm oil plantation. Mabilis na pumapasok at nangangamkam ng lupa sa ating mga kagubatan at kapatagan ang mga dayuhang korporasyon kasabwat ang mga lokal na Panginoong May Lupa (PML) at mga burgesya kumprador tulad nila Conjuangco, Ang, Alvarez, Dominguez at Alcantara.

Magkatulad ang katangian ng produksyon sa Indonesia at Pilipinas. Una, kontrolado ito ng mga dayuhan at pribadong korporasyon. Pangalawa, ang mga lupain para sa plantasyon ay ang mga lupain ng mga katutubo at mga magsasaka. Pangatlo, ang produksyon ay para sa eksport upang tugunan ang pandaigdigang pamilihan. Sa huli, ang gobyerno ang pangunahin regulator at facilitator sa pagpasok at operasyon ng agri o palm oil company sa bansa.

Tinatayang mayroon ng 54,448 ektarya ng lupain na natatamnam ng palm sa Pilipinas. Noong Mayo 2015, inanunsyo mismo ni DENR Secretary Ramon Paje na pinapanukala ng gobyernong Aquino ang kombersyon ng karagdagang walong (8) milyong ektarya ng lupain para sa pagtatanim ng palm oil sa bansa.
kalibutan reap
Sa kasalukuyan, 77.6% ng mga erya ng mga plantasyon ng palm oil ay matatagpuan sa Mindanao. Sumasakop ito ng 42,731 na ektarya ng isla. Naglaan ang Southern Philippines Development Authority (SPDA) ng karagdagang 304,000 ektarya ng lupain sa Mindanao para sa ekspansyon ng palm oil. Agresibo ang ekspansyon ng palm oil plantation sa Mindanao, sa nakalipas na dekada lamang ay dumoble ang lawak nito.

Ayon sa pag-aaral ng Network Resist Expansion of Agricultural Plantations in Mindanao (REAP Mindanao Network) kalakhan ng may-ari ng plantasyon at prodyuser ng palm oil ay mga dayuhang korporasyon galing Malaysia at US tulad ng Agumil Group of Companies (AGC), Filipinas Palm Oil Plantation Inc, at A. Brown Energy and Resource Development o ABERDI.

Maging ang probinsya ng Palawan na tinuturing na “huling hangganan ng Pilipinas” dahil sa pagkakaroon ng mayamang laksang buhay, ay hindi din nakaligtas sa banta ng plantasyon. Sa artikulo ng Mongabay.org na Broken Promises: Communities on Philippine island take on palm oil companies, nabanggit na may dalawang mayor na kumpanya ng palm oil ang nag-ooperate sa probinsya. Ito ang Palawan Palm & Vegetable Oil Mills, Incorporated (PPVOMI) at Agumil Philippines Incorporated (AGPI). Ang una ay pag-aari ng Singaporian at ang huli naman ay isang Malaysian company. Sumasakop ang plantasyon ng nasa 15,000 ektarya ng lupa sa probinsya.
kalibutan pam oil 2 table
Sa pagpasok ng mga plantasyong ito malaki ang nagiging pinsala hindi lang sa kalikasan kundi maging sa karapatan ng mga magsasaka at mga katutubo. Iba’t-iba ang kwento sa sosyal na epekto ng pagpasok ng palm oil plantasyon sa Palawan subalit magkatulad ang tema: pangangamkam ng lupa, pagsasamantala at pang-aapi.

Sa pagpasok ng mga kumpanya sa Palawan, maraming mga katutubo at magsasaka ang naloko sa pagpasok sa mga kontrata at sa pagtatanim ng palm oil. Maraming mga katutubo ang nawalan ng kanilang mga lupain. Sa mga magsasaka, lalong nalubog sa utang sa pagkawala ng kanilang puhunan at sakahan. Ang iba naman ay natali sa pagtatrabaho na ma kakarampot na sweldo sa plantasyon.
Sa mga probinsya ng Mindanao, matinding militarisasyon ang nararanasan ng mga Lumad at magsasaka. Ang kanilang mga bahayan ay sinusunog; ang kanilang mga paaralan ay sinisira; at tinataboy sila sa kanilang mga komunidad upang malayang makapasok ang mga pribadong kumpanya at kunin ang kanilang mga lupain. Marami sa kanilang mga lider ang kinasuhan ng gawa-gawang kaso o di kaya’y hinaharas ng mga militar at para-militar. Mayroon na ring nagbuwis ng buhay sa kanilang paglaban sa ekpansyon ng palm oil plantation tulad nila Gilbert Paborada, Rolen Langala and Marcel Lambon.

Mariing tinututulan ng mga mamamayan ang panibagong pandarambong na ginagawa ng mga korporasyon kasabwat ang mga lokal na opisyales at negosyante.

Noong Septyembre 2015, sa pangunguna ng Coalition against Land Grabbing at Palawan Bishop Pedro Arigo, nagsumite sa Palawan Provincial Government ang petisyon na pinirmahan ng 4,200 upang hilingin ang pagpapatigil ng ekspansyon ng palm oil sa probinsya.
kalibutan reap 2
Binuo noong May 2015 ang Task Force NO PALM o Network Opposed to Oil Palm Plantations, isang pambansang koalisyon upang maging daluyan ng koordinasyon at tulungan sa pagharap sa isyu ng palm oil plantation sa pagitan ng mga organisasyon galing Mindanao, Luzon at Palawan.

Kailan lamang ang REAP Mindanao Network ay inilunsad kung saan ang Kalikasan PNE ang isa sa mga convenor nito. Layunin ng REAP Mindanao na kumuha ng lokal at internasyunal na suporta, gamitin ang iba’t-ibang porma ng aktibidad at pamamaraan upang palakasin ang kampanya laban sa palm oil plantation sa Mindanao.

Bukod dito, ibat ibang porma ang aksyon na ginawa sa Mindanao upang tutulan ang ekspansyon ng mga plantasyong agrikultural. Noong Hunyo 2010, pinarusahan ng New People’s Army (NPA) ang isang oil palm plantation sa Columbio, Sultan Kudarat dahil sa pangangamkam ng halos isang libong ektarya ng lupa ng mga lumad.

Taong 2014, sunod sunod ang ginawang pagpaparusa ng NPA sa mga may-ari ng plantasyon tulad ng SUMIFRU at Del Monte. Gayundin, patuloy ang armadong pagdepensa ng mga lumad tulad ng Talaingod Manobo at B’laan sa pagdepensa ng kanilang mga komunidad, kagubatan at teritoryo laban sa pagpasok ng mga plantasyon at dayuhang korporasyon.

Mahigpit ang paghahanda ng mamamayan Pilipino sa paglawak ng plantasyon ng palm oil sa bansa. Nakakatakot ang dalang epekto ng plantasyon ng palm oil subalit, subalit nakakabuhay loob naman ang lumalakas nn pakikibaka ng mamamayan laban dito.

Unang bahagi: Ang nakalalasong usok at ang plantasyon ng palm oil sa Indonesia

enteng22

Clemente Bautista is the national coordinator of the Kalikasan People’s Network for the Environment. For comments, email him at secretariat@kalikasan.net.
(https://www.bulatlat.com)

Share This Post