School Profile 2: Community Technical College of Southeastern Mindanao, Tagum City, Davao Del Norte, 4 Nob. 2015
Ni ROLAND B. TOLENTINO
Bulatlat.com
Nang magbukas ang Community Technical College of Southern Mindanao (CTCSM) noong Hunyo 2015, may 37 mag-aaral sa elementarya, 77 sa hayskul, at 184 sa kolehiyo. Ito ang natatanging eskwelahan sa Save our Schools (SOS) at Salugpungan network na mayroong probisyon sa kolehiyo.
Dahil bawal ang mga bagong programa, ayon daw sa Commission on Higher Education (CHED), ang ginawa ng CTCSM ay pumisan sa Liceo de Davao, Tagum para sa mga kursong kahiligan sa edukasyon. Pitumpung porsyento ng mag-aaral ay katutubo at 30 porsyento ay hindi. Marami ay hindi makakapag-aral kung wala ang CTCSM sa erya.
Sa pagdalaw ko, may anim na klasrum para sa elementarya, apat para sa junior hayskul, isang library, at isang laboratory sa 2.5 hektaryang lupa ng kampus, dating sakahan sa Baranggay Lapu-lapu, Maco, Compostela Valley. Malapit lang ang distansya ng CTCSM sa Tagum. Siyam ay fulltime na fakulti, at pitong staff na nasa administrasyon ay may load din sa pagtuturo.
Si Maria Nelly Sun, edad 33, ang faculty head, at si Grace Mamuyac ang College Coordinator. Kasama si Irika Rosellio, edad 32, ang Basic Education Program Coordinator, sila rin ang namamahala ng may 300 mag-aaral na dormers sa bagong tayo at patuloy na kinukumpletong dormitoryo sa campus.
Magulo pa ang malaking gusali ng dormitoryo dahil sa patuloy na konstruksyon pero nag-settle in na ang mga mag-aaral. Magkakahiwalay ang babae sa lalake, at batayan lang ang probisyon para sa mga double deck sa mga kwarto. Lahat ng mag-aaral ay nagdo-dorm para mas matiyak ang pagpapatuloy sa pag-aaral.
May hatian ng trabaho sa paglagi sa eskwelahan. Maagang gumigising, alas-kwatro ng umaga para maghanda na, matapos ng ilang gawain sa sakahan at paglilinis at pagmimintina ng fasilidad ng eskwelahan. Ang lahat ay may toka sa pagluluto at paghuhugas ng pinagkainan sa agahan, tanghalian, at hapunan. Ang walang toka ay maaring maglaro’t magbasketball sa tanghalian. Ang hapon ay para sa pagsasaka at pagtatanim ng pagkain. Matapos ay paggawa ng assignment, pagluluto’t paghahandang matulog.
May matrikula sa CTCSM pero ang school administration ang naghahanap ng magpopondo ng skolarsyip. May 60 mag-aaral ang dating nagtratrabaho sa plantasyon ng saging, at 36 mag-aaral ay nasa balik-eskwela na programa ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research, Inc. (EILER). Kabilang dito ang maraming child laborers sa plantasyon at minahan.
Nakikipagtulungan din ang CTCSEM sa Sagip Social Action Group para sa pagpondo sa mga mag-aaral na katutubo, maging sa Diocese of Cotabato at isang internasyonal na institusyon. Nagkakahalaga ng P7,500 ang gastusin kada semester ng isang mag-aaral, dagdag na P1,500 kada buwan para sa dorm at pagkain nito.
May mga galing sa minahan, tulad sa malapit na Mt. Diwalwal. Ayon sa nakapanayam ko, may sariling mundo ang lugar ng financier, kontraktwalisasyon, paghuhukay sa kanya-kanyang magkakasalikop na minahan sa ilalim ng lupa, kuntsabahan ng militar at lokal na pamahalaan, pagpasok ng Central Bank, at aksesoryang serbisyo, tulad ng alkohol, sex work, at droga sa lugar.
Ipit ang mga bata sa komunidad, marami ay napipilitang itigil ang pag-aaral at magtrabaho sa ilalim ng mina. Malalalim at peligroso ang kanya-kanyag hukay ng mga minero, kalimitin ay mga bata lang ang makakapasok. Upang maglagi ang mga bata sa loob ng minahan, binibigyan daw ng probisyon ng shabu ang mga ito para sa ilang araw. Marami ang nagiging adik sa murang edad.
At ito ang isa sa target na ibalik sa eskwelahan ng CTCSM, ang kumbinsihin ang mga magulang na ilagak ang kanilang mga anak na libre sa gastusin. Pahirapan ang pagkukumbinsi dahil mahabang taon ang kakailanganin ng bata na tinatanggal sa potensyal na nitong kumita na para sa pamilya.
May dalawang bus na nagbibigay ng shuttle service para sa mag-aaral sa kolehiyo sa Tagum. Patuloy ang pakikipag-usap sa provider ng pag-aaral sa kolehiyo para gawin itong bawas sa pagiging tradisyonal, at mas akma sa kabuluhan ng SOS na programa. Pangarap ng programa na sa hindi malayong hinaharap, ang mga nagtuturo sa SOS network ay mismong graduate ng mga programa nito.
Pero sa unang mga buwan sa 2015 pa lamang, may 40 nang mag-aaral ang nag-dropout dahil sa napakaraming dahilan: nami-miss ang magulang at pamilya, hindi sanay mapirmi sa klase at programa, hindi makasundo ang kaklase’t kasamahan sa eskwelahan, at iba pa.
Dagdag pa rito, noong Nob. 4, 2015, may 50 sundalo na naka-full battlegear ng 71st Infantry Division ang dumayo at nagkampo sa bukanang erya ng eskwelahan. Nagugulat ang mga mga mag-aaral dahil marami sa kanila ay ito rin ang tinatakasang mga lugar na kanilang pinanggalingan. Marami ay galing sa highly militarized na erya.
Magulo ang paligid sa labas at loob ng CTCSM. Peligroso ang lagay dahil nga ito ay isang bagong simulain. Pero may sikhay ang paligid sa loob ng kampus. Hindi nga ba’t ito ang unang pagkakataon na marami sa mga mag-aaral at sa kahanay nila ay ngayon lamang nakakatamasa ng libre at makabuluhang edukasyon?
Hindi nga ba’t dinadagdagan pa ang kapasidad ng SOS network na makapag-alok hindi na lamang hanggang hayskul kundi maging programa sa kolehiyo? At ito ang gulo na may pag-asa kaysa sa purong gulo lang sa maraming pinanggagalingan ng mga mag-aaral. Ito ang gulong nakakapagbigay ng sulyap sa ibang posibilidad kaysa sa pinagdaan, ng mas magandang bukas sa unang batch ng mag-aaral ng CTCSM.
Ang mga litrato ay kuha ng may-akda.