‘Nanay ka ba ng lahat ng bomba?’ Lintanya ng mga collateral damage

Ni SONNY SAN JUAN

GBU-43/B Inihulog ka ng ika-13 Abril 2017
sa purok Achina,probinsya ng Nangarchar, Afghanistan

GBU-43/B alyas Massive Ordnance Air Blast Bomb (MOAB)
21,600 tonelada 30 talampakan O ina ng mga bomba

11 tonelada ng TNT
mahigit isang milya ang saklaw ng biyaya nito
300 metro ang agwat ng hukay bunganga ng bulkan
inihulog ng eruplanong Hercules MC-130 Cargo—
O ina ng mga bomba
sugo ni Icarus?

GBU-43/B alyas Massive Ordnance Air Blast Bomb (MOAB)
21,600 tonelada 30 talampakan O ina ng mga bomba

Sa nayon ng Shogal malapit sa Pakistan, ilan ang napinsala?
Nadurog ang 4 na bahay sa Pekhe, 3 milya ang layo sa sinabugan
11 tonelada ng TNT mahigit isang milya ang saklaw ng biyaya nito
Wala raw sibilyang namatay
Ay meron pala, 12 sibilyan at 4 na musmos ang COLLATERAL DAMAGE
90 ISIS/Daesh raw ang napuksa O ina ng mga bomba

Hindi ginamit ang GBU-757A/B Massive Ordnang Penetrator (MOP)
Hindi ginamit ang BLU-82B Daisy Cutter O ina ng mga bomba
Saka na gagamitin ang B-83, 1.2 milyong TNT para raw kay Kim Jong-Un

Ilang libong dantaon na mula 331 BCE
Umatras na ang Dakilang Imperador Alexander mula sa Afghanistan
Naroon pa rin ang mahigit 8,400 tropa ng USA

GBU-43/B alyas Massive Ordnance Air Blast Bomb (MOAB)
21,600 tonelada 11 tonelada ng TNT O ina ng mga bomba

Gaano kabigat ang barbarismong saklaw ng biyaya nito?

(https://www.bulatlat.com)

Share This Post