Katatapos lang ng Hunyo at magsimula na ang klase at ang pagharap ng ilang mga kababayan sa maraming mga usapin sa edukasyon. Muli na namang tampok ang usapin ng wika sa pagtuturo sa paaralan, isang usapin na tila kasintagal na ng mahabang kasaysayan ng pagtuturo at kontrobersya sa wika sa kapuluan.
Buwan ng Hunyo, petsang ika -5, noong 1754, inilabas ang dikretong royal ni Haring Fernando VI ang paggamit ng wikang Espanyol bilang wika ng pagtuturo sa mga paaralan para sa mga batang lalaki at babae sa buong Pilipinas. Pagpapatunay lamang ito ng matagal nang patakaran sa pagpapalawak ng wikang banyaga bilang instrumento ng edukasyon at pananakop sa kapuluan. Halos dalawang dantaon nang nasa Pilipinas ang mga Espanyol at kinakailangan pa ring bigyan ng muling pagdidiin ang ganitong kalagayan.
Muli itong mapapatampok sa Dikretong Royal sa Unibersal na Edukasyon na ipinasa noong 1863. Sa bisa ng dikretong ito, magbubukas ang lahat ng bayang nasasakupan ng mga Espanyol ng dalawang paaralang primary, isa para sa mga batang lalaki at isa para sa mga batang babae. Magkakaroon din ng istandard sa mga curriculum na isasakatuparan sa pagtuturo, at magbubukas ang mga kolehiyo at pamantasan para makapasok ang mga itinuturing na mga indio sa kapuluan upang makapag-aral. Kung dati ay tinitingnan na ang mga kurso at bokasyon sa Pilipinas ay para lamang sa mga insulares at peninsulares na mga Espanyol, bukas na matapos ang 1863 ang lahat ng mga kurso at bokasyon para sa mga katutubo. Higit na mahalaga, idinikreto din na magkaroon ng pagbubukas ng isang paaralang Normal na magsasanay sa mga susunod na henerasyon ng mga guro na nasanay sa pagtuturo sa curriculum na idinisenyo ng mga Espanyol sa Pilipinas. Muli, pinagtibay ang pangangailangan ng pagtuturo sa wikang Espanyol bilang midyum ng pagtuturo sa lahat ng paaralan. Isang henerasyon ng mga nakapag-aral sa wikang Espanyol sa banyagang curriculum ang mabubuo, at magpapatuloy ng kanilang akademikong pagsasanay hanggang sa Europa. Ang mga ilustrado ang pangunahing inianak ng ganitong patakaran.
Maraming kampanya ang itatatag ng mga ilustrado sa kanilang kilusang propaganda at reporma, subalit ang isa sa pinakatampok dito ay ang kampanya para sa repormang pang-edukasyon. Sa katunayan, pagdidiin lamang sa mga dikreto ng 1745 at 1863 ang kampanya ng mga ilustrado para sa edukasyon ang pagtuturo ng wikang Espanyol at ang reporma sa curriculum na gagabay sa mga kurso at bokasyon sa mga pamantasan sa kapuluan. Ang pagbibigay-diin ng ganitong kampanya ang isa sa matibay na indikasyon na kahit ilang patakaran at batas pa ang isinakatuparan, maraming bagay na nakapaloob sa mga batas ang hindi naisakatuparan sa katunayan.
Sa pagdating ng mga Amerikano, muling irereporma ang sistema ng edukasyon. Sa pamamagitan ng Philippine Commission Act 74 ng 1901, bubuksan ang paaralang Normal ng Pilipinas (ang pinagmulan ng kasalukuyang Philippine Normal University); ang pagbibigay diin muli sa paggamit ng kolonyal na wika sa panahong ito ang wikang Ingles na bilang wikang panturo; at ang paggamit ng praktikal na kaalaman sa mga bokasyon at kurso. Muli, bibigyan ng diin ang kahalagahan ng wikang banyaga bilang pangunahing instrumento ng kolonyal na edukasyon.
Sa isang pag-aaral noong 1920s na pinangunahan ni Paul Monroe, dating direktor ng International Institute of Teachers College ng Columbia University, ipinakita ang malaking suliranin ng sistema ng edukasyon. Inilabas ang resulta ng pag-aaral noong 1925 at kapuna-punang ang ilan sa mga kalagayang binabanggit sa panahong iyon ay kalagayan pa rin hanggang sa kasalukuyan. Maraming mga mag-aaral ang hindi makapasok sa paaralan dahil sa kakulangan ng mga guro, pasilidad at gamit sa pag-aaral. Marami ring mga nagtatagal bago makapagtapos kahit ng pinakabatayan sa pag-aaral. Ang mataas na drop out rate ang isa sa mga binabanggit na bunga ng kakulangan ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Higit na kontrobersyal ang pagsusuri sa kalidad ng edukasyon na napatunayang mababa sanhi ng suliranin ng mga bata sa pag-unawa ayon sa pagtuturong isinasakatuparan sa wikang Ingles.
Tinataya ng nasabing pag-aaral na 10 hanggang 15 bahagdan lamang ng mga nakakapagtapos ang may kakanyahang gumamit ng wikang Ingles kung sakaling magkakaroon sila ng trabaho matapos ang pag-aaral. Napatunayan at problematikong napag-alaman na mahirap gawin ang sistema ng edukasyon sa wikang banyaga at asahang mababago ang kaalamang pangwika ng isang bansa sa loob lamang ng isang henerasyon.
Maraming konstitusyonal na pagtatangka ang tumugon sa kalagayang pang-edukasyon, lalo na sa usapin ng wika. Sa konstitusyon ng 1935, inatasan ang Kongreso na “magsasagawa ng hakbang upang paunlarin ang wikang pambansa batay sa mga umiiral na wika sa Pilipinas” Bunga nito, nagkaroon ng unang hakbang ang kongreso at nagsabatas ng Commonwealth Act No. 184 (1936) na nagtakda ng pagtatatag ng isang pambansang komite na may kapangyarihang magdesisyon kung alin ang wikang gagamitin mula sa umiiral na wika at ituturing na pambansang wika. Kinabibilangan ng mga prominenteng akademiko at eksperto sa wika ang komite, gaya nina Jaime C. de Veyra (Hiligaynon), Santiago Fonacier (Ilocano), Casimiro Perfecto (Bicol), Felix Salas Rodriguez (Samarnon), Felimon Sotto (Cebuano), Cecilio Lopez (Tagalog), and Hadji Butu (Maranao-Maguindanao). Si Jaime de Veyra ang naging tagapangulo ng komite. Nang sumunod na taon, naging kasapi rin sina Isidro Abad (Cebuano), Zoilo Hilario (Pampango), Jose Zulueta (Pangasinan) and Lope K. Santos (Tagalog). Matapos ang mahabang panahon ng pag aaral, napagkasunduan ng komite na irekomendang gawing Tagalog ang pambansang wika. Opisyal na tatawaging Pilipino ang wikang ito noong 1957 upang maihiwalay ito sa pangingibabaw ng wikang Tagalog, isang bagay na nagpaligalig sa ibang mga grupong etnolinggwistika sa Pilipinas.
Ang mga sumunod na debateng konstitusyonal ang nagpalit sa wikang pambansa mula sa Pilipino na nakabatay sa Tagalog, tungo sa Filipino na pambansang wikang batay sa lahat ng umiiral na wika sa Pilipinas. Batay sa Konstitusyon ng 1973, isinakatuparang Filipino ang pauunlaring wika ng Pilipinas, batay sa umiiral na mga wika sa kapuluan. Ayon naman sa 1987, idineklara na ang wikang pambansa ay Filipino. Deklarasyon na ito ng pag-iral at hindi na nakakawing pa sa probisyon kung paano ito pauunlarin. Nilinaw din na ang opisyal na wika sa Pilipinas sa komunikasyon at edukasyon ay Filipino, kasama ang Ingles maliban na lang kung isasabatas na hindi na kasama ang huli bilang opisyal na wika.
Sa kasalukuyan, malaking usap-usapan na naman ang pagwawalang-bahala sa wikang Filipino bilang wikang panturo sa paaralan. Ayon sa Tanggol Wika, isang grupo ng mga akademikong nagtatanggol at nagsusulong sa paggamit ng wikang Filipino, ang kasalukuyang CHED Memo 20 series of 2013 na nagbibigay-daan sa pagbabago sa curriculum panglahatan sa kolehiyo, sanhi ng pagbabago sa batayang edukasyon sa programang K-12. Tinutulan ng grupo ang pagkawala ng wikang Filipino bilang isa sa kinakailangang asignatura sa kolehiyo at pamantasan. Isinusulong din ng grupo ang paggamit ng Filipino bilang wikang panturo sa iba pang mga asignatura sa paaralan. Sa pananaw ng ilan, ang kagalingan sa Ingles ang daan upang makaagapay ang mga Pilipino sa mga hamon ng globalisasyon. Ito raw ang comparative advantage ng mga Pilipino kung ihahambing sa ibang bayan.
Argumento naman ng ilan na hindi nakaayon sa paggamit ng Ingles ang kaunlaran ng bansa kundi sa kakanyahan nitong isulong ang isang pambansang industriyalisasyon na nakabatay sa pagmamahal sa bayan at nagsusulong ng pagkakapantay ng lipunan. Ang mga bayang Hapon, Korea, Olandya, Pransya, Alemanya ang ilan sa mga halimbawa ng mga bansang umunlad nang hindi umasa sa Ingles bilang daan sa kaunlaran.
Maraming debate sa wika ang kinakaharap ng bayan hanggang sa kasalukuyan. Hanggang sa kasalukuyan, umaalingawngaw pa rin ang sinasabi ni Jose Rizal, sa pamamagitan ni Simoun, nang pagsabihan niya si Basilio sa nobelang El Filibusterismo (salin ni Virgilio Almario) :
Kayo pa ang masigasig na mawalan kayo ng pagkabansa! Nalilimot ng bawat isa sa inyo na habang napag-iingatan ng isang bayan ang kanyang wika, napag-iingatan din nito ang katibayan ng kanyang paglaya, katulad ng pagpapanatili ng isang tao sa kanyang kasarinlan upang mapanatili niya ang kanyang sariling paraan ng pag iisip. Ang wika ang pag-iisip ng bayan. Ikagalak ninyong may katiyakan ang iyong kasarinlan: ipagsanggalang ito ng masiklabong damdamin ng tao!
Mahabang panahon nang tinuran ni Simoun ang ganitong pagsusuri. Hanggang sa kasalukuyan, mahaba pa rin ang lalakbayin upang higit na ibayong maipagtanggol ang wikang sarili sa sariling bayan.