Bulatlat
Secondary Menu
  • LATEST STORIES
    • Top Stories
    • Breaking News
    • News Analysis
    • Other Stories
  • Commentary
    1. Bulatlat Perspective
    2. Opinion
    3. Streetwise
    4. Gunita ng Salita
    5. Salungguhit
    At Ground Level | US military bases are back, via EDCA

    At Ground Level | US military bases are back, via EDCA

    March 25, 2023

    Buryong

    March 22, 2023
    At Ground Level | US-Phl troops prepare for possible war with China

    At Ground Level | US-Phl troops prepare for possible war with China

    March 18, 2023
  • Special Reports
    1. In-Depth Stories
    Double standards in the Philippine’s justice system

    Double standards in the Philippine’s justice system

    January 27, 2023
    Travels and travails of women migrant workers

    Travels and travails of women migrant workers

    January 23, 2023
    #NoGoldenEra | In 2023, public health still not a priority

    #NoGoldenEra | In 2023, public health still not a priority

    January 5, 2023
  • Multimedia
    • Video
    • Slideshow
    • Audio / Podcasts
    • News in Pictures
    • Photo of the Week
    • Street Shooter
    • Live Coverage
    • Webcast
    • Downloads
  • Special Sections
    • On the Fringes
    • Regions
    • International
    • Archived Stories
    • State of the Nation Address
    • Alternative Reader
    • Democratic Space
    • Poetry
    • Must-Reads
    • Back Story
    • Press Releases and Statements
  • About Bulatlat
    • A Product of Its Time
    • Masthead
    • Citations
    • In the News
    • Support Alternative Journalism
    • Contact Us
    • Get Updates
    • Get Bulatlat’s latest news and updates via email
    • Syndication Policy
You Are Here: Home → 2020 → September → 8 → Si Gregorio Aglipay, at ang pagtutol sa base militar ng Amerika sa Pilipinas

Si Gregorio Aglipay, at ang pagtutol sa base militar ng Amerika sa Pilipinas

Francis Gealogo September 8, 2020 Gregorio Aglipay, Hare Hawes Cutting Act, philippine-american war, US military bases in the Philippines

francis gealogo iconIpinanganak mula sa pamilya ng magsasaka ng tabakuhan sa Batac, Ilocos Norte si Gregorio Aglipay noong 5 Mayo 1860. Maaga siyang naulila sa mga magulang at agad na nalantad sa mapang-abusong sistemang agraryo sa ilalim ng kolonyalismong Espanyol. Sa panahong nasa rurok ng pagsasakatuparan ng halos isang dantaong Monopolyo ng Tabako, nahayag si Aglipay sa kalakaran ng sistemang hacienda ng pyudal na pamamahala ng kolonyalismong Espanyol, na siyang nagmulat sa kanyang murang isipan sa kalagayan ng mga manggagawang bukid at mga magsasaka. Una siyang nakulong sa edad na 14 dahil hindi niya naaabot ang inatas na quota ng tabako na kailangang matamo bilang manggagawang bukid.

Mahalaga ang uring pinagmulan ng Obispo sa magaganap na pagkakasangkot pangrelihiyon, pang-masonerya at panlipunan sa mga susunod na yugto ng kanyang buhay. Ito ang magtatakda ng mga pipiliing landasin hindi lamang sa pagpapatuloy ng kanilang bokasyon bilang pari, kundi pati na rin sa pagkilala na kailangang palawakin ang kanyang pagkakasangkot sa higit na malawak na lipunan upang maging ganap ang kanilang paglilingkod sa Diyos at Bayan.

Naging mason si Aglipay sa pamamagitan ng mga lohiya sa Cavite. Nakakita ng liwanag ng masonerya si Aglipay nang maging kasapi siya sa Logia Magdalo (ngayon ay pawang sinasabing pinagmulan ng Logia Magdalo ng Gran Logia Nacional de Filipinas; Emilio Aguinaldo Lodge # 31 ng Grand Lodge of the Philippines, at President Emilio Aguinaldo Memorial Lodge #5, Independent Grand Lodge of the Philippine Islands) Grado 32 noong 2 Mayo 1918. Naging malapit na kaibigan niya si GranMaestro Miguel Morayta, ang GranMaestro ng Gran Oriente Espanol na siyang nagbigay ng unang suporta sa pagtatatag ng hurisdiksyong mason dito sa Pilipinas. Bukod dito, ang mga kakilalang mason na kapwa mga beterano ng rebolusyon sa Pilipinas at sa ibang bayan na naging kabahagi niya sa kilusang masonerya – gaya nina Emilio Aguinaldo ng Logia Pilar (at bandang huli, ng Logia Magdalo,) ni Ladislao Diwa, ng Logia Bagong Buhay; at ni Sun Yat sen, ang pinuno ng Rebolusyong Tsina – pawang mga Grado 32 sa tradisyong Oriental ng masonerya.

Bilang pari, isasakatuparan niya noong 1890 ang unang misa matapos ang kanyang ordinasyon noong 1889. Naging coadjutor sa Indang, Cavite; San Antonio, Nueva Ecija; Bocaue, Bulacan; San Pablo, Laguna; Victoria, Tarlac. Sa mga pagkakataong ito nahayag si Aglipay ng pagiging ikalawang puno lamang ng simbahan sa ilalim ng mga peninsular na pari – isang bagay na malawakang binibigyang kritisismo noong pang panahon ng naunang kilusang Pilipinisasyon ng mga parokya sa pamumuno nina Padre Pedro Pelaez, hanggang kina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora.

Bilang mga pari, magiging makabuluhan ang pakikisangkot ng Obispo Maximo sa pakikibaka ng batayang masa sa pagtatamo ng panlipunang katarungan at kalayaan ng bayan. Naging natatanging paring delegado sa Kongreso sa Malolos si Aglipay at maaatasang military vicar general ng rebolusyonaryong pamahalaan ni Aguinaldo. Ang palitan ng liham nila ni Apolinario Mabini ang magtatakda sa pagpupulong ng mga paring Pilipino sa Paniqui, Tarlac, ang isa sa mga unang organisasyonal na asembleya ng mga paring Pilipino para magtatag ng isang simbahang malaya. Noong Oktubre 23, 1899, nagpatawag ng kumperensya ng mga paring Pilipino si Aglipay upang himukin ang Vaticano na payagang mamuno sa mga parokya ang mga paring Pilipino. Sa dalawang araw na pulong, nakapagbuo sila ng dokumentong tinawag nilang Constituciones Provisiones de la Iglesia Filipina na pinirmahan ng 26 na pari mula sa Maynila, Hilaga at Gitnang Luzaon para itatag ang mga ordinansa at canon na magtatatag ng gawaing pansimbahan sa gitna ng himagsikan hanggang sa panahon ng Kalayaan.

Sa pagdating ng mga bagong mananakop na Amerikano, hindi mag-aalinlangan si Aglipay na sumama sa kilusang armado at magiging kasangkot siya sa maraming armadong tunggalian sa rehiyon ng Ilocos. Itatanghal siyang Tinyente Heneral ng Sandatahang Rebolusyonaryo na kumikilos sa hilagang Luzon. Dahil dito, babansagan siyang ‘guerrilla padre’ ng mga kaaway na Amerikano, at magiging isa sa pangunahing target ng mga pananambang at pagsalakay ng mga hukbong Amerikano sa rehiyon.

Mahalagang banggitin ang malapit na ugnayan nina Aglipay at ng kapwa Ilocano na si Isabelo de los Reyes pagbalik ng huli sa Pilipinas matapos mapalaya mula sa pagkakakulong sa preso ng Montjuic sa Barcelona, España. Sa pamamagitan ng organisasyon ng Union Obrera Democratica na itinatag ni de los Reyes bilang unang pederasyon ng mga unyon sa Pilipinas, naisakatuparan ang pagkakatatag ng Iglesia Filipina Independiente noong 3 Agosto 1902. Sa harap ng madla, inihain ni de los Reyes ang nominasyon ni Aglipay bilang unang Obispo Maximo ng bagong tatag na simbahan. Sa mahabang panahon, ang mga teolohikal, ispiritwal, at pangsimbahang usapin ng bagong tatag na simbahan ang magiging batayan ng malapit na ugnayan ng obispo sa paggabay sa bagong tatag na simbahan. Magiging kabahagi siya sa kilusang Republikano na magsusulong ng kalayaan ng Pilipinas sa ilalim ng Amerika, at kikilala sa batayang kakanyahan ng mga magsasaka at manggagawa sa panlipunang pagbabago. Sa unang pagkakataon, magiging kasama si Aglipay sa pagtatatag ng Partido Republikano na magsusulong ng kagyat at agarang kalayaan mula sa Amerika. Subalit dahil sa paghihigpit ng Batas Sedisyon sa mga organisasyon at indibidwal na nagsusulong ng kagyat na kalayaan, hindi magtatagal ang nabanggit na Partido matapos hindi magtagumpay sa kampanyang panghalalan sa Pambansang Asembleya ng 1907.

Muling bubuhayin ni Aglipay ang Partido Republikano nang magiging kandidato siya sa pagkapangulo ng Pamahalaang Commonwealth, suportado ng mga unyon ng magsasaka at manggagawa at ng mga sosyalista at komunista; kalaban sina Manuel Quezon at Emilio Aguinaldo sa halalan ng 1935. Si Norberto Nabong ang kanyang katuwang bilang kandidatong Bise Presidente, na kilalang lider komunista at isa sa mga kinikilalang pinuno ng Partido Komunista ng Pilipinas. Magiging prominenteng tagasuporta din si Aglipay sa mga welga ng mga manggagawa sa Kamaynilaan at sa mga pag-aaklas ng mga magsasaka sa kanayunan noong panahon ng Commonwealth.

Hindi maikakaila na ang mga prinsipyong mason na isusulong nina Aglipay ang gagabay sa kanilang mga prinsipyo hindi lamang sa kapatiran at sa kaparian. Ginabayan si Aglipay ng mga prinsipyo ng equalidad, libertad, fraternidad – mga panawagan ng kilusang masonerya sa kontinental na tradisyon. Ito ang gumabay sa kinasangkutan ni Aglipay na himagsikang Pilipino laban sa mga Espanyol . Ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao, ang kalayaan ng mga bayan at pamayan at kapatiran ng sangkatauhan ang mga batayang prinsipyong gumabay kay Aglipay hindi lamang sa kanyang pagiging mason, kundi pati na rin sa pagkakasangkot niya sa iba’t ibang larangan sa lipunan, sa loob at labas ng simbahan.

Kung susuriin, naging maliit kapwa ang kapatirang masonerya pati na ang simbahang Aglipayano sa malaking ambag ng Obispo sa pagtatamo ng kalayaan at katarungang panlipunan. Ang kanilang diwa ang nagtakda sa kanilang maglaan ng lakas, panahon at buhay para sa kagalingan ng iba at hindi para sa sarili.

Ang isa pang mahalagang banggitin ay ang pagkakasangkot ni Aglipay sa iba ibang pampulitikal na usapin, lalo na sa pangangampanya para sa pagtatamo ng ganap na kalayaan para sa Pilipinas. Hindi batid ng nakararami na aktibo siyang tumutol sa pagpasa ng Batas Hare Hawes Cutting, na sa tingin niya ay hindi sapat na batas na magtitiyak ng kalayaan para sa bayan. Sa isa sa pinakatuwirang pampolitikal na pahayag na kanyang binanggit na nalathala sa Mabuhay noong 4 Hulyo 1933, sinabi niya ang pagtutol sa naturang batas:

“Tunay, mahal na kapatid, tunay na ito’y hindi panahon ng pagbabalatkayo at ng karuwagan. Ang katapatan ay nakapagpapasigla at nakapagpaparangal, samantalang ang pangamba ay nakasisirang puri, hindi lamang sa mga tao kundi sa mga lahi man naman. Kaming sumusunod sa simulain ng katapatan ng mga Amerikano ay naniniwalang kapag hindi tayo nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin ang ating dinaramdam, tayong mga Pilipino ay hindi lalaya kailanman. Ang Amerika ay hindi sana lalaya sa imperyalismong Ingles at ang Espanya’y hindi sana makaliligtas sa kalupitan ni Napoleon kung tinalikdan nila ang kanilang karapatan at nakipagkasundo sila sa mga makapangyarihan. Hindi ko hangad na ibilang ang aking sarili sa mga baya bayanihang nangangaral na windangin ang ating bayan dahil lamang sa ilang maliliit na kaluwagan. Ang batas HHC ay dapat tanggihan sa madaling panahon.

Hindi natin kailangan ang anumang base nabal upang magtanod sa atin. Dapat nating tutulan ang batas … sapagkat ito’y nalalabas sa ating mithiin sa pagkakaroon ng ganap na kasarinlang hinanap natin sa panahon ng pakikidigma at pinagsikapang matamo sa panahon ng kapayapaan sa loob ng tatlumpung taong lumipas.

Ako’y nakibaka sa kapakanan ng pagsasarili ng bayan at natatalos ko kung ano ang Kalayaan. Laban ako sa Batas Hare Hawes Cutting sapagkat hindi ipinagkakaloob nito ang kalayang hinahangad natin at naging sanhi ng ating pakikibaka.

Paano ba bibigyang pakahulugan ang ganap na kalayaan? Malinaw sa nabanggit na pahayag ni Aglipay ang pagtutol niya sa pagkakaroon ng dayuhang base nabal at tropang militar sa bansa kung ituturing itong tunay na malaya. Para sa kanya, ang mga pumapayag ay yaong mga nasa panahon ng ‘ pagbabalaktayo at karuwagan, nagdadala ng pangamba, at nakasisirang puri sa buong lahi. Kapalit ng sinasabi niyang ‘maliit na kaluwagan’, pumapayag ang ilang mga pinuno sa mga ganitong batas na magtatali sa bayan at nalalabas sa mithiin ng ganap na kasarinlan mula pa panahon ng himagsikan.

Sa panahong nasa ilalim pa rin ang bayan sa mga di pantay na kasunduan gaya ng Visiting Forces Agreement, ng Mutual Defense Treaty, at iba pang di pantay na tratado; sa panahong pinalalaya pa rin ang mga Amerikanong militar gaya ni Pemberto na pumatay sa kababayang gaya ni Jennifer Laude, makabuluhan pa ring balikan ang mga tinuran ng mga gaya ni Gregorio Aglipay sa pagpapakahulugan sa tunay na kasarinlan. Hindi dapat mabulag sa tinatawag niyang maliit na kaluwagan na isinusulong ng mga pinunong “nangangaral windangin ang bayan” subalit hindi naman tunay na nagsusulong ng kasarinlan at kagalingan nakararami. Sa panahon ngayon, marami pang mga tinuran ng mga gaya ni Aglipay ang kailangang balikan para matanto ang tunay na kahulugan ng kalayaan. (https://www.bulatlat.com)

Ref:
https://aglipayan.wordpress.com/tag/paniqui-assembly/

Gregorio Aglipay and the Aglipayan Church

Mabuhay 4 July 1933.

Navarro, Salanga, Alfredo. (1982). The Aglipay Question. Quezon City: CRISIS.

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

Share This Post

You might also like:

  • At Ground Level | US military bases are back, via EDCA

    At Ground Level | US military bases are back, via EDCA

  • US lawmaker reintroduces bill seeking to tie US gov’t aid to PH human rights reforms

    US lawmaker reintroduces bill seeking to tie US gov’t aid to PH human rights reforms

  • Press Release |  NTC’s motion for inhibition of judge in website blocking case neither just nor valid

    Press Release | NTC’s motion for inhibition of judge in website blocking case neither just nor valid

  • Rights violations continue under Marcos Jr.

    Rights violations continue under Marcos Jr.

  • 14200Followers
  • 28000Fans

Martin's PurrspectiveMore

  • Payapang pampang

    Payapang pampang

    March 10, 2023 0 Comment
    By DEE AYROSO
    Read the rest of this entry

Photo of the WeekMore

  • Mother and child

    Mother and child

    February 25, 2023
    Woman and child of the Lao Lhum tribe of Luang Prabang province, Lao People's Democratic…
    Read the rest of this entry

SUBSCRIBE

Bulatlat tweets

My Tweets
Follow @bulatlat
© 2016 Bulatlat.com ·