Ni FRANCIS A. GEALOGO
Baliksaysay
Hindi matatawaran ang kontribusyon ng Bulatlat sa paglaban sa rebisyunismong historikal. Sa loob ng nakaraang dalawampung taon, naging malinaw ang paninindigan ng Bulatlat sa paglalathala ng mga artikulo, pananaliksik at lathalain na nagpapalalim at nagpapalawak ng mga pag-unawa sa naganap sa nakaraan.
Iba iba ang porma, hugis at hubog ng rebisyunismong historikal. Kasama dito ang pagkakalat ng maling datos na taliwas sa pangyayari sa nakaraan. Bahagi din dito ang pagdidiin sa maling interpretasyon ng mga pangyayari sa nakaraan. Itinuturing din na rebisyunismong historikal ang pagbabaon sa limot sa mga tunay na nakapag-ambag sa kasaysayan. Higit sa lahat, kasama sa rebisyunismong historikal ang paggamit sa kasaysayan upang maisulong ang tiwali at makasariling agendang politikal ng mga kasalukuyang naghahari-harian.
Ilan sa mga usapin dito ang paghahayag ng mga datos ukol sa panunungkulan ng mga Marcos at ang kasaysayan ng batas militar sa Pilipinas; ang isyu ng pagkilala sa pambibiktima at karahasang sekswal pangmilitar ng mga sundalo ng Imperyong Hapones noong ikalawang digmaang pandaigdig, na higit na kilala bilang ‘comfort women’; ang kahalagahan ng pagkilala sa mga bayaning nag-alay ng buhay para sa bayan, mula kina Macario Sakay, Salud Algabre, Crisanto Evangelista, Gregorio Aglipay, Amado Hernandez, Edgar Jopson, Liliosa Hilao, Lorena Barros, Lean Alejandro, at marami pang iba; ang kampanya sa pagpapanumbalik ng pagtuturo ng Kasaysayan ng Pilipinas sa batayang edukasyon; ang paglilinaw sa pandaigdigang kasaysayan ng mga kilusang masa, at kasaysayan ng mga himagsikan sa ibang bansa; ang ligalig na idinulot ng McCarthyism sa iba’t ibang panig ng daigdig sa iba’t ibang panahon, at marami pang iba.
Read our stories about Marcos dictatorship here
Our stories about Filipino comfort women are here
Naging bahagi ang Bulatlat sa pagpapalaganap ng katotohanan sa kasaysayan dahil kasama ang kasaysayan sa mga nagiging target ng maling impormasyon at pekeng datos na nakasisira sa mapagpalayang pamamahayag. Sa paglilinaw ng maraming usaping pangkasaysayan, ipinakita ng Bulatlat na hindi lamang usapin sa kasalukuyan ang paggigiit sa katotohanan. Sa pakikipaglaban sa rebisyunismong historikal, ipinakita ng Bulatlat ang malinaw na tindig, pananaw at pamamaraan ng mapagpalayang pamamahayag na nakasandig sa katotohanan.
Sa pamamagitan ng mga lathalain ng Bulatlat, nakarating sa kontemporaryong henerasyong uhaw sa katotonanan ang pagpapalaganap ng katotohanan bilang bahagi ng pagbaka sa rebisyunismong historikal. Sa pamamagitan ng Bulatlat, naitatala ang mga ulat ng kasalukuyan na magsisilbing tala ng kasaysayan sa hinaharap.