Isa sa mahalagang pinagkaabalahan ni Jose Rizal nang mapatapon siya sa Mindanao noong 1892 ang pagtuturo ng mga kabataang hindi nabigyan ng pagkakataong makapag-aral. Malayo ang Dapitan, walang paaralang magbibigay ng edukasyon sa mga kabataan. Ang natatanging institusyong kolonyal ng pamahalaang naroon ay ang kwartel ng mga sundalo at ang simbahang itinayo sa plaza ng bayan.
Subalit hindi ito naging hadlang kay Rizal upang hindi mapasangkot sa pagtuturo at pabayaan na lamang ang mga kabataan sa kanilang kawalan ng edukasyon. Simula pa lamang, mataas na ang pagtingin ni Rizal sa kakanyahan ng mga kabataan ng pamayanan na maging produktibo sa lipunan. Sa ilang pakikipagsulatan niya kay Ferdinand Blumentritt, sinabi niyang bagaman itinapon siya sa isang malayong lugar sa Mindanao, payapa, tahimik at makabuluhan ang kanyang ginagawa. Nag-aral siya ng medisina subalit panglahatan at pangkabuuan ang itinuturo niya sa mga bata.
Sa Talisay, isang malayong sitio sa Dapitan, nagpaunlad ng pamayanan si Rizal na naging tirahan din ng mga kabataan. Tinuturuan niya ang ilang kabataan sa pagbabasa ng Espanyol at Ingles, matematika, at geometry. Bukod doon, binigyan niya ng pansin ang paghuhubog sa kabataan upang kumilos sila at maging mabuting tao bilang paghahanda sa kanilang kinabukasan. Tinuruan niyang maging produktibo ang mga kabataan at magkaroon ng sariling kabuhayan, para makatindig sa kanilang sariling paa sa hinaharap.
Hindi lamang akademikong pag-aaral ang itinuro ni Rizal sa mga kabataan. May praktikal na paglalapat ang kanilang mga aralin. Ang matematika, geometry, hydrology, botany at iba pang aralan ang nilapatan ng ilang gawaing praktikal. Katuwang ni Rizal ang mga mag-aaral sa pagtatayo ng bahay octagonal na siyang naging tirahan ng mga bata sa pamayanan sa Talisay. Sinanay din niya ang mga kabataan sa paggalang sa kalikasan at pagkilala sa iba’t ibang species ng mga hayop at halaman na sa tingin niya ay hindi pa naitatala ng siyentipikong komunidad. Sa leksyon sa hydrology, kasama ni Rizal ang mga kabataang mag-aaral sa pagtatayo ng dam at dike gawa sa bato at ladrilyo upang magkaroon ng tubig ang kanilang mga tahanan mula sa bukal na nanggagaling sa paanan ng bundok. Sinamahan niya ang pagtuturo ng heyograpiya sa mga bata sa pamamagitan ng paggawa ng relief map ng Mindanao sa plaza ng Dapitan upang makita ng mga nasa pamayanan ang lokasyon ng mga bundok, katubigan, kailogan, at yaman ng kalikasan na mayroon sila.
Kasama ang musika sa kanilang pag-aaral. Mayroong himno ang mga mag-aaral na kanilang inaawit tuwing simula ng mga sesyon ng pag aaral – pagpapatunay sa pangako ng kabataan at ang pag-asa sa isang kinabukasang nasa kanilang kamay ang pagpapanday. Sabi nga ng liriko ng Himno ng Talisay:
Kami ang mga kabataan, kabataang isinilang nang laon
Subalit ang aming diwa ay sariwa at malusog
Mga taong malalakas amin ang kinabukasan
Na magbabantay nang tama sa aming kamag anakanKami ang mga kabataang hindi natatakot
Hindi sa malalaking alon, sa mga unos o sa mga kulog
Handa ang aming bisig, payapa ang batang mukha
Sa anumang larangan alam namin ang pakikihamok
(pagsasalin ay akin- FG)
Ginawang pagkakataon ni Rizal ang paglagi niya sa mga pamayanang Subanon upang makilala nang lubusan ang lipunang katutubo. Binanggit niya kay Blumentritt kung paanong ang kanilang paniniwala sa mga Bailan (babaylan) ang tila nagbibigkis sa kanila sa ibang mga katutubo ng Mindanao. Ang ganitong espirtwalidad ng mga katutubo ang nagbigay daan din para buong galang na tingnan ni Rizal ang kanyang pag-aaral sa kanilang wika at lipunan. Mataas ang tingin niya sa mga katutubo. Ilang ulit niyang sinabi na masisipag, tapat, payapa at hindi nagnanakaw ang mga katutubo. Nalulungkot si Rizal sa kalagayang mahirap at marumi ang kanilang kinalalagyan dahil na rin sa di pantay na turing sa kanila ng ibang lipunan, gayong kagalang galang naman ang kanilang pamamaraan ng pakikitungo sa iba at mayaman ang kanilang kapaligiran.
Ang pagpaslang ng kolonyal na pamahalaan kay Rizal noong 1896, kung gayon, ay hindi lamang pagpapakita ng estado ng kanyang kakayahang manakot sa mga kumakalaban, kundi pagkitil din sa mga posibilidad ng pag-iral nang may pagkilala at paggalang sa mga mag -aaral na makilala ang kanilang kakanyahan bilang marangal na mga tao, at may paggalang sa karapatan ng mga katutubo ng Mindanao upang umiral nang itinatakda ang kanilang sariling kapalaran nang walang pag aaglahi o pangungutya mula sa iba.
Noong Nobyembre 2016, higit isandaan at dalawampung taon matapos maipatapon si Rizal sa Mindanao, nagdesisyon si Chad Booc na siya namang pumunta at maging guro sa mga lumad sa Mindanao. Hindi gaya ni Rizal na ipinatapon sa Dapitan nang hindi niya kagustuhan, sariling desisyon ang pagpili ni Chad na maging guro sa mga kabataang lumad ng Mindanao. Gaya ni Rizal na nagsanay sa agham ng medisina, matapos ang kurso sa Computer Science at palagiang nakikilala sa kanyang katalinuhan mula pa ng pagkabata. Gaya ni Rizal, nakita ni Chad na higit na malawakan ang kaalamang maiaambag sa mga katutubo – pagbasa, pagsulat, pagkilala sa kalikasan, paglalapat ng mga konsepto sa aktwal na produksyong agrikultural at paglinang ng kapaligiran. Gaya ni Rizal, naroon din ang paggalang ni Chad kahit sa abang kalagayan ng mga katutubo at ang pangarap na maging bahagi siya ng gawain upang maiahon ang mga ito sa kinasasadlakang kahirapan.
Dumating si Rizal sa Dapitan noong Hulyo 17, 1892. Noong Hulyo 17, 2021, ipinaskil ni Chad sa kanyang Facebook page ang kanyang pahayag ukol sa desisyong maging guro ng mga lumad:
Sila ang aming gasolina.
Sila ang aming apoy.
Sila ang aming lakas.
Sila ang aming kadasig.
Bilang mga guro, marami kaming mga dinanas na mga pang-aatake: ang walang habas na redtagging, pagkakakulong, mga gawa-gawang kaso, pagbabanta ng mga militar at marami pang iba. Totoong nakakatakot nga naman talaga. Minsan mapapaisip ka rin kung dapat pa bang ipagpatuloy ito.
Pero pag naririnig mo ang danas ng mga kabataang Lumad, malalaman mong katiting lang yung danas naming mga guro sa pang-araw-araw na dinaranas nila sa kamay ng militar mula pa pagkabata. Andyan yung walang tigil nilang pagbabakwit, mga pagmamalupit ng sundalo sa kanilang komunidad, ang diskriminasyon, maging ang pagpaslang sa kanilang mga mahal sa buhay.
Sa murang edad, ganoon na lamang kahirap nang kanilang pinagdadaanan, ganoon na lamang kabigat ng kanilang pinapasan. Pero sumuko ba sila? Hindi. Bumangon sila at patuloy na lumalaban! Kaya bakit kami susuko na kung sila na mas bata, at sila na mas may mahirap na pinagdadaanan ay tumitindig at sumusulong?
Ang tatag nila ang syang nakapagpapatatag sa amin. Ang tapang nila ang syang nakakapagpatapang sa amin.
At kung gaano naman katibay ng kanilang loob, ganoon din kalambot ang puso nila para sa kapwa tao. Sila na yata ang pinaka-mapagmahal na mga taong kilala ko. Marahil, likas ito sa pagiging Lumad nila, ang pagsasaalang-alang lagi sa interes ng lahat.
Ilang buwan pa lang ang nakakaraan, nakulong si Chad kasama ng ilang guro at batang lumad sa isang raid na ginawa sa paaralang lumad na nagbakwit sa Cebu. Subalit noong Pebrero 24, 2022, napatay si Chad at apat pang kasamahan sa Davao de Oro, sa isang kalagayang itinuturing ng mga forensic experts bilang kaso ng homicide. Pinabubulaanan ng mga ekspertong nag-autopsiya ang pahayag ng ilang elemento ng estado na nagkaroon ng armadong engkwentro sa pagitan ng mga grupo nila. Tila lihim na ikinukubli at patagong pangyayari ang mga sirkumstansya ng pagpaslang kina Chad. Kabaligtaran ito sa isang napakapublikong pamamaraan ng pagpaslang kay Rizal, na siyang itinuturing na isa sa mahalagang mitsa ng pagsiklab ng himagsikang Pilipino.
Mahigit isandaan at dalawampung taon ang nakaraan, ilang mag-aaral ni Rizal sa Dapitan ang kasama nina Josephine Bracken at mga kaanak ni Rizal upang makasaksi sa pampublikong pagpaslang sa kanilang guro. Binanggit ni Jose Aseniero sa kanyang tala kung paanong malagim na nakita niya ang pagpaslang kay Rizal. Titimo sa kamamalay ni Aseniero ang kanyang karanasan bilang mag-aaral ni Rizal, at kung paanong magiging gabay ang kanyang natutunan sa Dapitan sa mga susunod na panahon.
Noong nakaraang taon, nagkaroon ng pagtatapos ang bakwit school sa Diliman kung kailan nagtapos ng kanilang pag-aaral ang mga batang lumad, kahit sa panahong ginigipit ang kanilang pag-aaral, minamasaker ang kanilang mga guro at pinunong bayan, at sinusupil ang karapatan nilang mag-aral. Gaya ni Aseniero habang inaalala niya ang karanasan ng pag aaral sa Dapitan, puno ng pag asa kahit nag aalala ang mga mag aaral sa kanilang pagtatapos sa paaralang lumad. Sinabi ni Chricelyn Ompong, isang batang lumad,
Andami po naming natutunan at naranasan sa loob ng limang taon. Maraming mga masasayang karanasan, maraming mga nakakalungkot, nakakagalit na pinagdaanan, mga pagkabagot, mga kontradiksyon. Pero ang madadala namin sa aming susunod na paglalakbay ay ang aming mga karanasan at mga natutunan dito sa Bakwit school…Dahil po dito lumawak po ang aking kaalaman at pagtingin sa mundo. Hindi lang pala kami ang pinagsasamantalahan. Hindi lang pala kami ang pinagkaitan ng mga karapatan. Marami pala. Mga magsasaka, mga manggagawa, mga bata sa lungsod at iba pang katutubo sa aking mahal na bayan…Natatakot nga kami dahil nakakatanggap po kami ng mensahe sa mga kasamahang mga bata doon na pinupuntahan sila ng mga militar at ini-interrogate. Ang iba ay pinapatawag daw ng mga militar sa kampo at hanggang ngayon hindi pa namin makontak. Ang mga magulang din namin ay pinipilit ng mga sundalo na kunin kami dito gaya ng ginawa nila sa Cebu…Uuwi na po kami pagkatapos nito pero malamang ang karamihan sa amin ay di na makakapagpatuloy sa pag-aaral. Sa totoo lang ayaw ko pa sanang umuwi dahil hindi kami naririnig doon. Gusto ko maging boses ng mga lumad dahil patuloy pa rin ang pagpapatahimik sa amin…
Mabigat sa kalooban ang mapag-alamang may mga gurong pinapaslang dahil sa kanilang ginawang pagtuturo upang mabigyan ng kaalaman ang mga nasa gilid ng lipunan. Subalit gaya ng pagpaslang kay Rizal, ang pagpaslang kay Chad at ilan pang mga gurong nauna sa kanya na naglilingkod para sa kapakanan ng mga katutubo, ang nagbibigay ng pagkakataon upang magbigay pugay sa mga bayaning nag alay ng buhay, talino at kahusayan sa paglilingkod sa bayan.
References:
https://www.facebook.com/chadbooc
https://www.joserizal.com/hymn-to-talisay/
https://www.univie.ac.at/ksa/apsis/aufi/rizal/rbcor193.htm 193. Rizal, Dapitan, 19 December 1898
https://www.univie.ac.at/ksa/apsis/aufi/rizal/rbcor199.htm 199. Rizal, Dapitan, 15 January 1895
https://www.univie.ac.at/ksa/apsis/aufi/rizal/rbcor204.htm 204. Rizal, Dapitan, 20 November 1895
Rizal’s student in Dapitan recalls service, duty, sense of dedication
Chricelyn Empong. Hamon At Mensahe Ng Mga Batang Lumad. Graduation speech.