Nakakailang palit ka ba ng damit mula umaga hanggang hapon? Hindi lang ba isa kundi tatlong bentilador ang ginagamit para hindi masyadong pawisan? Pagkatapos mag-almusal o mananghalian, kinukuha na ba ang tuwalya bago pumunta sa banyo? Pangalawa o pangatlong beses mo na bang maligo sa araw na ito?
Sadyang ginagawa ang lahat para medyo lumamig ang katawan at mabawasan ang kakaibang nararamdaman. Nakakabahala ang sobrang maalinsangang panahon, lalo na ang init na nanunuot sa balat. Iba talaga ang pakiramdam kapag naaarawan ngayon. Para kang tinutusok ng mainit na karayom habang naglalakad, at minsa’y may kasama pang matinding pagkahilo o mabilis na pagtibok ng puso. Saan ka nakakita ng agad-agad na pawis sa ilang segundong pagkabilad lang? Kailangan pa bang mag-eksperimento kung kayang makapagprito ng itlog nang nakabilad lang sa araw ang kawali?
Delikado nang lumabas sa bahay lalo na tuwing tanghaling tapat at hapon. Pinayuhan na rin ng gobyerno ang publiko na uminom ng tubig nang mas madalas at huwag magbibilad sa araw. Kung kakayaning hindi muna lumabas, mas mainam na manatili na lang sa bahay.
Maraming lokal na gobyerno ang nagdesisyong ilipat sa “remote learning” ang pag-aaral ng mga estudyante. Ibig sabihin, pinalitan ng “virtual classroom” ang pisikal na silid-aralan. Posible na rin ang pag-aaral nang batay lang sa modyul at magsusumite na lang ng asignatura sa itinakdang araw.
Bagama’t inaasahan ang mga ganitong abiso’t desisyon ng pambansa’t lokal na gobyerno, kailangan ding suriin ang kahandaan ng mga opisyal, lalo na sa mga kagawaran ng kalusugan, edukasyon, transportasyon at agrikultura. Hindi ba’t kailangang may programa ang Malakanyang sa panahon ng tag-init tuwing Abril at Mayo? Nasorpresa ba ang gobyerno sa sobrang init na dulot ng mahigit 40 degrees Celsius na heat index sa mga nagdaang araw?
Aba, nabanggit na ng mga eksperto na ang 2023 ay ang pinakamainit na taon sa kasaysayan ng mundo, ayon sa National Oceanic and Atmospheric Administration ng United States Department of Commerce. Ginamit ang mga terminong “extraordinary,” “terrifying” at “uncharted territory” para ilarawan ang sobrang pag-init ng planeta.
Inaasahan ang lalo pang pag-init sa malapit na hinaharap dahil na rin sa epekto ng kapabayaan sa kapaligiran. Pagmimina’t pagpuputol ng puno sa kagubatan para sa dayuhang mamumuhunan; pagpapalayas sa mga magsasaka’t katutubo para sa lalo pang ikayayaman ng mga makapangyarihan; matinding polusyon sa lupa, dagat at hangin dahil sa naglalakihang gusali’t mall—mahaba ang listahan ng kasalanan ng mga sumasamba sa altar ng higanteng tubo.
Totoo namang kailangang magtulungan ang lahat—mayaman o mahirap man—para iligtas ang planeta. Pero hindi hamak na may mas malaking responsibilidad ang mga mayaman at makapangyarihan lalo na kung susuriin ang pinsalang idinulot sa kalikasan.
May kasalanan man ang isang mahirap na magsasakang napipilitang magkaingin sa kabundukan, mas malawakang pagpuputol ng puno ang ginagawa ng malalaking korporasyon. Kahit na sabihing may isang maralitang napipilitang magtapon ng basura sa dagat dahil hindi regular na nakokolekta ang basura, mas sistematiko’t malaking bolyum ang itinatapon ng mga mall at pagawaang hindi sumusunod sa alituntunin ng tamang pagtapon, lalo na ng mga tinatawag na toxic waste. Sa puntong ito, mapapaisip ka talaga kung sino ang dapat na tawaging hampaslupa.
Habang tumataas ang temperatura’t heat index, lalong umiinit ang usapan kung anong dapat gawin. Sa isang banda, tama lang ang ibayong pag-iingat sa katawan at kalusugan. Sa sitwasyong may limitadong rekurso, gumamit ng bentilador na nakatapat sa yelo. Kung pinagpalang may aircon sa bahay, gamitin ito kahit sa limitadong oras lang para hindi masyadong tumaas ang singil sa kuryente. Puwede ring maligo nang higit pa sa isang beses kahit na posibleng medyo tumaas ang singil sa tubig. Pinapawisan ka pa rin? Baka pamaypay lang ang katapat niyan, basta’t hindi mangangawit sa bilis ng pulso’t kamay!
Hindi ka pa rin komportable? Panahon nang painitin pang lalo ang usapan. Hindi sapat ang mga simpleng abiso mula sa gobyerno. Kailangang umaksiyon para matugunan ang mga nag-iinit na pangangailangan ng mamamayan. Kahit na mahaba ang listahan ng dapat singilin sa mga nasa kapangyarihan, puwedeng magsimula ito sa pagpapanagot sa malalaking mamumuhunang sumisira sa kalikasan. Para sa ordinaryong mamamayang parating nag-aalala kung may pambayad sa tumataas na singil sa kuryente’t tubig, panahon na ring tugunan ng gobyerno ang panawagan para sa nakabubuhay na sahod, habang ginagawan ng paraang pababain ang presyo ng mga batayang produkto’t serbisyo.
Tunay na mainit ang panahon ngayon. Mas lalo pa itong painitin sa pamamagitan ng makatwirang paniningil.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com