Konteksto | 2009

Simula pa noong 2009, parati nang mabigat ang pakiramdam ko tuwing sasapit ang Nobyembre. Nangyari kasi ang masaker sa Ampatuan, Maguindanao. Limampu’t walong katao ang pinatay, kasama na ang 32 peryodista’t manggagawa sa midya.

Ito na raw ang pinakamalalang trahedya sa kasaysayan ng peryodismo sa buong mundo. Ginamit ng internasyonal na grupong Committee to Protect Journalists (CPJ) ang terminong “single deadliest event” para sa mga peryodista mula nang magsimula itong mangalap ng mga datos sa iba’t ibang bahagi ng mundo noong 1992.

Para sa akin, tila kahapon lang ang 2009. Abala ako noon bilang bisitang propesor (visiting professor) sa Timog Korea. Dahil sa magandang karanasan ng pagtuturo doon, plano ko pa sana noong i-renew ang kontrata ko para manatili pa roon hanggang 2010.

Bakit tatanggihan ang mas mataas na sahod (kumpara sa nakukuha ko sa Pilipinas), mas murang bilihin sa Daejeon (kumpara sa Seoul) at mas maraming naiipon at naipapadala sa asawa? Sino ba ako para tumalikod sa oportunidad na bihirang mangyari sa buhay ng isang guro mula sa Ikatlong Daigdig?

Pero nangyari ang hindi dapat mangyari. Umaga pa lang ng Nobyembre 23, 2009, kumakalat na sa social media ang balita tungkol sa patayan sa isang lugar sa Maguindanao. Paunti-unti ang pagpasok ng mga detalye, pero malinaw na maraming pinatay. At sa sobrang dami ng mga biktima, kinailangan pang gumamit ang mga salarin ng backhoe para ilibing sila kasama ang mga sasakyang lulan sila.

Ang inakala kong election-related violence na away ng dalawang politikal na angkan, may nadamay palang mga peryodista’t manggagawa sa midya. Ang inakala kong posibleng mabilang sa daliri ang mga pinatay na kasama sa trabaho, napakarami pala.

Ayoko nang alalahanin pa ang mga larawang nagpapakita kung ano ang nangyayari kapag binaril nang malapitan ang isang tao. Ayoko nang ulitin pa ang ilang detalye ng mga bangkay na hindi na halos makilala sa sobrang dami ng balang ginamit. Mas lalong hindi na dapat banggitin ang ginawa sa kababaihang pinatay. Tandaan na lang sanang may buntis na kinitil ang mga halang ang kaluluwa (kung mayroon man).

Hindi ito ang unang masaker na nangyari sa Pilipinas pero ibang antas ng pagiging malala’t garapal. Bukod sa maramihang pagpatay, ginawa ito hindi sa gabi kundi sa umaga. Malakas ang loob ng mga salarin. Hindi nila kailangang magtago sa kadiliman dahil bahagi sila ng mga mayaman at makapangyarihan. Alam nilang hindi sila mananagot dahil pera o bala lang ang katapat ng sinumang nagnanais banggain sila.

Mula sa komportableng kinalalagyan sa Timog Korea, aaminin kong napaiyak ako. Nais kong tumulong. Hindi sapat ang pagsusulat dahil kailangan ang iba pang porma ng pag-uungkat at pagmumulat.

Kailangang ipaalam sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang malalim na pagsusuri sa kalagayan ng peryodismo sa bansa, lalo na ang konsepto ng “culture of impunity” na walang direktang salin sa wikang Filipino. Kailangang ipamukha sa mga nasa kapangyarihan na marunong magmartsa sa kalsada ang mga tinaguriang alagad ng midya, pati na ang mga estudyante ng komunikasyon at peryodismo.

Sa ganitong konteksto nagbago ang plano kong mag-renew ng isa pang taon sa Timog Korea kaya agad akong bumalik sa Pilipinas pagkatapos ng kontrata.

Ngayong taon, gugunitain ang ika-15 taon ng masaker. Inaasahan ang kaliwa’t kanang pagkondena sa nangyari at ang paulit-ulit na panawagan para sa hustisya. Siyempre’y nariyan din ang pagtataas ng mga plakard na nakasulat ang “End Impunity!” at “Defend Press Freedom!”

Sa ganito ring pagkakataon nagkakaroon ng ibang kahulugan ang “Never Again!” Madalas itong iniuugnay sa pagkilos laban sa panunumbalik ng Batas Militar. Pero tuwing Nobyembre, tinutukoy naman nito ang kolektibong panawagang huwag na sanang maulit pa ang trahedya noong Nobyembre 23, 2009.

Walang problema sa ganitong klaseng pagbabago dahil hindi naman ito usapin ng pagpapalit ng oryentasyon at disposisyon. Mas repleksiyon ito ng sanlaksang problema sa ating lipunan kaya posibleng ang isang panawagan ay may iba’t iba nang kahulugan.

Opo, dumating na sa puntong hindi na uubra ang mga generic na panawagan tulad ng “Panagutin ang Salarin!” Posible kasing itanong kung sino ang tinutukoy sa sobrang dami ng mga may atraso sa taumbayan. Ito ang dahilan kung bakit pinapangalanan ang mga nakasulat sa mga plakard noon at ngayon—Imelda, Iselda; Duterte, Ikulong; Marcos, Panagutin.

Pero matapos ang mga kilos-protesta, ano na? Para ba itong Buwan ng Wika tuwing Agosto na babalik sa pakikipagtalastasan sa wikang Ingles pagdating ng Setyembre? Kalilimutan na ba ang masaker sa pagpasok ng Disyembre dahil sa ‘di umanong panahon ng kagalakan (season of joy)? Huwag naman sana.

Magpapatuloy ang mabigat na pakiramdam tuwing Nobyembre hangga’t hindi nakakamit ang hustisya para sa mga biktima ng masaker sa Ampatuan, Maguindanao. Huwag na huwag sabihing tapos na ang laban dahil nagdesisyon na ang korte noong 2019. Tandaang halos 200 ang akusado at marami sa kanilang hindi pa nahuhuli’t patuloy pa ring nagtatago. Ang mga nahatulang “guilty” ay wala pang pinal na desisyon ng mataas na husgado.

Mahaba pa ang pakikibaka para sa tunay at ganap na hustisya. Patuloy sanang alalahanin ang 2009.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

Share This Post