Konteksto | Pag-asa

Mainam na paksa ang pag-asa dahil ang mga problema’y sanlaksa. Tumutugma ito sa tawag ng panahon na minsa’y nangangailangan ng hinahon, kahit ngayon lang.

Relax. Congrats. Kahit paano’y nairaos ang 2024. May limitadong kasiyahan sa kabila ng pinagdaraanan. Nakangiti pa rin kahit nagtitimpi. Nakakayang tumawa sa gitna ng problema.

Palibhasa, Disyembre! Iba ang simoy ng hangin sa huling buwan ng taon. Medyo mahabang bakasyon ang mararanasan na naman sa huling dalawang linggo. Iba’t ibang pagtitipon ang pinupuntahan para makipagtawanan at makipagkulitan habang pinagsasaluhan ang anumang nasa mesa, habang pinagpipiyestahan ang mga mahal sa buhay na hindi pumunta. Iyan naman ang “parusa” sa mga lumiban—maging pulutan dahil sa wagas na tsismisan.

Masaya kahit walang pera. Nagsasalo-salo kahit walang mamahaling keso de bola, hamon o lechon. Ganyan naman ang disposisyon ng mga napagkakaitan—walang katapat na presyo ang limitadong kaligayahan at sapat nang magkakasama. Nararamdaman ang seryosong pagmamahalan sa gitna ng mababaw na alaskahan.

Totoong malamig ang simoy ng hangin, gaya ng nabanggit sa isang sikat na kanta. Kailangang magkumot sa gabi para makatulog nang mahimbing. Mainam na uminom ng kape o tsaa para labanan ang mapanghamong umaga. Sadyang may paraan para harapin ang panahon hindi lang dahil sa nagbabagong klima kundi dahil sa mapang-aping sistema.

Tulad noon, malamig pa rin ang pakikitungo ng mayayaman sa mahihirap. Malaki ang agwat ng katayuan sa buhay. Nananatiling pribilehiyo ng iilan ang dapat ay mga batayang serbisyo tulad ng kalusugan at edukasyon. Para sa mga nasa gobyerno, patuloy silang nagpapasasa sa kaban ng bayan. Nakasara ang mga bakod ng Malakanyang para sa mga nakatsinelas dahil binubuksan lang ang mga ito para sa mga nakasuot ng mamahaling sapatos.

Masarap kaya ang ulam ng mga nasa Palasyo? Ano kaya ang pinag-uusapan nila habang umiinom ng mamahaling alak na regalo ng mga korporasyong umagaw sa lupa ng mga katutubo? Paano nila nakakain ang mga prutas at gulay na ninakaw mula sa mga magsasaka? Ano ang lasa ng lamang-dagat na pinaghirapang hulihin ng mga mangingisda? Anong klaseng bundat na tiyan ang nakakayang tunawin ang pagkaing mula sa pawis at dugo ng mga pinagkakaitan?

Kibit-balikat lang siguro ang sagot nila. Sa isang banda, hindi nila tinatangkilik ang mga lokal na produkto dahil imported lang ang kanilang panlasa. Sa ibang bansa nanggaling ang mga alak at pagkaing nasa mesa. Gayundin ang mga alahas at damit nilang milyones ang kabuuang halaga. Ganyan naman talaga ang nakikipagtalastasan sa Ingles habang naaalala lang gumamit ng Filipino kapag pinapagalitan ang drayber at kasambahay.

Pagnilayan kung paano tratuhin ang kawawang drayber: “Bakit ngayon ka lang dumating? Hindi mo ba alam na dalawang minuto na akong naghihintay sa iyo? Hindi ka ba marunong magmaneho para sa VIP na katulad ko?”

Ito naman siguro ang sermon sa kasambahay: “Sabi ko, medium rare! Bakit well done ang ginawa mo? Nakakahiya sa mga amiga ko. Hindi ka ba nakakaintindi ng simpleng utos? Bumalik ka na lang sa probinsiya kung hindi mo kayang mamasukan dito!”

Sa gitna ng piging ng mayayaman, asahan ang tawanan at kulitan sa wikang Ingles. Siyempre’y nariyan din ang tsismisan para sa mga amigo’t amigang lumiban, lalo na ang mga bagong retoke, bagong hiwalay o may bagong kabit. Napupunta rin ang usapan sa katangahan ng mga tauhan nila, lalo na ang mga kawawang drayber at kasambahay na tinitiis ang masasakit na salita para lang kumita. Sino ang mabaho na, tanga pa? Sino ang mukhang kapre o manananggal? Sino ang malapit nang tanggalin sa trabaho?

Tuloy ang alaskahan sa wikang Ingles habang nilalait ang mga nasa laylayan sa lipunan. Wala silang pakialam kung inaantok at nilalamok na ang mga drayber nilang naghihintay sa labas. Hindi nila inaalintana ang katotohanang may pamilya rin ang mga drayber na ito at gusto na rin nilang umuwi.

Sa madaling salita, hindi lang mayayaman ang may karapatang makasama ang mga mahal sa buhay sa panahong ito. Sa mas madali pang salita, hindi lang mayayaman ang may karapatang mabuhay.

Ngayong buwan ng Disyembre, tuloy pa rin ang kolektibong galit kahit na posible naman ang panandaliang hinahon habang may kaunting pahinga. Nariyan pa rin ang problema, pero mainam na gamitin ang medyo mahabang bakasyon para mag-ipon ng lakas. Tulad ng salo-salo kasama ang mga mahal sa buhay, mainam na sama-samang harapin ang mga problema sa mga susunod pang taon.

Walang problema kung nais paniwalaan ang kasabihang “Habang may buhay, may pag-asa” pero mas mainam na isakonteksto ito sa mahigpit na pagkakaisa ng mas malawak na mamamayan. Ang bukal ng pag-asa ay hindi mula sa indibidwal kundi sa kolektibo. Sana’y ang hinahon ngayon ay magbunga ng mas malakas pang pagkilos.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

Share This Post