- Konteksto: Pinatawan ng “permanent ban” ng Bureau of Corrections (BuCor) si Kapatid spokesperson Fides Lim sa mga detention facilities na nasa kustodiya nito. Si Lim ay kilala sa paghahatid ng mga pagkain, gamot, at iba pang pangangailangan sa mga political prisoners at persons deprived of liberty (PDLs).
- Mga karapatang pantao (human rights): Karapatang madalaw ng pamilya at abogado; makatanggap ng tulong mula sa mga medikal, ispiritwal, at humanitarian organization; karapatan sa pagkain, medisina, at batayang serbisyo (political prisoners at PDLs); karapatang sibil at politikal (Lim/Kapatid)
- Epekto sa komunidad: Ang permanent ban ng BuCor kay Lim ay maaaring maging mapanganib na precedent para sa lahat ng kulungan sa buong bansa. Maaari ring gawin ng mga awtoridad sa iba pang kulungan ang pagbabawal na ginawa kay Lim, higit lalo sa mga ordinaryong mamamayan na mayroong lehitimong concern tungkol sa mga polisiya sa bisitasyon.
- Rights-holder (apektadong mamamayan): Political prisoners, persons deprived of liberty, Kapatid, Fides Lim
- Duty-bearer (pamahalaan): Bureau of Corrections, New Bilibid Prison, Department of Interior and Local Government, Marcos Jr. administration
Mayroong karapatan ang mga political prisoners at PDLs: karapatang makaranas ng parehong standard ng healthcare sa kanilang komunidad, madalaw ng kanilang pamilya at kaibigan, at makatanggap ng humanitarian relief sa mga organisasyong tulad ng Kapatid. Ang lahat ng mga kaparatang ito ay kinikilala sa loob at labas ng bansa, lalo na’t ito ay nakasaad sa United Nations Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners.
Ang pagbabawal kay Lim sa mga kulungang pinangangasiwaan ng BuCor, ay maaaring makaapekto sa mga karapatang ito—pagkakait ng batayang serbisyo na dapat tamasain ng PDLs at political prisoners— lalo na’t ang kondisyon ng mga kulungan sa bansa ay kinakailangan pang paunlarin. Ang Pilipinas ay ika-apat sa buong mundo sa Top 5 Overcrowded Places of Deprivation of Liberty.
Ngayong taon, halos 300 percent pa rin ang congestion rate sa bansa, ayon sa BJMP. Binanggit sa isang pag-aaral na ang estado na ito ng mga detention facilities, ay maaaring makaapekto sa health, sanitation, at food condition sa mga PDLs at political prisoners. Higit lalo sa mga kababaihan na may dagdag na pangangailangan para sa kanilang kalusugan (hal: buwanang dalaw, pagbubuntis).
Mismong si Interior and Local Government Undersecretary for public safety Serafin Barreto Jr. ang kumilala na ang overcrowding sa mga kulungan ay isang porma ng torture sa mga PDLs at maaaring makaapekto sa iba pa nilang karapatan sa ilalim ng lokal at internasyunal na pamantayan.
Sa datos ng human rights group na Karapatan, mayroong 745 political prisoners sa bansa. Mayroon namang higit 171,000 na populasyon ng mga PDL sa bansa: higit 53,000 rito ay nasa administrasyon ng BuCor, habang ang halos 172,000 naman ay nasa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ang Kapatid ay isang organisasyon ng mga pamilya at kaibigan ng mga political prisoners sa Pilipinas at aktibong nagkakampanya para sa kanilang paglaya at proteksyon ng karapatan habang nasa detensyon. Sa mahabang panahon, naglulunsad sila ng iba’t ibang inisyatiba para magbigay ng pagkain, gamot, at iba pang pangangailangan sa mga political prisoners at mga kasama nitong PDLs. Si Lim, bilang spokesperson ng kanilang grupo, ang isa sa mga nangunguna sa tuwing sila ay pupunta sa mga detention facilities.
“This ban on me is not about ‘maintaining order’ but a deliberate act of reprisal intended to silence criticism, punish the truth-teller, and deflect attention from institutional abuse, neglect, and starvation behind bars,” ani Lim sa kaniyang pahayag.
Ang batayan ng permanent ban, ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang, ay ang “disregarding security measures, impatience with verification procedures and confrontational behavior toward prison staff and high-ranking officials.”
Basahin: Political prisoners support group decries retaliation after BuCor’s permanent ban
Ngunit binigyang diin ni Lim na prinsipyado at naaayon sa batas ang kaniyang paggigiit sa mga kulungan. Noong Pebrero, pinigilan ng New Bilibid Prison (NBP) ang pagde-deliver ng Kapatid ng 480 lugaw at tatlong sako ng bigas para sa mga political prisoners at PDLs, sa kabila ng “indorsement” mula sa Department of Justice (DOJ).
Ipinagtatanggol din ng Kapatid ang mga pamilya na dumaranas ng di-makataong strip search kapag sila ay bumibisita sa mga kulungan. Noong nakaraang taon, sinamahan nila si Gloria Almonte, 63, asawa ng political prisoner na si Dionisio Almonte, na magsampa ng reklamo sa Commission on Human Rights nang siya ay makaranas ng “degrading and traumatic” strip search sa NBP.
Basahin: ‘Dehumanizing and traumatic’ | Kin of political prisoners assail strip search
Higit na ipinagbabawal ang cruel, inhumane, or degrading treatment sa mga kulungan sa mismong PDLs at political prisoners, at maging sa pamilya. Niratipika ng Pilipinas ang United Nations Convention against Torture and Other Cruel, Inhumane, or Degrading Treatment or Punishment (UNCAT) noong 1986, at ang Optional Protocol to the Convention (OPCAT) noong 2012. Isinabatas naman ang Anti-Torture Act noong 2009.
Ganoon din, ang Pilipinas ay bahagi ng 39 bansa sa Group of Friends of the Nelson Mandela Rules, isang porma ng commitment para kilalanin ang pangangailangan na pagandahin ang kondisyon sa mga detention facilities ng bansa. (RVO)







0 Comments