By Adora Faye De Vera
Araw ni Gat Andres Bonifacio ang Nobyembre 30. Araw ng uring manggagawang Pilipino na nagpasimuno sa Rebolusyong 1896, isang rebolusyong sa mahaba’t maikling pananalita ay hindi natapos. Halos 13 dekada na ngayong 2025, nananatili ang panawagan ng manggagawang Pilipino – demokrasya at kasarinlan.
Pero kung araw ito ng manggagawa, ang papel ng kababaihang manggagawa sa paglikha ng kasaysayan ay hindi nangangailangan ng takdang araw ng pagkilala. Kailangan silang kilalanin anumang araw ng pagdiriwang. Dahil ang kababaihang manggagawa ay hindi lang kumikilos para sa pag-unlad ng mga manggagawa kundi para sa paglaya ng buong lipunan. At lalong kumikilos sila ngayon laban sa korapsyon ng mga burukrata-kapitalista. Kaya lalong malaki ang dahilan bakit gusto kong sumama sa Baha sa Luneta 2.0 sa Nobyembre 30.
Mula pa nang maging aktibista ako noon sa eskwelahan ilang dekada na ang nakaraan, malapit na sa puso ko ang usapin ng kilusang manggagawa at kilusang kababaihan. Syempre, hindi lang dahil ang manggagawa ang bumubuhay sa atin at sila ang may pinakamaunlad na kamulatan sa kasalukuyang lipunan, kundi dahil nang maging aktibista ako, kumilos ako sa hanay ng mga manggagawa sa Marikina. Malakas ang panawagan sa mga estudyante noon na lumabas ng eskwelahan at makisalamuha sa mga manggagawa kaya madalas akong nakikitulog sa mga piketlayn, sa mga pagawaan ng tela noon sa Tañong at Barangka sa Marikina. Doon, ang buong komunidad ay kasama ng mga manggagawa sa piketlayn. Ang mga pamilya sa mga kabahayan sa palibot ang nagluluto ng pagkain ng mga welgista at may mga kulturang pagtatanghal ang mga kabataan doon.Tinitirador ng mga bata ang mga eskirol at ang bala nila ay maliliit na pillbox.
Kaya bago pa man ang Martial Law, masigla na ang paglahok ng kababaihan sa mga pakikibaka. Lalo na noong mag-batas militar, kung saan napakaraming mga nanay, ate, anak, ang nahiwalay sa kanilang mga pamilya para magbuhos ng panahon sa paglaban sa diktadura. At mas maiintindihan natin ang kilos ng kababaihan noong panahon ng martial law kung babaybayin natin ang pagkilos ng kababaihang manggagawa bago pa nito. Mahaba ang tradisyon natin ng pakikibaka.
Noong bandang huling bahagi ng panahon ng Kastila kasi, hanggang maagang bahagi ng panahon ng Amerikano, kababaihan ang mga manggagawa sa mga tabacalera o pagawaan ng tabako at sigarilyo. Mga sigarera ang tawag sa kanila. Gustung-gusto sila ng mga Kastilang kapitalista kasi maliliit ang mga daliri kaya mabilis magbilot at magbalot ng mga sigarilyo. Tatlo sa apat na pinakamalalaking tabacalera sa Maynila noong panahon ng Espanyol ay kumukuha lamang ng kababaihang manggagawa dahil maliliksi silang magtrabaho, tapat, at hindi reklamador. Umabot sa 30,000 ang manggagawang sigarera bago matapos ang 1800s. Nagdurusa sila sa sobrang haba ng oras ng paggawa at paghihigpit sa mga gawain sa loob ng pabrika. Noong 1812, naglunsad sila ng “alburoto”, ang tawag noon sa welga dahil hindi naman sila unyonisado, at dinala ang mga isyu ng mababang sahod at pagmamaltrato. Nagtagumpay ito at may ilang pag-ayos sa kanilang kalagayan.
Ganun din sa mga pabrika ng tela at pananamit, sila ang mga costurera at sinamayera. Sa katunayan, hanggang noong bago sunud-sunod na mawala ang maraming pabrika dito sa Pilipinas dahil sa neoliberal na globalisasyon noong dekada 80, kababaihan ang nagiging manggagawa sa mga pabrika ng sigarilyo, tela, at garments. Ngayon naman ay sa semi-conductors dahil maliliit at maliliksi ang mga kamay, maliban pa sa tumatanggap sila ng mas mababang sahod. Fine muscle coordination, ika nga, pero mura at masunuring lakas-paggawa rin.
Kaya nagsisimula pa lang sumibol ang kilusang manggagawa, nandun na ang kababaihan. Sa katunayan, nang lumaban ang Katipunan sa mga Kastila, may malaking seksyon ang kababaihan doon, hindi lang si Lakambini ni Bonifacio o si Josephine Bracken ni Rizal (oo, naging Katipunera siya nang mamatay ang hubby).
At nang sumulong ang kilusang manggagawa sa pamumuno nina Isabelo delos Reyes noong unang bahagi ng 1900s, kasama ang kababaihan sa mga naorganisa bilang unyon sa mga tabakalera at iba pang pagawaan. Mula’t sapul, iginuhit ng kilusang manggagawa ang linya na ang paglaya ng uring manggagawa ay tungkulin ng mga manggagawa mismo at hindi lalaya ang manggagawa nang hindi pinalalaya ang buong lipunan (o buong mundo pa nga). Kaya nang itayo ang unang pederasyon ng mga manggagawa, ang Union Obrera Democratica (UOD) noong Enero 2, 1902, na sa kalaunan ay napalitan ng Unyon Obrero Democratica de Filipinas (UODF), malinaw na hindi lang ang pang-ekonomyang kagalingan ng mga manggagawa ang kanilang ipinaglalaban kundi ang pagbaka sa imperyalismong US na siya naman talagang pangunahing nagsasamantala sa mga manggagawa. Umabot ito sa 150 myembrong organisasyon. At naglunsad ng anti-imperyalistang demonstrasyon noong 1903 sa harap mismo ng Malacanang. Doon hinuli ang pinuno, si Dominador Gomez, at sinentensyahang gumampan ng hard labor. Tapos, nagtayo na ang US ng dilawang American Federation of Labor (AFL) para hatiin ang kilusang paggawa.
Nang mahalal naman si Crisanto Evangelista bilang pangulo ng Union Impresores de Filipinas (UIF) noong 1918, nagkaroon ng pandaigdigang pakikipag-ugnayan ang kilusang unyon dito sa Pilipinas. Dumalo ang mga lider-manggagawa sa mga pandaigdigang kumperensya ng manggagawa na inisponsor ng pandaigdigang kilusang komunista. Sa mga ito, lalong napatibay nina Evangelista ang paninindigan at pananaw ng isang Marxista. Nagpatuloy ang mga welga kahit sinubukan pa rin ng gubyerno na kontrolin ang mga unyon. Sa kabila ng pagbabawal sa welga at karapatang humingi ng dagdag-sahod, maraming nagwelga sa buong bayan sa panahong 1919-21, kasama ang unyon ng mga mambuburda sa Maynila. Noong 1922 itinayo nina Crisanto Evangelista ang Partido Obrero. Ito ang tagapagpauna ng Partido Komunista. Noong Agosto 26, 1930 itinatag nina Evangelista ang Partido Komunista ng Pilipinas at inihayag ito sa publiko noong Nobyembre 7, 1930.
Kaya dahil sa tagumpay ng mga welga, nakilala ng mga manggagawayung pampulitikang lakas nila pero nakita rin nila ang mga limitasyon, yung hanggang saan lang ang pagbabago na kaya ng welga. Kaya kahit masabi pa natin na unyon ang organisasyon talaga ng mga manggagawa, hindi nito kayang ganap na palayain ang manggagawa mula sa pagsasamantala ng mga kapitalista. Kahit sa buong mundo, makikita natin na ang kilusang manggagawa ay makakapagkamit lamang ng tunay na kalayaan kung isusulong nito ang pambansa at demokratikong paglaban.
Syempre, dahil lumaban sila sa imperyalismong US, pinaghuhuli sila at ikinulong. Pero naganap pa rin ang malakihang welga ng mga manggagawa sa pabrika ng tabako o sigarilyo. Take note, mga sigarera pa rin ang karamihan dito, mga babae. Nagsimula ang welga noong Agosto 1934 sa Alhambra Cigar Factory sa Tondo at kumalat sa apat na malalaking pagawaan. Lumahok ang 11,500 manggagawa at napahinto nila ang produksyon ng sigarilyo sa 29 na empresa sa loob ng anim na linggo. Nagmartsa ang mga manggagawa at nilibot ang iba’t ibang pagawaan para himuking lumahok sa welga ang kapwa-manggagawa. Kahit nanghuhuli sana ang gubyerno, may mga sumusulpot pa ring iba. May mga pulong masa sa mga plasa, ilang buwan yon. May nagbigay ng mga donasyon at nagsalita mula sa mga magsasaka, seamen, estibador at iba pang sektor.
Kaya nagtayo na naman ang gubyerno ng bagong pantapat, ang National Federation of Labor, na may subsidyo mula sa gobyerno at pinamunuan ni Ruperto Cristobal pribadong sekretaryo ng Secretary of Labor ni Quezon. Matagumpay na pinanghawakan nina Evangelista ang prinsipyo ng pagiging malaya ng kilusang paggawa mula sa kontrol ng gobyerno.Tapos, World War 2 na.
Pagkatapos ng World war 2 noong 1945, itinayo ulit ang mga unyon, tulad ng Congress of Labor Organization o CLO sa pangunguna ni Amado V. Hernandez. Hindi nawala ang mga kababaihan bilang mga manggagawa. Sa grabeng hirap ng buhay noon, dahil katatapos pa lang ng gera, sunud-sunod ang naging mga welga. Sa loob ng isang taon, mula Hulyo 1945 hanggang Hunyo 1946, kasama ang kababaihan sa mga piketlayn sa inilunsad ng CLO ng 49 na welga na nilahukan ng 40,000 manggagawa. Marami rito ang nagtagumpay.
Nagtuluy-tuloy na namuno at naglunsad ang CLO ng maraming welga at pakikibakang manggagawa hanggang wasakin ito ng papet na gobyernong Quirino. Paano? Syempre, sa lahat ng klase ng teroristang pang-aabuso sa mga opisyal at miyembro nito – kinasuhan at pinarusahan ng “sedisyon.” Si Amado V. Hernandez, ang pinuno ay ikinulong nang limang taon (1951-1956) bago mapawalang-sala. Tapos, para mabuhusan ng tubig ang pakikibaka ng mga manggagawa, nagbuo ito ng mapanlinlang na Industrial Peace Act sa sulsol ng US, isang batas na kumilala sa karapatang mag-unyon pero nagtakda rin ng napakaraming restriksyon. Sa ilalim ng batas na ito itinayo ang iba’t ibang mga dilawang unyon tulad ng PLC at PMP na sa huli ay nag-anak ng TUCP.
Kaya makikita natin na tuluy-tuloy ang pagkilos ng kababaihang manggagawa hanggang bago ibagsak ang Martial Law. Noong 1971 nga, pinaslang pa sa rali ng Mayo Uno si Liza Balando, isang manggagawang unyonista sa Rossini’s Knitwear.
Nang ibaba ni Marcos Sr ang Martial Law, ibinawal ang welga. Sa totoo lang, ibinawal ang lahat ng pagtitipon at protesta, bawal ang mga organisasyon, bawal ang mga opisina. Bawal nga magsuot ng miniskirt, e. Basta nagtipon-tipon kayo nang sobra sa tatlo at hindi magkakamag-anak, illegal assembly ‘yan. Pag naglabas ka ng anumang pahayag, may Anti-Rumor Mongering Law na pwede kang hulihin. May curfew mula alas 12 ng gabi hanggang alas 4 ng umaga, at pag nahuli ka sa labas ng bahay ay makukulong ka, matotortyur pa. May isa pa ngang kilalang rock singer na nahuli noon sa curfew at isinawsaw siya sa drum ng ice.
Nag-underground ang mga aktibista, nagpatuloy kami ng lihim na pag-oorganisa at mga pag-aaral. Tapos, may mga panaka-nakang lightning rally sa matataong lugar tulad ng palengke o simbahan. Marami kami, miyembro na ako noon ng Makibaka, ang Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan, at doon ako nakakilala ng mga pultaymer na kababaihang nagmula sa mga unyon at nagpatuloy din ng pakikibaka. Ang hirap din, kasi kung malantad ka, nirereyd ang bahay mo, hinuhuli kahit ang mga walang kinalaman. Walang kahit anong warrant, kulong ka hanggang kelan nila gusto, walang mga korte maliban sa military court na madalas ang decision ay death sentence. Marami talaga ang hinuli, inaresto, ikinulong, pinatay, sinalbeyds, dinukot at hindi na muling inilitaw sa hanay ng mga militanteng manggagawa at mga simpatisador nila.
Kaya minsan, hindi na kami umuuwi. Ang byenan kong lalaki, ang bayaw ko, lahat kinulong nung ireyd ang bahay namin. Swerte lang dahil wala kaming mag-asawa doon noon. Kaya ang mga aktibista, mga organizer, palipat-lipat ng tirahan. Nagdadala rin ako ng iba-ibang damit para mabilisang makapagbihis sakaling may nagsa-surveillance sa lakad ko. Marami namang bahay na tumatanggap sa amin kasi kahit malaki ang takot nila, mas malaki pa rin ang galit nila sa martial law.
Noong 1973, isang taon pa lang ang martial law, nag-sitdown strike ang garment workers (na mayorya ay kababaihan) sa Canlubang, Laguna, gayundin sa Gentex, Libis, Quezon City at sa Pampanga Sugar Mills. Nagpiket din ang mga manggagawa ng Lirag Textile Mills sa Malabon, noong 1974, dahil sa mababang sahod, tapos nagmartsa ang mga manggagawa ng Gelmart sa Paranaque.
Pero pinakamatingkad yung welga ng 800 na manggagawa ng La Tondena Distillery sa Velasquez, Tondo, Manila, na karamiha’y kababaihan. Oktubre 24-25, 1975, binitbit sa welga ang isyung mainit noon hanggang ngayon—kontraktwalisasyon, pati ang maternity leave. Inilaban na maging regular ang may 600 kaswal at 500 pang ang turing ay “extra” gayong lampas na sa anim na buwan. Hiningi ring ibalik ang lahat ng kaswal na tinanggal at gawing regular.
Syempre, bumanat ang MetroCom, pinagpapalo ang mga lumalabas na manggagawa. Kahit buntis ay pinagpapalo at pinilit na sinakay sa Metrocom bus papuntang Camp Crame. Kaya lang, bago pa man ang welga, pinagplanuhan na ito nang mabuti at naroon nang nagbabantay sa labas ng pabrika ang mga pari, madre, media buong komunidad. Sina Fr. Joe Dizon, Sr. Mary John Mananzan, Sr. Asuncion Martinez, sinamahan ang mga welgista, nanawagan sa iba pang mga relihiyoso. Nabalita nang husto yung welga ng La Tondeña, kaya parang mitsa yon. Mga polyeto, na nagdadala ng panawagang ‘tama na, sobra na, welga na” ang kumalat sa publiko. Nagwelga rin yung mga organisadong pabrika sa factory belt ng Muntinlupa, Bicutan at Navotas. Sa sumunod na apat na buwan, nailunsad ang mahigit 300 na welga na nilahukan ng mahigit 73,000 na manggagawa at sinasabayan ng iba’t ibang sektor. Muling nagkaroon ng malalaking martsa-rali sa Maynila. Nailabas yung mga nakulong na welgista at nagawang regular ang 300 manggagawa. Sumama pa rin ang mga manggagawa sa 10,000 malaking rali noong 1976 sa Plaza Bustillos.
Kaya muling nabuo ang mga organisasyon ng manggagawa. Babawal-bawal, pero wala nang magawa ang diktador. Mayo 1, 1975, ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Dineklara itong iligal noong 1977. Tapos, noong Mayo 1, 1978, ang Kapatirang Anakpawis (KAP) na saklaw ang Metro Manila, Cavite at Laguna. Hinuli rin ulit ang mga lider nito. Pero tuloy ang laban. Noong Mayo 1, 1980, ang KMU naman ang itinayo.
Noong 1981, umabot na ng isanlibo ang naiputok na welga. Noong 1982, umabot sa 156 na welga ang naiulat at nilahukan ng mahigit 50,000 manggagawa. Mula 1981 hanggang 1985, naitala ng DOLE na 245 ang taunang average ng welga kumpara sa 48 lamang bawat taon ng 1976-1980. Yung recorded lang yan. Pinakatampok ang pangkalahatang welga sa Bataan Export Processing Zone (BEPZ) na nilahukan ng 20,000 manggagawa mula sa 23 pagawaan. Karamihan nito sa Bataan ay kababaihan.
Napapurol ng kilusang manggagawa ang bisa ng batas militar at ng pagbabawal sa welga para mag-ambag sa tuluyang pagtatapos ng batas militar sa bansa. At hindi matatawaran ang naging papel ng kababaihang manggagawa. Makikita rin natin na sa mga pagkilos na ito, tumulong ang mga komunidad, mga pamilya at iba’t ibang sektor ng lipunan sa mga manggagawa. Nakita kasi nila na ang ipinaglalaban ng mga manggagawa ay hindi lamang ang mga benepisyo nila sa pabrika kundi ang pinakamainit na isyu ng buong lipunan, ang martial law. Importanteng aral ito ngayon sa atin na organisahin ang kababaihan hindi lang sa mga pabrika kundi ang mga nasa informal sektor, yung pinatatrabaho sa kanilang mga bahay, mas mababa pa ang kita, walang anumang benepisyo, walang pananagutan ang mga kapitalista.
Kasama ako sa mga hinuli at tinortyur noong martial law. Tatlong beses. Yung una, dahil 17 pa lang ako, dinala ako sa magulang ko at sinabihan sila na ipareport ako sa Camp Aguinaldo kada 2 linggo. Syempre, umalis ako ng bahay para makapagpatuloy ng pagkilos. Noong 20 years old na ako, dinukot naman at na-desap ako ng siyam na buwan, kasama ang dalawa pang aktibista. Tinortyur kaming lahat at ang dalawa ay hindi na nakita hanggang ngayon. Kung hindi siguro ako nakatakas, pati ako tuluyan na ring magiging desap. Kaya pagtakas ko, nagtago na ako sa bundok, at doon ako nabaril, nahuli at ikinulong muli sa ikatlong pagkakataon. Martial Law pa rin noon, kaya inilagay ako sa isolation, hiwalay sa iba pang political detainee. Bawal ang dalaw, walang nakasampang kaso at kasama ko sa kwarto mismo ang sundalong babae na nakagwardya sa akin. Hanggang nakalabas na lang ako nang maibagsak na ng mamamayan ang diktadurang Marcos. At nakilala lang ako ng anak ko na ako ang nanay niya noong 18 years old na siya.
Patuloy tayong kumikilos ngayon dahil mas higit pa ring apektado ang kababaihan sa nangyayaring krisis sa bansa ngayon. Apatnaput siyam na porsyento (49%) lang ng lakas paggawang kababaihan ang may trabaho, samantalang 76% ng lakas paggawang kalalakihan ay may trabaho. Nandun ang karamihan ng mga babae sa tinatawag na informal sector – mga nagtitinda ng barbecue, nagtataytay, nagbabalat ng bawang, lahat ng pwedeng pagkakitaan. Walo sa 10 mayor na trabaho ang mas mataas ang sahod ng kalalakihan. At dahil sa kontraktwalisasyon, nakakatipid ang mga kapitalista kung wala silang obligasyon sa pagbigay ng mga benepisyong pangkalusugan, maternity, bakasyon at iba pa sa kababaihan.
Tumitindi ang militarisasyon. Ito ang tinutugon ng gubyerno sa malalang krisis pangkabuhayan at pampulitika na dulot ng mga batayang problema. Alam na alam na natin na mababa pa rin ang sahod, samantalang sumisirit pataas ang presyo ng bilihin. Bawal pa rin ang unyon at welga sa mga enklabo. Mas malala pa ang kontraktwalisasyon. Napakaraming walang tiyak na hanapbuhay. Patuloy ang tanggalan, union busting, di-pagsunod sa kakarampot na ngang minimum na sahod, di-pagbibigay ng benepisyo, pagmamatigas ng maneydsment sa hinihingi ng manggagawa kung collective bargaining, pagbale-wala sa kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawa, atbp. Nariyan din ang tuwirang panghaharas sa mga manggagawang nag-oorganisa o nakatirik ang piketlayn. Walang tigil ang pambobomba at hamletting ng mga barangay sa kanayunan. Harassment at surveillance naman dito sa kalunsuran. Hinuli at kinulong nga ulit ako sa gawa-gawaing kaso nitong 2022 nung presidente na si Marcos Jr. At may higit 20 pa ang unyonista na nakakulong ngayon sa gawa-gawang mga kaso. Marami rin ang nireredtag, mga ini-EJK, dini-desap. At itong mga walanghiyang nasa pwesto, limpak-limpak ang kurakot sa mga proyektong flood control habang patuloy tayong sinasalanta ng baha sa kakulangan ng kabuhayan, baha ng gutom, baha ng militarisasyon at baha ng malakas na ulan.
Ang sitwasyon noong Martial Law, lantad na diktadura. Nakakapagtipon nga tayo ngayon, sa sitwasyon ng di lantad na diktadura, pero hindi natin maramdaman ang kalayaan kahit man lang ang pagpapasya sa pupuntahan ng sarili nating pera na nasa gubyerno. Sila-sila ang nag-iimbestigahan at nagtatakip ng kanya-kanyang baho, sila-sila ang may kapangyarihan sa buhay natin. Tanging ang ating militante at malawakang pagkilos lamang ang magpapabago ng ganitong kalagayan.
Lumaban tayo noon para maibagsak ang diktadura. Maraming buhay ang kinitil, maraming pamilya ang winasak. Huwag tayong papayag na maulit yun, huwag tayong pumayag na ginagawa ulit ang hindi deklaradong martial law ngayon. Kung gaano katapang ang kababaihang humarap sa matinding panggigipit noon, ganun din dapat tayo ngayon.
Never Again.









0 Comments