a
Pagdalaw sa Libingan ng mga Buhay: Sagutang-tula
Published on Nov 18, 2006
Last Updated on Feb 5, 2011 at 9:03 am

ADVERTISEMENT

NINA AXEL PINPIN AT RONALYN OLEA
Inilathala ng Bulatlat.com

Ang Pagdalaw sa Libingan ng mga Buhay*
Ni Axel Pinpin,
sa ngalan ng Tagaytay 5

Iwan n’yo na ang kandila, ‘wag nang mag-abala sa bulaklak
‘Wag n’yo lang kalilimutan na magbaon ng halakhak,
Pagkat kailangan iyan ng nauupos naming tuwa,
Pampahalimuyak din iyan ng alingasaw ng dusta.

Kami ay ipinanganak noong taon ng pagkadupilig
At tinangkang patayin sa panahon ng paglupig.
Ngunit imbing krimen ay bigo; hindi nagtatagumpay;
Pasya ng sepulturero’y ibaon kami sa libingan ng mga buhay.

Ang binubulok dito’y hindi malamig na katawang-lupa
Kundi mga pangarap at alab ng hangad ng paglaya.
Ang inaagnas dito’y hindi buto, buhok at ngipin
Kundi mga karanasan ng paglaban ng kauring alipin.

At kung maliligaw ka sa paghahanap ng aming puntod,
Hanapin lamang ang kurus na punglo sa baywang ng mga tanod.
Ang nitso nami’y di marmol, bagkus ay kalawanging rehas
At sa lapida ay nakaukit ang walang-kamatayang pag-aaklas.

23 October 2006
Camp Vicente Lim

*Binigkas ni Axel ang tulang ito nang dumalaw ang mga kasapi ng pambansang konseho ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa kanilang piitan.

 Save as PDF

BE A BULATLAT PATRON

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This