a
Peryodiko

Photo from the Kilusang Magbubukid ng Pilipinas

Published on Nov 7, 2026
Last Updated on Nov 7, 2026 at 11:09 pm

ADVERTISEMENT

Maganda ang teknolohiya kung mapapakinabangan ng karamihan.

May nagbabasa pa kaya ng peryodiko? Alam pa kaya ng kabataan ang mga katulad na salitang pahayagan at diyaryo?

Baka mas pundamental pa ang tanong: May nagbabasa pa kaya? Totoo bang wala nang masyadong kultura ng pagbuklat ng anumang nakaimprenta dahil mas gusto ng mga taong manood na lang ng bidyo?

Kung sabagay, higit pa sa peryodismo ang isyu. Analog o digital? Nobela o pelikula? Lumang midya o bagong midya? Pero saglit lang. Kailangan ba talagang mamili sa dalawa? Hindi ba puwedeng pagsabayin ang luma’t bago?

Kung gagamit ng ilang salita sa wikang Ingles, hindi ito usapin ng “conversion” kundi “convergence.” Posibleng gamitin ng lumang midya ang bagong teknolohiya para mapalakas ang mga katangian nito. At sa konteksto ng peryodismo, nagdesisyon ang maraming peryodikong gumawa ng mga website at account sa iba’t ibang social media platform.

Para sa mga peryodista, kailangang pumunta kung nasaan ang masa. Ito ang dahilan ng literal na pagbisita sa mga komunidad, lalo na sa mga liblib na lugar na tila napag-iwanan ng kabihasnan. Ito rin ang magpapaliwanag kung bakit pinapatulan pati ang TikTok sa paghuhubog ng opinyong pampubliko. Naglalaan din sila ng oras para makipagtalastasan sa social media kahit na hindi pinapansin ang mga personal na atake.

Dahil sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, totoo namang lumang-luma na ang mga tinaguriang sinauna. Pero kapansin-pansin ang ebolusyon ng print para isama sa diseminasyon ng impormasyon ang teknolohiyang digital.

Gayundin ang kaso ng mga programa sa radyo dahil mayroon na silang kaakibat na teleradyo para marinig at makita ang balita, pati na ang nangyayari sa loob ng booth habang nagbobrodkast. At para naman sa mga programa sa telebisyon, uso na rin ang simultaneous live streaming.

Ngunit para sa mga lugar na mahina o walang internet signal, patuloy na namamayagpag ang lumang midya. Mas nakadepende sila sa radyo o telebisyon para sa pinakahuling balita. Nakakatulong din naman ang peryodiko para sa dagdag na pagsusuri kahit na hindi agad-agad na nakukuha ang kopya. Kaya hindi naman masyadong nahuhuli sa balita ang mga nasa liblib na lugar basta’t may mga matiyagang magsusubaybay at maghahanap ng paraan.

Maganda ang teknolohiya kung mapapakinabangan ng karamihan. Pero kung ang kalidad at bilis ng internet ay depende sa panggastos, parating mapipilitan ang mahihirap na pagtiyagaan ang mabagal na koneksiyon.

Para sa karamihang naka-prepaid na account lang sa kanilang mobile phone, mas gagamitin ang mga libreng opsiyon para ma-access ang social media accounts pero malamang na hindi maki-click ang link papunta sa buong teksto ng balitang nasa website ng mga organisasyong pang-midya. Kaya ang mangyayari, headline lang o maikling bahagi lang ng balita ang posibleng mabasa.

Anong klaseng opinyon ang mabubuo kung limitado lang ang impormasyon? Hindi ba’t mas mainam na gawing libre ang internet para sa lahat? Bakit kailangan pa kasing pagkakitaan ang teknolohiyang dapat na maging tulay para sa epektibong diseminasyon ng impormasyon?

Pero labas ng internet access, kailangan ding pangalagaan ang mga tinaguriang luma. Patuloy na kilalanin ang ambag ng print, radyo at telebisyon, lalo na ang kanilang paggamit ng teknolohiya sa gitna ng nagbabagong panahon. Hindi hiwalay ang pag-aaral ng bago sa pagkilala ng luma. Katulad ito sa pag-intindi ng kasalukuyan batay sa aral ng kasaysayan.

Uso pa ba ang peryodiko? Tandaang may mga nagbabasa pa naman. Hindi naman mawawala ang print media sa kabila ng pag-unlad ng teknolohiya. Mahalaga pa rin ang tuloy-tuloy na paglilimbag lalo na’t kinakailangan ang malalim na pagsasakonteksto.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

 Save as PDF

BE A BULATLAT PATRON

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This