Ang sumisidhing kabulukan sa kasalukuyang sistema ng ating lipunan ay kitang-kita sa laganap na pandaraya sa nakaraang eleksyon, malawakang korupsyon, jueteng-gate, at iba pa, na naganap sa pamahalaan.
Samantalang ang mga nasa kapangyarihan ay nilalabag ang mga batas na sila din ang gumawa at nagpapasasa sa pagpapayaman, lalong nababaon naman ang mga mamamayan sa kahirapan—pagtaas ng buwis at presyo ng mga bilihin, at mababang pasahod. Ang pondo mula sa gobyerno na dapat sana’y ilaan para sa serbisyong panlipunan–gaya ng edukasyon at kalusugan–ay taon-taon binabawasan o hindi tumataas, kagaya ng badget ng UP at ng PGH. Sa halip, taon-taon, halos nobenta porsiyento (90%) ng pondong nalilikom ay ipinambabayad-utang lamang sa mga pampublikong kautangan na karamihan ay hindi naman ang taumbayan ang nakikinabang o naisakatuparan ng may kasamang malakihang kick-back
tulad ng Bataan Nuclear Power Plant. Inuuna pa ng inutil na pamahalaang ito ang kapakanan ng dayuhan kaysa ang kapakanan ng mamamayang Pilipino.
Ang pag-amin ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo na siya ang kausap ng isang opisyal ng COMELEC sa mga kontrobersyal na tape sa pakanang dayain ang halalan noong 2004 ay nagsasalamin lamang ng inabot na kasamaan ng sistemang umiiral. Ang pag-aming ito ni Gng. Arroyo ay hindi sapat ang paghingi lamang ng tawad sa mamamayan dahil umano sa “lapse in judgement.” Anong klaseng pangulo ito na nagkaroon ng 14 na “lapses in judgement” sa pagplanong pataasin ang bilang ng kanyang boto? Ano pang kredibilidad-moral ang maipapakita ng isang pangulong nais linlangin ang bayan?
Kinakailangan ang agarang pagbaba sa poder ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo sa pagka-pangulo dahil ang kanyang panunungkulan ay nagiging pugad lamang ng mga kasamaan na ating kinakalaban—ang
pandaraya, kasinungalingan, at korupsyon. Kung hindi siya magbibitiw sa kapangyarihan ay makikiisa kami sa panawagan ng marami sa ating kababayan na patalsikin si Gng. Arroyo sa pamamagitan ng direkta at sama-samang pagkilos ng Sambayanan.
Gayunman, habang itinatakwil natin ang rehimen ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo, kailangan din tayong magsimulang magtayo ng isang sistemang makatarungan na nagsasabuhay sa mga adhikain ng Sambayanan at isasakatuparan ang kapakanan ng mamamayang Pilipino na siyang papalit sa kasalukuyang mapang-aping sistema.
Patalsikin si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo bilang pangulo!
Magtatag ng isang makatarungan at maunlad na sistemang bayan!
Posted by Bulatlat
Bulatlat.com