Pipoy’s Initiative

NI LOLITO R. GO, JR.
Inilathala ng Bulatlat.com

Si Kapitan na kilala rin sa bansag na Pipoy
ay buong sigasig na rumonda upang ikampanya
ang isang panukalang ni hindi niya naiintindihan

Sa nagtitinda ng kikiam:

Naiintindihan mo ba ang nakasulat dito?
Hindi po.
Hindi mo alam? Ayaw mo ng libreng bigas?
Ah, ganun po ba?
Oo, kaya pumirma ka na dine.

Sa isang istambay:

Naiintindihan mo ba ang nakasaad dito?
Hindi po, Inglis eh.
O sige, tatagalugin ko para sa iyo ha.
Ang sabi rito payayamanin natin ang bawat Pilipino.

Ah, ganun po ba?
Oo, kaya ano pang tinatanga mo dyan, pirma na!

Sa isang aleng naglalaba:

Ikaw, nakapirma ka na ba?
Para saan po ba iyan?
Tinatanong mo pa eh nakapirma na si kumare mo dito.
Hala, pirma na’t marami pa akong iikutan.

Sa mga tumatagay:

Kapitan ano ho iyan?
A ito, attendance sheet ng mga kumain ng puto.
Ipapadala sa malakanyang para umunlad tayo.

Ah ganun po ba, may puto pa ba kapitan?
Naku ubos na. Pirma kayo dito, baka bukas meron uli.

Sa isang political science student:

Kapitan, ang sipag natin ah.
Lahat tayo dapat magsumikap para sa bayan, pirmahan
mo ito para naman may maiambag ka sa pagbabago.

Ano po ba ang babaguhin? Narinig ko kasi sa TV babaguhin
daw ang sistema ng gobyerno.
Ha? Hindi. Gusto mo ng puto?

Posted by (Bulatlat.com)

Share This Post