a
Lumalabo ang Lawa ng Laguna
Published on Aug 26, 2006
Last Updated on Feb 5, 2011 at 7:50 am

ADVERTISEMENT

NI RAUL FUNILAS
Bulatlat.com

Lumalabo itong lawa sa paglurok nitong ulan,
May ragasa yaong bahang nanggaling sa kabundukan;
Dahil walang sagkang ugat libong punong ibinuwal
Lupang pikat ay naagnas, umaangkas, gumagapang
Na ang alam kong puntahi’y ang puntod ng aking bayan.

Lumalabo itong lawa sa hampas ng Maninibog,
Nawiwiring kawang isda sa putika’y sumusubsob;
Unti-unting nahuhukay ang banlik na natutulog
Kalamay na hinahalong ang tabsing ay natatakot,
Sa anlog di’y may giyaot ang ligating Mamumukot.

Lumalabo itong lawa sa basurang ikinalat,
Laksang taong nagliwaliw sa tubigang ubod lawak;
Ang agos ay nalulumpo sa mabahong nagpayatas
Isdang tabang nangamayat hanggang ito’y nangabulag
May makain pa ba kaya ang hagdan kong sintang anak?

Lumalabo itong lawa sa romolyong uli-uli,
Na lumambal ang mapusok na daluyong ng buhawi;
Nahihilong tonelada nitong burak sasandali’y
Naging dagim itong kulay ng lawa kong itinangi,
Matapang man ang loobi’y sagrado ang aking budhi.

Lumalabo itong lawa ng Lagunang may pang-akit,
Sa dahilang kaming taal matagal ang pagkapikit;
Hindi namin nabantayan ang tubigang may hinagpis
Kaya ito’y unti-unting nalulupog. O, kaysakit
Na malamang ang lawa ko’y mamamatay sa ligalig.

Inilathala ng Bulatlat

 Save as PDF

BE A BULATLAT PATRON

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This