NI RAUL FUNILAS
Inilathala ng Bulatlat
Ang mahinang bulong ng gulong ng alon,
Inyong ulinigin at bigyang-halaga.
“May kipkip na sungit ang bagong panahon…
Kailan titigil ang hampas-daluyong
Na laging mabagsik ang dalang parusa?”
Ang mahinang bulong ng gulong ng alon.
“Ayaw nang umigpaw ang kawang talilong
Na nangaglalaro’t lipos ang sasaya,
May kipkip na sungit ang bagong panahon.
Malabo ang rabaw na lagi kong kandong,
Dahil naglangkawas ang yangkaw-basura.”
Ang mahinang bulong ng gulong ng alon.
“Takot pumalaot yaong Maninimong
Bihasang tumarol sa along masigwa,
May kipkip na sungit ang bagong panahon.
Kaibigang hangin saan paparoon
Ang bigat-balumbong laging dinadala?”
Ang mahinang bulong ng gulong ng alon
May kipkip na sungit ang bagong panahon.
Setyembre 5, 2006
Inilathala ng Bulatlat