Ang Subic Rape Case: Tungo sa Paghusga sa Visiting Forces Agreement

Ang pambansang istratehikong interes sa pampulitikal at pang-seguridad na aspeto ay hindi kailanman maihihiwalay sa pang-ekonomikong layunin. Ang pambansang pangangalakal at pagpapalak kung gayon ay dapat kaakibat ng produkto, kalakalan at pagkakaiba-iba ng merkado. Para sa pambansang interes, dapat siguraduhin ng gobyerno na mayroong ekonomikong kooperasyon, tulong pangdayuhan at puhunan at malampasan nito ang tradisyonal na samahan. Marapat na gumawa ito ng mainam na hakbang upang maka-alis sa anino ng Estados Unidos na kung saan tayo ay patuloy na inaabuso at ginagamit para sa global na pulitika. Dapat na maghanap tayo ng alternatibo na higit na makabubuti para sa ating pambansang interes, kabilang ang ‘Timog sa Timog’(South-South) na pagkakasundo at relasyong pangkalakalan, pamumuhunan at pangteknolohiya.

Sa ngayon, mahalagang maunawaan at mapaghandaan ng bansa ang praktikal na patakarang may relasyon sa epekto ng globalisasyong pang-ekonomiko sa ilalim ng rehimeng GATT/WTO, maging ang paglitaw ng ‘European Union’, NAFTA at iba pang samahang rehiyong pang ekonomiko. Ang ganitong pagbabago ay may mahalagang pang-ekonomiko at pampulitikal na implikasyon para sa Pilipinas.

Ang panunumbalik ng banyagang tropa sa ating baybayin kasabay ang ilang mga maanumalyang kasunduang panseguridad ay malinaw na balakid sa ating hangaring magsulong ng isang malayang patakarang panlabas. Ang VFA o Visiting Forces Agreement ang pinakatiwaling aspeto ng ating patakarang panlabas sa kasalukuyan. Ang kasong panggahasa sa isang dalagang Pilipina ng mga Kanong sundalo pati na ang mariing pagmamatigas ng pamahalaan ng Estados Unidos na ayaw isuko ang mga unipormadong kriminal sa kustodyo ng ating mga korte ay siyang pumipilit sa atin na masusing tingnan at repasuhin ang mga implikasyong panlipunan, at panseguridad, na dulot ng muling pag-apak at aktibidades ng sundalong Kano sa Pilipinas. Ang mga ito ay tuluyan nang naibalik sa pagbasbas ng VFA.

Ang pagsuko ng kapangyarihang hurisdiksyon sa batas at korte ng Pilipinas

Nang lumagda ang pamahalaan ng Pilipinas sa VFA, ay tuluyan na nating isinuko ang ating lubos na karapatang litisin ang mga nagkasala sa loob ng lupain natin para lamang sa mga tropang banyaga. Masdan natin kung paano naging inutil ang ating mga hukuman at batas sa pagpapatupad ng ating saklaw ng batas at karapatan sa pangangalaga ng mga dayuhang kriminal kahit pa sa ating sariling lupain. Nang ipinapatupad pa ang Kasunduan ng RP-US sa Base Militar, ginamit ng mga pinunong sundalo ng mga base militar ng U.S. para mabigyan ng silong ang mga nagkakasalang sundalong Kano bilang pananggala sa pagdiin sa mga krimeng nagawa nila habang sila ay nasa Pilipinas pa. Samakatwid, mula 1947 hanggang 1991, sa higit tatlong libong naiulat na krimeng nagawa ng mga hukbong Kano dito sa bansa, wala ni isang kaso ang umabot sa hukuman at nalitis at nakapaghatol laban sa mga nagkasalang sundalo ng Estados Unidos, kabilang na ang mga krimeng karumaldumal.

Sa ilalim ng ikalimang Artikulo ng VFA, ang nagkakasalang sundalo ng Estados Unidos ay mapapasailalim sa pangangalaga at saklaw ng mga awtoridad ng Estados Unidos, at sa gayon walang habol dito ang batas ng Pilipinas kahit na ang sala ay ginawa sa anumang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.

Ang ikalawang artikulo ng VFA ay nagliligtas sa mga tauhan ng militar ng Estados Unidos at tauhang sibilyan nito mula sa mga regulasyon sa mga pasaporte at visa. Ang parehong pribileheyo na ito na ibinibigay sa mga taga Estados Unidos ay hindi ibinibigay sa mga Pilipinong tauhan o hukbo na bumibisita sa Estados Unidos. Maging ang mga diplomatiko na pumapasok sa Pilipinas ay hindi nga nakakaranas ng ganitong pribilehiyo, kayat bakit kailangang ang militar at sibilyang tauhan (mga CIA?) ng Estados Unidos sa ilalim ng U.S. Department of Defense ay nakakaranas ng ganitong mas mataas na kaluwagan?

At sa ikatlong artikulo ng VFA ay nagtatakda na ang mga tagapamuno ng mga sasakyang panghimpapawid at pandagat ng hukbo ng Estados Unidos ay siyang magsasagawa ng inspeksyon sa mga nasabing sasakyan at mga kargamentong sila rin ang nagmamay-ari. Bakit naman kailangang kung sino pa ang mga bumibisita dito ay sila pa ang nagsasagawa ng mga inspeksyon ng sarili nilang mga papasok na sasakyan at kagamitan para sa atin na tumatanggap sa kanila?

Ang VFA at ang kawalan ng katumbas na ratipikasyon ng Senado ng Estados Unidos

Para muling pahintulutan ang mga banyagang tropa sa ating lupain, malinaw na isinasaad ng Saligang Batas na ang hakbanging ito ay nangangailangan ng isang tratado. Ang ganoong tratado ay dapat napagkasunduan ng 2 katlong (2/3) kasapi ng Mataas na Kapulungan o Senado at gayon din ay naratipika ng kabilang estado na gusting makipagkasundo sa atin. Dahil ang Saligang Batas ay humihiling na ang tratado ay dapat na may katumbas na ratipikasyon ng kabilang estado, sa kasong ito, ang Senado ng Estados Unidos, ang di pagsunod dito ay nangangahulugan ito ay magiging isang “executive agreement”, sa gayon ito’y salat sa rekyimento ng isang tratadong itinatakda ng mismong Saligang Batas.

Narinig ko na binabanggit ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas na hindi niraratipika ng Senado ng Estados Unidos ang mga tratadong sinusulong ng magkabilang bansa. Ito ay napakalinaw na kamalian. Maaari nating banggitin na ang Treaty of Paris ng 1899 ay nilagdaan at pormal na niratipika ng Senado ng Estados Unidos isandaang taon na ang nakararaan sa pagitan ng Espanya at Estados Unidos. Noong 1976, ang U.S.-Spanish Bases Treaty ay pormal na niratipika ng Senado ng Estados Unidos bilang isang tratadong bilateral. Hindi ba kinikilala ng Senado ng Estados Unidos ang Senado ng Pilipinas bilang kapantay o katumbas nito sa ratipikasyon ng tratado?

Sinasabi rin na ang Estados Unidos ay mayroong iba pang 78 na Status of Forces Agreement (SOFA) sa iba pang bansa na katulad ng VFA. Ang datos na ito ay walang katotohanan. Halos lahat ng bansang ito na may SOFA ay mayroon pa ring mga base militar at pasilidad ng Estados Unidos. Karamihan ng mga SOFA ay naipapatupad lamang sa loob ng mga pasilidad o base na mga ito. Habang ang mga pasilidad ng NATO/Estados Unidos o Japan/US ay sakop ng SOFA, ang mga tumatanggap na bansa ay di pa rin isinusuko ang kanilang saklaw na buong teritoryo. Masasaksihan pa lamang ngayon sa atin ang SOFA ng isang bansa na walang pasilidad ng Estados Unidos na isinusuko na natin agad ang saklaw nito sa buong teritoryo sa kapuluan.

Ang SOFA o VFA ay ginawa para sa adbentahe ng Estados Unidos sa loob ng mga base o pasilidad nito tulad na lamang ng sa naibasura nang RP-US Military Bases Agreement kung saan ang mga probisyon ng SOFA ay nakalahad din. Ngunit, maging sa Military Bases Agreement o MBA na hindi na muling tinanggap bagkus binasura na ng Senado ng Pilipinas noong 1991, wala sa anumang saklaw o karapatan sa buong bansa ang binibigay ng VFA sa Estados Unidos.

Ngunit hindi ito ang kahuli hulihang pagkakataon na iniwasan ng Ehekutibo ang Senado sa pamamagitan ng ilegal na tangkang magpasok ng isang executive agreement sa usapin ng pagbabalik ng pananatili ng banyagang pwersang military at pasilidad. Noong 2001, pormal na nilabas ang Mutual Logistics and Support Agreement(MLSA) na nilagdaan ng mga mababang ranggo na opisyal ng Sandatahang Lakas ng Estados Unidos at Pilipinas para mapagbigyan ang pagtatambak at paglipat ng mga basura ng hukbo ng Estados Unidos ditto sa ating lupain. Ang MLSA ay inihayag bilang para sa pagsulong ng RP-US Mutual Defense Treaty, para may basehan ito kung sakaling maging kwestiyonable ito batay sa itinatakda ng kasalukuyang Saligang Batas, ang VFA ay sasabihing karugtong ng MDT ng 1951 at kinokonsidera bilang isang utos para maipatupad ang nasabing tratado.

Pagbibigay sa Estados Unidos ng di tiyak na garantiya

para sa karapatan nito sa ating lupain

Ang VFA ay nagbibigay ng isang malabo at di tiyak na garantiya sa Estados Unidos para sa mga aktibidad ng kanilang hukbo sa ating lupain dahil hindi nito isinasaad kung gaano katagal at kung ilang pwersa ng Estados Unidos ang papayagan para sa mga di matukoy na aktibidades sa ating lupain. Nasasaksihan natin ngayon ang paglipana ng mga tauhan ng Sandatahang Lakas ng Estados Unidos sa halos lahat ng kapuluan ng bansa.

Ang kasunduan ay hindi nagtatakda ng kung anuman ang pinakamalaking bilang ng sundalong Kano na maaring pahintulutang makapasok sa Pilipinas. Hindi rin tinitiyak ang panahon na ang mga ito ay papayagang manatili sa Pilipinas. Kaya naman malinaw na ang VFA ay nagbibigay ng kakayahan ng mga ito na makapasok at makinabang sa Pilipinas sa di tiyak na panahon at di tiyak na mga aktibidades.

Ang operasyon ng Sandatahang Lakas ng Estados Unidos sa mga sasakyang pandagat at panghimpapawid na nakasaad sa ikawalong artikulo ay malabo ang itinatakda. Hindi nito tinutukoy kung saan ang maaari o kung saan ang limitasyon ng Sandatahang Lakas sa akses nito sa Pilipinas. Mapanganib na hayaang maging hayagang bukas ang teritoryo ng Pilipinas at payagan ang mga aktibidades na salat sa regulasyon itong mga banyagang hukbo, dahil ito ay isang banta sa ating sariling pambansang seguridad.

Ang Artikulo 9 sa “Duration and Termination” ay nagtatakda na ang kasunduan ay walang tiyak na araw ng terminasyon, samakatwid ay mabubuhay nang walang hanggan ang kasunduan.

Binibigay ng kahulugan sa Artikulo 1 ng VFA na ang tauhan ng hukbo ng Estados Unidos ay mga tauhang militar at sibilyan ng Estados Unidos na pansamantalang lumalagi sa Pilipinas upang gawin ang anumang mga aktibidades na sinang-ayunan ng pamahalaan ng Pilipinas. Anong mga aktibidades?

Paano naaapektuhan ng VFA ang pambansang seguridad ng Pilipinas

Hindi pinapabuti ng VFA ang pambansang seguridad ng Pilipinas. Bagkus, ito ay nalalagay sa panganib.

Ang mga nakaraang presensiya ng tropang militar ng Estados Unidos sa teritoryo ng Pilipinas ay nagpapakita na ginagamit ang bansa bilang panimulang punto ng interbensyong militar ng Estados Unidos laban sa ibang bansa. Ang akses ng militar ng Estados Unidos sa pamamagitan ng VFA ay nagbabalik ng papel ng Pilipinas sa istrukturang military ng Amerika bilang suporta sa mga operasyon ng kanilang lakas pandagat at sandatahang lakas. Ang mga bisitang nabal o sa porte ay hindi lang mga “goodwill visits” o “to show the flag”. Ang mga bisitang nabal ay suporta sa patuloy na operasyon at misyong militar sa pamamagitan ng pagpapanatili ng suplay, pagpapasigla ng eskuwadron, pagbibigay ng pahinga at libangan, pag-iimbak ng gasoline at pagpapaayos, para manakot ng interbensiyong militar at higit sa lahat, ang maghamon ng digmaan.

Ang mga problemang idinulot ng paghihiganti ng muling lumilitaw na nasyonalismong Pan Arab at pundamentalistang Islam bilang reaksyon sa agresiyon at interbensiyon ng Estados Unidos sa Gitnang Silangan ay hindi natin problema. Sa ngayon, ang persepsiyon sa Estados Unidos ay isang siga na estado na nanananakop o nambobomba ng mas maliliit na bansa ayon sa kanilang kagustuhan, nanag walang respeto sa mga pambansang hangganan o soberaniya ng ibang nasyon tulad ng ginawa nito laban sa Grenada, Panama, Sudan, Afghanistan at Iraq, at ngayon ay ang mga banta nito laban sa Iran. Idinulot nila sa kanilang sarili ang parusa ng mga kaganapan nung 9/11 na kung tawagin ng Amerikanong manunulat na si Chalmers Johnson ay “blowback”, mga hindi sinasadyang kaparusahan ng mapanghamon na pandaigdigang patakaran ng Estados Unidos. Itinatanim ng Amerika ang sarili nitong mga punla ng pambansang inseguridad.

Ang pundamental at seryosong isyu ngayon tungkol sa VFA ay ito: Gusto ba nating bigyan ng lugar ang sandatahang lakas ng Estados Unidos sa ating teritoryo, kahit labas sa ating mga batas at Konstitusyon, upang magamit ng Estados Unidos ang Pilipinas bilang pangunang punto ng interbensiyong military laban sa ibang bansa? Ito ang ginawa ng Estados Unidos isang daan taon na ang nakalipas matapos sulutin ang kalayaan ng Pilipinas at gamitin ang teritoryo bilang pangunang punto ng lokal at banyagang interbensiyon. Gusto ba nating maging haligi na magpapalakas sa pandaigdigang sistema ng Estados Unidos na patuloy na nakikialam sa pamamagitan ng pagpapadala ng tropa nito sa internal na isyu ng ibang bansa? Gusto ba nating maging ispringbord ang bansa upang muling mapalakas ang mga yunilateral na aksyon ng Estados Unidos sa buong mundo na lumalabas sa pambansang soberaniya ng ibang pala-kaibigang bansa?

Binabalangkas ng mga pangyayari ang mapanganib na yunilateral na pagsasanay ng tropang militar sa Estados Unidos na dinadahilan para sa “seguridad” at “pandaigdigang digmaan laban sa terorismo.” Umaasta ang Estados Unidos na parang isang internasiyonal na siga na kinakaya-kaya ang mga maliliit na bansa sa pamamagitan ng pagyayabang ng kapangyarihan. Tinatali ng VFA ang Pilipinas sa istratehiya ng Estados Unidos na pandaigdigang pakikialam at naaayon sa kanilang istratehiyang nuclear.

Sa ilalim ng VFA, ang Pilipinas ay naging “de facto” na nagsasanay sa lahat ng pang-sibilyang daungan at paliparan, at pagseserbisyo ng mga sasakyang dagat ng Estados Unidos na may misyon at obhektibong pang-militar. Ibinabalik ng VFA ang papel na ginampanan ng Pilipinas nung nandito pa ang base military ng Estados Unidos – bilang kasabwat sa mga operasyon ng interbensiyon at agresyon ng sandatahang lakas ng Estados Unidos sa Asya Pasipiko, Gitnang Silangan, o saan mang parte ng mundo. Pinapahina ng VFA ang mga lehitimong interes ng Pilipinas sa relasyon nito sa ibang mga bansa, particular sa mga kumukuha ng serbisyo ng mga manggagawang Pilipino at pati na rin ang mga nakikipagkalakalan sa atin. Lahat ito ay tahasang lumalabag sa konstitusyonal na pagbabawal sa paghahamon ng digmaan bilang kasunduan ng mga hidwaan, kung kaya’t gusto nilang amyendahan ang 1987 na Saligang Batas.

Dahil dito kaya nagging panganip sa pambansang seguridad at seguridad ng mga Pilipino ang VFA. Ito ay panganib sa ating seguridad bilang mga mamamayan at bansa, dahil ang anumang bansa na nagsisilbing “host” sa sandatahang lakas ng Estados Unidos – bilang base, o akses military, o pagbisita ng sandatahang lakas ng Estados Unidos – ay nagkakaroon ng peligro na madamay sa armadong interbensyon ng militar ng Estados Unidos sa mga patuloy na pinapadalang tropa ng kanilang sandatahang lakas. Kailangan nating makapagpasiya kung patuloy na magiging parte ang ating teritoryo ng suportang istruktura sa ibayong dagat ng isang bansang inaabuso ang namamagitan na pandaigdigang posisyon ng “pagdepensa”. Kailangan din nating magpasiya kung patuloy nating babaluktutin an gating mga patakaran at batas, sa ikakasama n gating dignidad bilang nasyon upang maglulan sa ating teritoryo, ang sumosobrang paglaki ng mga gamit pandigma at patakaran ng Estados Unidos na nagbigay daan sa mas maraming digmaan at hidwaan. Dapat din alalahanin na bilang kapinsalaan, ang Estados Unidos (at mga mamamayan nito sa ibayong dagat) ay mga pangunahing nakakaakit ng mga pag-atake dahil sila’y mga nagpapa-lala sa mga galit sa kanilang bansa. Sa pamamagitan ng VFA, tuluyan tayong nag-aanyaya ng mga paghiganti at parusa sa mga dumadaming kaaway ng Estados Unidos.

Binuksan din ng VFA ang mga daungan at paliparan ng lakas pandagat, pang-armas at panghimpapawid. Habang pinupuna ng Estados Unidos ang kakayahayg nuclear ng ibang bansa tulad ng Iran, North Korea, atbp., ang sarili nitong armas nuclear ay nananatiling mahalagang elemento ng modernong lakas pang-dagat ng Estados Unidos. Ito ang dahilan kung bakit patuloy na giagamit ng Estados Unidos ang patakarang “hindi magkukumpirma at hindi magtatanggi” tungkol sa mga armas nukleyar sa kanilang mga sasakyang dagat. Mayroong hindi patas na pamantayan sa pagsasabi sa ibang bansa na isiwalat ang kakayahang nukleyar ng kanilang pasilidad habang tumatanggi itong ibunyag din ang kanila. Palaging isinasawalang-bahala ng VFA ang patakaran ng Pilipinas patungkol sa mga sandatang nuclear. Dahil sa ang Pilipinas – pangloob man o panglabas – ay nagpapatibay at nagtataguyod ng malayang patakarang konstitusyonal sa mga sandatang nuclear sa teritoryo nito, dapat na malinaw ang mga probisyon ng VFA sa pagtaguyod ng konstitusyonal na pagbabawal sa mga armas nuclear. Dapat na ituring na ilegal para sa Estados Unidos o ibang dayuhang sasakyang dagat o eroplano na armado ang pagdala sa teritoryo ng Pilipinas, kahit na para sa transportasyon, daungang tawag, pangserbisyo, o para sa pagdidiskarga, ng anumang armas nuclear o anumang parteng nuclear. Ang mga bumibisitang armadong sasakyang-dagat ng anumang bansa ay kinakailangan munang magpatunay nito.

Matagal ko nang pinanukala ang pagpasok ng nasabing probisyon sa VFA, pero hindi natin ito maaasahang maipatupad sa tratadong maglilibre ng mga sandatahang lakas ng Estados Unidos sa ating teritoryo mula sa mga lokal na batas.

Share This Post