Ang Subic Rape Case: Tungo sa Paghusga sa Visiting Forces Agreement

Ang mga karapatang paglapag at pagdaong na nakasaad sa Visiting Forces Agreement ay muling pinakilala ang puwersa ng militar ng Estados Unidos sa buong bansa para sa mga pagbisita sa mga daungan pati sa mga gawaing militar gamit ang mga mapanganip na kagamitang pandigma. Masama ang rekord ng gobyernong Amerika sa pagkabigo nitong imbestigahan, isiwalat, at linisin ang mga panganib sa kalikasan na dulot ng mga pang-militar na aktibidad ng Estados Unidos hindi lang sa Pilipinas kundi pati na rin sa Panama, Puerto Rico, Japan, South Korea, Hawaii at Alaska.

Kung ang mga sasakyan ng hukbong dagat ng Amerika na tumatakbo gamit ang makinang nuclear nito ay nag-emit ng radyasyon habang nakadaong sa Pilipinas, paano sila papanagutin sa kawalan ng probisyong pang-kalikasan sa VFA? Ngayong ang buong bansa ay bukas na sa mga pambibisita sa daungan at paliparan ng mga armadong tropa at simulasyon ng kombat sa pagsasanay military, kailangang asahan na natin ang mga pang-kalikasan at pang-kalusugan na katumbas ng ganitong mga aktibidad. Isang editorial ng New York Times ang nagtampok sa problemang ito nung Disyembre 25, 1998:

“When the United States pulled out of the Clark and Subic Bay Bases in the Philippines beginning in 1991, it left dozens of sites where toxic chemicals and asbestos had been dumped or buried in unsecured landfills. These may now be the cause of disease among people living nearby. Washington has paid the Philippines nothing for cleanup and has released only perfunctory information about the hazards.”

Huwaran ang VFA ng ibang bansa?

Ngunit mas higit pang insulto sa kapangyarihan ng Pilipinas ang pagpayag ng ibang bansa, katulad ng Australia, New Zealand o Singapore, na gamitin ang VFA bilang isang modelo ng kasunduan para nila hasain ang kanilang pwersang militar. Gusto nilang gawin tayong kampo ng pagsasanay at pagdusahan ang lahat ng pang-kalikasan, sosyal, at pulitikal na katumbas ng paghohost ng pagsasanay ng kanilang puwersa. Hindi natin pinaalis ang mga base militar ng Estados Unidos upang maging kampo para sa OJT o “on the job training” ng sandatahang lakas ng ibang bansa. Aking pinapayuhan ang mga bansa na nabanggit na huwag nang ituloy ang mga ganitong plano dahil magbubunga lamang ito ng pagkamuhi ng mga tao at komunidad na maaapektuhan ng sosyal at pang-kalikasang epekto ng pagsasanay militar. Halimbawa, ag presensiya ng special operations forces ng Estados Unidos sa Mindanao nung Balikatan at iba pang uri ng pagsasanay militar nang buong taon ng 2003 ay nagpaalala ng mga krimen ng mga puwersang nananakop ng Estados Unidos nung simula ng 20th siglo tulad ng masaker ng Bud Dajo. Dito, higit sa 600 Muslim ang pinaslang ng mga sundalong Amerikano.

Ang VFA bilang kasangkapan ng buong pagsuko ng kapangyarihan ng Pilipinas

Sinasabi ko na ang tratadong ito – ang VFA – ay isang pambansang indignidad at instrumento ng pagsuko. Ito ay nagsisilbi lamang sa iisang panig. Ito ay hindi makatarungan at ito’y mali. Ang mga probisyon nito ay kumikiling lamang sa interes ng Esados Unidos habang ginagamit ang mga malabong alituntunin upang tapakan ang mga karapatan ng Pilipinas bilang isang soberaniyang estado sa sarili nitong teritoryo.

Mga labing-apat na taon na ang nakakaraan, pinakita natin sa buong mundo na sa kabila ng ating mga kahinaan bilang nasyon at kahit na sa pagpe-presyur galing sa isang superpower, alam natin kung paano ipagtanggol ang ating mga soberaniyang interes at ipahayag ang ating dignidad. Dahil sa desisyon na alisin ang mga base ng Estados Unidos nung Setyembre 16, 1991, ipinagmalaki natin na tayo ay Pilipino. Ang desisyon din na alisin an gating mga tropa sa Iraq ay isang tagumpay laban sa bansang inagaw an gating maikling kalayaan isang siglo na ang nakaraan, at tulad ng ginawa nito sa Iraq ngayon, trinato ang ating mga bayani para sa kalayaan, na lumaban sa agresiyon at kolonisasyon ng Estados Unidos, tulad ni Macario Sakay, Montalan at iba pa bilang mga terorista, rebelde, at criminal na pinaghuhuli at pinagpapatay.

Ang isyu ng pagbabalik ng presensiya ng militar ng Estados Unidos sa Pilipinas, na pinaalis nung 1991, ay mahalagang iugnay sa patuloy na paggamit sa ating teritoryo ng Amerika sa kanilang mga patakarang interbensiyon sa maraming parte ng mundo. Ito ay inilahad sa isang dokumento ng U.S. General Accounting Office, “Overseas Presence” (June 1997), na nagsaad, “Military exercises demonstrate U.S. resolve and capability to project military presence anywhere in the world.”

Sa kasalukuyan, sa ikasasama ng pambansang soberaniya ng ibang nasyon, ang mga yunilateral na hakbanging militar ng Estados Unidos ay pinagdedesisyunan ng Estados Unidos bilang nag-iisang tagapagpasiya ng kapayapaan, bilang tagapagpaganap at tagaseguro ng kaayusan na pinapaliwanag nito sa ikasusulong ng kanyang sariling pambansang interes. Ngayon, gusto ba nating pabayaan ang ating interes sa mga sariling patakarang panlabas at panseguridad upang suportahan ang Sandatahang Lakas ng Estados Unidos at ang mapanghimasok at interbensiyonistang istratehiya nito sa mundo?

Hinihintay pa rin nating malaman kung paano napabuti ng Visiting Forces Agreement ang kalagayan ng Republika. Basta ang malinaw ay nagdudusa ang Republika sa indignidad ng paglabag sa sarili nitong Konstitusyon at mga lokal nitong mga batas. Sa katunayan, dahil sa VFA, ang ginagahasa ng mga tropang dayuhan ay hindi lamang ang ating mga kababaiahn katulad ni Nicole, kundi ang mismong dangal ng buong bansang Pilipinas.

Sa kabuuan, payagan niyo akong idiin na ang patakarang panlabas ng isang bansa ay pinagpapasyahan ng pulitika, sistema ng ekonomiya at kultura nito. Marami sa mga pambansang problema natin ngayon – kabilang ang utang panlabas, malawakang paghihirap, lumalalang kakulangan sa trabaho, at iba pa – ay sanhi ng ating pagkakasangkot sa pandaigdigang sistema ng ekonomiya. Dito, ang desisyon at aktibidad ng mga bansang may dominanteng ekonomiya at pinakamalaking impluwensiya sa mga institusyon tulad ng World Bank, ang IMF at World Trade Organization ay nakakaapekto ng malaki sa ating lokal na pulitika.

Ang transnasyonalisasyon, dominasyon at dependensiya ay nagpapataw ng mga limitasyon sa ating mga patakarang lokal, panlabas, at panseguridad. Ngunit, kailangan pa rin alalahanin na ang ibang nasyon na ating kapareho ng sitwasyon ay mas nakakapagpahayag ng kanilang pambansang interes at pambansang kalayaan. Nagawa natin ito nung Setyembre 16, 1991 nang patalsikin natin ang mga base militar sa Pilipinas. Nagawa natin ito sa kaso ni Angelo de la Cruz, nang magawa nating i-urong ang mga tropa ng Pilipinas mula sa Iraq.

Sana ay tumulong ang dakilang unibersidad na ito sa paghubog ng ating mga susunod na lider at tagapaglingkod upang tumanim sa kanila ang isang malalim na pagkakakilanlan sa sarili bilang isang Pilipino at layunin, na buong loob na paglilingkuran ang interes ng bayan, at na mayroong di maytatawarang propesyonalismo at katapatan. Sa pamamagitan ng mga lider at tagapaglingkod na ganito sa Serbisyong Panlabas, maaring magkaroon tayo ng mas magandang posisyon sa pagkamit ng isang malayang patakarang panlabas na ayon sa ating Saligang Batas. Inilathala ng Bulatlat

*Isang Lektyur at pagtalakay sa Symposium na Inisponsor ng Union of Journalists of the Philippines-UP Diliman at Nicole Information Bureau, Task Force Subic Rape.College of Mass Communication Auditorium, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Sept. 14, 2006.

Share This Post