Gayuma

NI AXEL PINPIN*

Inilathala ng Bulatlat

Nagkalat daw ang gayuma sa Quiapo

Dahil malapit na ang Araw ng mga Puso

Kahilera ng makabuhay, tawas, tanso

Hairpin, DVD, pampatigas ng likido.

Langis sa botelya, dasal sa istampita

Sto. Niñong may titi, bulong sa palara

Sambit ng mangkukulam na tindera:

Halina! Panghalina sa mailap na pagsinta!

Kumagat ako sa pain at naghalungkat

Sa bunton ng paninda’y nagharap ng agimat

Ngunit bigong makabili ng gayumang layon

Para sa sambayanang nagpapakipot sa rebolusyon!

10 Feb ’07

Camp Vicente Lim

Inilathala ng Bulatlat

*Si Axel Pinpin ay kabilang sa tinaguriang “Tagaytay 5” – kasama nina Riel Custodio, Aristedes Sarmiento, Enrico Ybañez, at Michael Masayes – na dinukot ng mga pulis at militar noong Abril 28, 2006 sa Tagaytay City, pinaratangang mga “rebeldeng komunista” at ngayo’y halos isang taon nang nakakulong sa Camp Vicente Lim ng Philippine National Police (PNP). Naging fellow siya para sa tula ng UP National Writers Workshop noong 1999.
(Bulatlat.com)

Share This Post