Ang Human Security Act, Kalayaang Akademiko, at ang Tumitinding Terorismo ng Estado

Ang kontrobersyal na Human Security Act (Republic Act No. 9372) o aking tatawaging “Terror Act” ay madadagdag sa mahabang listahan ng mga batas o dekreto ng estado ng Pilipinas na pagsalakay at pag-atake sa karapatan ng taumbayan na magpahayag, maglathala, mag-organisa at lumahok na mapayapa sa pangkabuhayan at pampulitikang pamamalakad sa bansa.

NI ROLAND G. SIMBULAN
HUMAN RIGHTS WATCH
Iniambag sa Bulatlat
Vol. VII, No. 28, August 19-25, 2007

Isang paghamon at pagsubok na naman sa atin ang ginagawa ng mga may masamang balak na pansarili, ang muli na namang pagtangkang kumitil sa ating kalayaan at karapatan. Hindi laging sapat ang mga titik at salita ng Saligang Batas para i-depensa ang ating pinagtatangkaang mga karapatang sibil. Ngayon, higit sa lahat, kinakailangan tayong maging mapagmasid, mapagtanod at mapagbantay sa mga nagaganap sa ating paligid at lipunan.

Ang kontrobersyal na Human Security Act (Republic Act No. 9372) o aking tatawaging “Terror Act” ay madadagdag sa mahabang listahan ng mga batas o dekreto ng estado ng Pilipinas na pagsalakay at pag-atake sa karapatan ng taumbayan na magpahayag, maglathala, mag-organisa at lumahok na mapayapa sa pangkabuhayan at pampulitikang pamamalakad sa bansa. Ililista natin ang ilang mga kamag-anak na mapanupil o represibong batas na nauna dito sa panibagong Terror Act.

Sa panahon ng pananakop at okupasyon ng imperyalismong Amerikano sa Pilipinas, idinekreto ng pamahalaan ng Amerika ang Sedition Law (1901) o Act No. 292 na nagbabawal sa anumang pamamahayag para sa kalayaan o pagsasarili ng Pilipinas. Batay sa Sedition Law:

“Until it has been officially proclaimed that a state of war or insurrection against the authority or sovereignty of the U.S. no longer exists in the Philippine islands, it shall be unlawful for any person to advance orally or by writing or printing or like methods, the independence of the Philippine Islands, or their separation from the United States, whether by peaceful or forcible means, or to print, publish or circulate any handbill, newspaper, or publication, advocating such independence or separation.”

Di pa kontento rito, ipinataw din ng mga mananakop na Amerikano ang 1902 Brigandage Act (Bandolerismo Act din kung tawagin, o Act No. 518 na inamyendahan ng Act No. 1121). Tinarget ng mga Amerikano sa Brigandage Act ang ating mga mandirigma para sa kalayaan tulad nina Macario Sakay, Montalan, na binansagan bilang mga “ladrones” at “tulisanes” ng batas na ito. Dito unang ginawang isang kriminal na kaso ang pampulitikang adhikain tulad ng paghahangad ng kalayaan at soberanya para sa ating sariling bansa. Ginamit ang batas na ito para hatulan ng bitay sina Macario Sakay at ilang mga kasama niya, na hinuli matapos silang lumantad at bumaba para sa nakatakdang “peace talks”. Lalahok sana sila sa “peace talks” na ipinain ng mga kolonyalistang Amerikano pero ito pala’y plinanong patibong.

Sinunod ng mga kolonyalistang U.S. ang Reconcentration Act (1903) na nagpwersa sa lahat ng mga sibilyan sa lahat ng mga maseselang lugar ng bansa kung saan may patuloy na pakikipaglaban para sa kalayaan, na lumikas sa kanilang mga tahanan at lumipat sa mga “strategic hamlets” upang mabantayan ng konstabularya at sundalong Amerikano ang pagkilos ng mga Pilipinong gerilyang mapagpalaya. Bahagi ito ng kampanyang pasipikasyon ng Amerika para durugin ang lahat na naghahangad ng kalayaan. Ang mga sibilyan na hindi umaalis sa kanilang mga bukid at tahanan ay ituturing na mga “insurgents” na dapat lipulin ng mga sundalong Amerikano at ng kanilang papet na konstabularya. Ang taktikang ito na pagtatayo ng binabantayang “strategic hamlets” ay ginamit din ng U.S. ilang dekada ang makalipas, sa panghihimasok at digmaan niya laban sa mamamayan ng Vietnam (1954-1975)

Share This Post