a
Ang Human Security Act, Kalayaang Akademiko, at ang Tumitinding Terorismo ng Estado
Published on Aug 18, 2007
Last Updated on Feb 4, 2011 at 9:43 pm

ADVERTISEMENT

Ang American Flag Law ng 1907 naman ay nagbawal sa anumang displey ng bandera ng Pilipinas, mga banner, o simbulo ng mga kilusang mapagpalaya, kasama na rito ang pagbabawal sa mga bandera, banner o simbulo ng Katipunan.

Sumunod ang Anti-Subversion Law. Bagamat nauna pa rito ang pagdeklara na illegal ang pampulitikang partido ng manggagawa at anakpawis sa pamamagitan ng desisyon ng Korte Suprema ng Commonwealth noong 1932, ang Anti-Subversion Law o Republic Act 1700 ay isinabatas ng Kongreso noong 1957. Sa R.A. 1700, “An Act to Outlaw the Communist Party of the Philippines and Similar Associations, Penalizing membership Theirein, and for Other Purposes, ” ang pagiging opisyal o miyembro ng Partido Komunista ng Pilipinas o mga “associated organizations” ay ginawang illegal at kriminal na gawain kahit na hindi armado ang inaakusa. Dahil sa RA 1700 o Anti-Subversion Law, maraming mga lider manggagawa tulad ni Ka Amado Hernandez na pangulo ng Congress of Labor Organizations (CLO), ang ikinulong sa akusasyon at salang sila ay opisyal o kasapi ng PKP. Muntik ding makulong dahil sa batas na ito noong 1961 ang ilang mga propesor ng Unibersidad ng Pilipinas, na inakusahan sa Committee on Un-Filipino Activities (CUFA) ng Kongreso ng Pilipinas na mga “komunista “, dahil sa kanilang paniniwala, paninindigan at lathalaing progresibo at liberal. Mahigit sa 300 mag-aaral at propesor ng U.P. ang nagmobilisa at dumagsa sa public hearing ng CUFA sa Kongreso para kondenahin ang “witch-hunting” na ginagawa ng Armed Forces of the Philippines intelligence service laban sa ilang liberal at progresibong propesor ng U.P.

Sa pagdeklara ng Martial Law o Batas Militar noong Sept. 21, 1972, ang Republic Act 1700 ay pinalawak ng Presidential Decree (P.D.) No. 885, ang Revised Anti-Subversion Law na nilagdaan ni Marcos noong Pebrero 3, 1976. Dito, pinagbawal din bilang “subversive organizations” ang maraming militante at progresibong organisasyon na aktibo bago deklarasyon ng martial law tulad ng Movement for a Democratic Philippines (MDP), Kabataang Makabayan (KM), Samahang Demokratiko ng Kabataan (SDK), kung ating babanggitin ang ilan. Dinagdagan ng P.D. 885 ang maaaring gamiting “prima facie” na ebidensiya na ginawang labing isa (11). Inalis din ang “two-witness rule” sa R.A. 1700 at ginawang sapat ang testimonya ng iisang testigo.

Inamyenda ng P.D. No. 1736 ang P.D. No. 885 sa pagpapaliwanag kung ano ang isang subersibong organisasyon. Sumunod dito ang P.D. No. 1834 na dumagdag sa mga parusa sa rebelyon, sedisyon at katumbas na krimen sa magkakaparehong reclusion perpetua (life imprisonment) hanggang kamatayan (o bitay), kasama na rito ang pagsulsol o pag-ibuyo (incite) ng sedisyon. Ang Artikulo 142-B ay idinagdag din sa Revised Penal Code na nagpapataw ng parehong reclusion perpetua hanggang kamatayan sa pagbibigay tulong o suporta sa mga nagkasalang rebelyon, sedisyon, o pagsulsol ng rebelyon.

Noong Enero 16, 1981, ang P.D. No. 1835 ay nilagdaan ni Marcos na siyang nag-kodipika sa lahat ng batas kaugnay ng Anti-Subversion, mga sumunod na amyenda dito, lalo na ang mga batas o dekreto na nagdagdag sa parusa sa pagiging miyembro ng mga tinutukoy na subersibong organisasyon. Isa pang presidential decree, ang PD No. 1811 ay nilagdaan din sa araw na iyon na nagpapataw ng parusang kamatayan (bitay) sa sinuman na gumamit ng di-lisensiyadong armas o baril sa pagsusulong ng subersyon, rebelyon, insureksyon o sedisyon.

Isa pang kasunod na presidential decree na sumisikil sa kalayaang sibil ay ang P.D. No. 1804 na pinamagatang, “Prohibiting and Penalizing the Granting of Permits for the Holding of Public Rallies, Demonstrations, Assemblies and Similar Meetings to Persons Found Guilty of Rebellion, Sedition, or Subversion who have not been granted Amnesty therefore, and to Persons Charged with any of Said Crimes.”

Noong July 21, 1983, ang Preventive Detention Act kaugnay ng subersibong krimen ay binalangkas ng P.D. No. 1877. Sinundan ito ng P.D. No. 1877-A na nagpalawak sa maaaring gamiting “Executive Action” laban sa mga taong aarestuhin o ikukulong batay sa “palagay” o pagpapasya ng awtoridad na kinakailangan ito para sa kaligtasan ng publiko at para ma-kontra o supilin ang nagaganap na rebelyon sa bansa.

Matapos maganap ang EDSA 1 noong Pebrero 1986 at mapabagsak ang diktaduryang Marcos, pinawalang-bisa ng Executive order No. 59 ang Anti-Subversion Law at kaugnay nitong mga martial law P.D.s (1804, 1836, 1877 at 1877-A). Di nagtagal, noong September 22, 1992, inapruba ng Kongreso at nilagdaan ni President Fidel V. Ramos ang Republic Act. No. 7636 na tuwiran nang nagbasura (repeal) sa Republic Act 1700 (Anti-Subversion Law) at mga kaugnay na mga batas ukol sa rebelyon, subersiyon, insureksyon, at sedisyon. Mula noon, ang mga armadong rebelde ay papatawan na lamang ng mga kriminal na parusa sa ilalim ng Revised Penal Code. Kung hindi ka lumabag sa mga probisyon ng Revised Penal Code, hindi ka na lamang basta-basta ituring na kriminal na dapat parusahan lalo na kung kasapi ka o opisyal ka lamang ng isang legal na organisasyon.

Itong mga nabanggit ko na mga batas na anti-subversion at presidential decrees ay mga bunga ng kolonyalismong Amerikano, Cold War isterya noong 1950s at 1960s, at ng diktaduryang Marcos noong martial law. Ang mga mapaniil na batas at dekretong ito ay ipinataw upang ma-preserba ang monopolyo sa paghahari ng mga dayuhang mananakop na Amerikano (1900-1940), sa paghahari ng mga oligarkiyang asendero at lokal na komprador sa panahon ng neo-kolonyalismo matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at bilang preserbasyon ng estado sa kanyang mapaniil na patakaran sa ilalim ng diktaduryang Marcos. Ito rin ay maituturing na sagot ng naghaharing oligarkiya at dayuhang interes sa pinsalang ginagawa ng kanilang mga mapaniil na patakaran, at sapagkat hindi tinutugunan o tinututukan ng pamahalaan ang ugat ng kahirapan at rebelyon: ang kawalan ng trabaho at hanapbuhay, kakulangan sa batayang serbisyo, at pagsasamantala sa mga mahihirap. Ang mga represibong batas na ito ay mga legal na instrumento, datapwat direktang pag-atake kahit sa mapayapang pagkilos at pag-oorganisa ng mga api at anakpawis para sa kanilang karapatan, interes at kagalingan.

 Save as PDF

BE A BULATLAT PATRON

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This