a
at nahugot nga ni Willie, mula sa kahon, ang tamang sagot sa bugtong
Published on Sep 8, 2007
Last Updated on Feb 4, 2011 at 9:40 pm

ADVERTISEMENT

NI LOLITO GO
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VII, No. 31, September 9-15, 2007

Napako ang mga naluluhang
mata ni Tiya Meling sa TV
nang makita niyang umiiyak
ang idol na si Willie,
hinahamon si Joey, kinukumbinsi
ang sambayanan na hindi siya
mandaraya, at ang istasyong
kinabibilangan niya ay laging
matapat sa layunin nitong
makapagbigay ng saya at pag-asa.

Nakalimutan na ni Tiya na iisang
kamay lang ang nanghipo noon sa isang
kandidata sa Calendar Girl,
ang nagpasakit sa bagong-kasal pang
asawang ngayo’y hiwalay na sa kanya,
ang kumaway nang paanyaya sa Ultra,
at pinakahuli, ang nabistong nanalamangka.

Nakalimutan na ni Tiya na galit siya
sa malilikot ang kamay, nakalimutan
ni Tiya na noong nanakawan siya
ng paninda sa bangketa, binayaran
niya ng tigsisingkuwenta ang mga
binatang gumulpi sa nahuling istambay.
At ni hindi man lang tumulo ang kanyang
luha nang makita ang gumagapang
at duguang katawan ng kawatan.
Subalit tuwing humihingi ng paumanhin
ang idolo nya sa T.V., binubuksan niya
ang puso, pati lagusan ng kanyang luha,
at tinatanggap ang mga pampalubag-loob
na katulad nito: “Kapamilya, kayo po
ang tunay na bida dito, at hindi ako”

Araw araw tuwing tanghali,
bukambibig ito sa Wowowee:
“Salamat sa mga subscribers ng TFC.
Salamat sa pinadadala ninyong tseke,
sa mga pinagpaguran ninyong dolyares.
Makakaasa po kayong aabot ito
sa bibig ng mga nagugutom.”
Subalit hindi laging naililihim
sa loob ng mga bayong o ng mga kahon
ang katotohanang hindi kawanggawa
ang paboritong palabas sa TV ni Tiya;
isa lamang ito sa maraming kabuhayan
ng iilang nasa itaas na magkakapamilya.

Inilathala ng Bulatlat

 Save as PDF

BE A BULATLAT PATRON

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This